Bt Michael Juha
getmybox@hotmail.com
---------------------------------
"May pruweba ka ba sa sinabi mong iyan na ibang tao ito?" Ang tanong uli ng pari.
"Mayroon po..." at inangat ko ang litrato na kuha namin ni James noong panahong umalis siya at naganap ang aksidente.
Nagmuestra ang pari na lumapit ako sa altar upang matingnan niya ang litrato.
Dali-dali akong tumalima. Nagtatakbo akong lumapit sa altar at iniabot sa pari ang mga litrato. Halos marinig mo ang pagbagsak ng karayom sa loob ng simbahang iyon sa tindi ng katahimikan habang tiningnan ng pari ang aming larawan.
"Marlon Ibanez... James Andres... Hmmmm." ang narinig kong bulong ng pari habang seryosong inusisa niya ang mga litrato. At, "Ok..." Iyon lang. At inabot na niya ang litrato sa akin.
Tinanggap ko ang mga litratong inabot ng pari sa akin. Inirapan ko pa silang dalawa ni Marlon at Sophia na halata sa mga mata ang galit habang sinundan nila ako ng tingin. Buong pagmamalaking tumalikod ako sa kanila at tinumbok ang aking upuan sa tabi ni Ricky. Pakiramdam ko kasi ay panalo na ako. "O... tingnan lang natin kung matutuloy pa ang kasal ninyo." bulong ko sa sarili.
Ngunit sabay sa aking pag-upo ay ang matindi kong pagkagulat noong sinabi ng pari na, "Wala na bang hahadlang?"
Nagtinginan muli ang mga tao. Ang iba ay sa akin nakatutok ang mga mata.
"Kung wala na... Ituloy na natin ang kasal."
At sa pagkabigla at galit, bigla akong napatayo at sumigaw. "Hindi niyo po sila maaaring ikasal padre! Hindi nga po siya si Marlon Ibanez!"
At doon na ako lalo pang nasaktan noong si Marlon pa mismo ang sumagot sa akin. "Tarantado ka pala eh! Sino ba ang nagsabi sa iyo na Marlon Ibanez ang pangalan ko? Marlon ka nang Marlon d'yan, ulol!" At baling sa altar boy na naghawak ng mga papeles, "Akin na nga ang papeles... ipakita ko sa baliw na taong iyan kung ano ang pangalang nakasulat diyan!"
Lumapit sa akin ang nasabing sakristan at ipinakita ang mga dokumento sa kasal. Tiningnan ko ito. Bigla akong nanlumo sa aking nakita. "James Andres" ang nakasulat na pangalan niya sa papeles na iyon!
"O ano? Di hindi ka makapagsalita? Dada ka nang dada d'yan! James Andres ang pangalan ko gago! Nanumbalik na ang alaala ko at alam ko na ang lahat! At huwag mong guluhin ang buhay ko bakla! Hindi kita type!"
At ang sunod kong narinig ay ang tawanan ng mga tao sa loob ng simbahan.
"Umalis ka rito kung ayaw mong makaladkad ng mga body guards!" ang sigaw naman ni Sophia. "Hindi ka imbitado rito!"
Sa matinding hiya ay mabilis akong tumakbo palabas ng simbahan. Mistulang hindi lumapat sa lupa ang aking mga paa sa bilis ng aking pagtakbo.
"Igan! Igan!!!" ang narinig kong sigaw ni Ricky.
Ngunit hindi ko ito pinansin. Patuloy lang ako sa pagtakbo. Habang nasa ganoon akong pagtatakbo at tuluyan nang nakalayo, may narinig akong dalawa o tatlong putok, mistulang galing sa isang baril.
Ngunit hindi ko na pinansin ang mga ito, inisip na baka pinaglalaruan lang ako ng aking isip. Ni paglingon sa simbahan kung saan ako nanggaling ay hindi ko na ginawa sa sobrang hiya at pagkadismaya.
Habang nagtatakbo ako, narinig kong tumawag na naman si Ricky. "Igan! Igannnnnn!"
Ngunit pati siya ay hindi ko rin sinagot. Patuloy lang ako sa aking pagtakbo. Hanggang nakita ang isang tricycle at pinara ko ito. "Sa boarding house po..."
![](https://img.wattpad.com/cover/200541187-288-k599650.jpg)