By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
----------------------------------
Marami kaming napag-usapan habang nasa biyahe. Kahit si Sophia at ang nangyaring pag-akusa niya na ako ang dahilan ng food poisoning ay napag-usapan din namin. At alam din raw niya na inapi-api ako ni Sophia.
"Tiisin mo lang muna. Kasi, malapit na akong umalis sa poder niya." ang sambit ni Marlon. Parang nakikinita kong may nabuo na siyang plano bagamat hindi naman niya sinabi kung ano ba talaga ito.
"Saan ka naman pupunta kapag nakaalis ka na sa poder niya?"
"Uuwi sa atin eh. At doon maghanap ng trabaho. Bakit, sa tinign mo ba ay hindi ako makahanap ng trabaho?"
Hindi na ako umimik. Syempre, kapag pamilya na niya ang pinag-uusapan, wala akong kaalam-alam. Ayokong madagdagan pa ang mga kasinungalingan ko o kaya ay may masabi akong nakakaduda na.
Habang palapit nang palapit kami sa aming lugar, palakas nang palakas naman ang kabog sa aking dibdib. Hindi ko kasi alam kung saan siya dadalhin.
"Excited na ako yak... sabik na akong makita ang mga pinsan natin" sambit ni Marlon, bakas sa kanyang mukha ang labis na kagalakan.
Ang sabi ko kasi sa kanya ay mga pinsan ang pupuntahan namin. Wala akong planong magpakita sa bahay na kasama siya. Baka mamaya madagdagan lamang ang aking problema kapag nalaman ng aking mga magulang na nagpanggap akong kapatid ni Marlon. Isa pa, nasa Mindanao ang pamilya niya, na nasabi ko na rin sa kanya.
"P-pero di ba ang sabi mo ay nasa Mindanao ang pamilya natin?" dugtong din niya.
"Oo, sa Mindanao nga sila. Sinabi ko na iyan, di ba?" ang naisagot ko.
"Oo. Pero kailan tayo pupunta roon? Sabik na akong makita ang mga magulang natin yak."
"Saka na iyon... Basta darating na lang iyon." Ang sagot ko na lang. Palapit na palapit na kasi sa lugar at naturete na ang utak ko kung ano ba talaga ang aking gagawin at saan ko siya daldalhin.
Noong nakarating na kami sa bayan, giniyahan ko siya upang baybayin ng kotse niya ang daan patungo sa bodega ng kopra na nasa burol kung saan si James nagtatrabaho dati bilang isang security guard.
"D-dito na ba?" ang tanong niya noong sinabi kong ihinto na ang kotse.
"Oo. Ito na nga."
"Bodega ito ah!"
"Bodega nga ng kopra... dito ka dati nagtatrabaho bilang isang securty guard."
"T-talaga?"
"Oo... ikaw ang siga diyan dati." Binuksan ko ang pinto ng kotse at lumabas ako. "Tara..."
Lumabas na rin siya. "D-dito ba talaga ako dating nagtatrabaho?" tanogn uli niya.
"Oo nga. Kung gusto mo, itanong pa natin sa..." napahinto ako. Naalala ko kasi si Badong, iyong kapalit niyang guwardiya na nakaniig ko rin noong wala na siya. Para tuloy akong nagdadalawang-isip na ipakilala pa siya. "Sabagay, baka wala na siya. Antagal na kasi noon." Sa isip ko lang.
"Kanino natin itanong?"
"S-sa may ari ng bodega, nitong koprahan..."
"Saan ko kaya ito dadalhin pagkatapos naming dito?" ang tanong ng isip kong litong-lito kung ano ang sunod kong gagawin.
"Ah... mag-hotel na lang kami!" Ang planong pumasok sa isip ko. Maganda ang planong iyon kasi, safe ako kapag nasa hotel kami, hindi ako mahuli na naroon pala ang mga magulang ko at ito ang pupuntahan ko; at habang naroon siya, lihim akong makasaglit sa bahay, kukunin ang mga kailangan ko, makita ang mga magulang ko at makapagpaalam sa kanila.