By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
---------------------------------
Napahinto ako sa bukana ng pintuan ng opisina at nilingon si Marlon, sinigurong tama nga ang aking narinig na sasama siya sa akin.
Ngunit nabigla rin ako noong, "James, wait..." ang pagsingit ni Sophia.
Lumingon si Marlon sa kanya na kasalukuyang nakatayo na at naglakad patungo sa pinto kung saan ako nakatayo. "Yes???" sagot niya.
"Ok... papayag na akong tangagpin natin iyang si Jassim. Huwag ka lang umalis please..."
Nilingon ako ni Marlon. "I'll just call you, Jassim. Please wait outside..." sambit niya.
At hindi pa ako tuluyang nakalabas ng kuwarto, agad na siyang niyakap ni Sophia at hinalikan, nilalambing pa. "Totoo pala ang sabi ni Ricky na demonya ang amo nilang babae... Takot naman palang iwanan eh." bulong ko na lang sa sarili.
Tinungo ko ang upuan sa labas ng office ni Marlon at doon naghintay. Pailing-iling na lang ako. Syempre, sobrang sakit na nakita ng aking dalawang mga mata na niyakap ng babaeng iyon si Marlon, na sa isip ko ay si James talaga. At lalo pa noong sumagi rin sa utak ko kung ano ang kanilang ginagawa sa loob. "Sigurado hindi lang sila nagyakap; naghahalikan pa sila o may mas matindi pa kaysa halik silang ginagawa sa loob..." sa isip ko lang. Napabuntong-hininga na lang ako.
May 15 minutos din akong naghintay. Maya-maya lang ay bumukas ang pinto sa opinsin ni Marlon at nakita kong lumabas si Sophia. Noong nakita niya ako, biglang sumimangot ang mukha niya at tinitigan ako nang napakatulis na para bang may pananakot o pagbabanta.
"Jassim, come in!" ang sambit naman ni Marlon na sumilip lang sa pintuan at tinawag ako.
Tumayo ako. Hindi ko na pinatulan pa ang matulis na titig sa akin ni Sophia. Tinumbok ko ang pinto sa opisina ni Marlon atsaka dali-daling pumasok, umupo sa dating inupuan.
"Pasensya ka na kanina ha? Ganyan lang talaga iyang si Sophia... Kailangan pang takutin." Sabay bitiw ng tawa. Ewan kung totoong tawa iyon o gusto lamang niyang i-play down ang nangyari. Nag-takutan kaya sila sa harap ko.
Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. Hindi na ako sumagot.
"Pagpasensyahan mo na rin siya ha? Magiging amo mo rin iyan kung kaya intindihin mo na lang." dugtong pa niya.
"O-ok lang po iyon, Sir... Masasanay rin siguro ako."
"Alam mo... marami pa sana akong itatanong sa iyo eh. Naintriga kasi ako sa mga sinabi mo sa akin tungkol sa kuya mong hindi na sumipot na sabi mo ay kamukha ko. Pogi pala ng kuya mo..." biro niya sabay tawa. "Sabagay pogi ka rin naman kaya hindi malayong pogi rin ang kuya mo." Dugtong pa niya.
Ngumiti na lang ako.
"Marami pa sana akong gustong itanong sa iyo. Mukhang interesante kasi eh. Kaso..." tiningnan ang relo niya "...may meeting pa ako with branch managers ng MCJ Chain. Pero sa ibang pagkakataon na lang. Marami pa naman di ba? I'll find time na magkausap tayo."
"S-sige po Sir. Aasahan ko po iyan."
"Good. At bukas na bukas din, magreport ka na rito. Kilala mo si Ricky, di ba? Siya ang mag-orient sa iyo regarding your time schedule, assignment, etc." Sambit niya sabay tayo at inabot sa akin ang kanyang kanang kamay.
Tinanggap ko ang kanyang pakikipagkamay. "Salamat po uli Sir."
"See you tomorrow, Jassim!"
Noong nakalabas na ako sa office niya, nagkataon namang nakita ko si Ricky na naka-unipormeng pag eskwela na. May night class daw kasi siya kung kaya deretso na siya patungo sa school. Sinabayan ko na siya. Iisa lang kasi ang aming rota at halos nasa bungad lang ng unibersidad namin ang aking boarding house.