By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
----------------------------------------------
"Hahahahahahahaha!" ang narinig kong halakhak ni John habang nagttakbo itong palayo sa akin.
"Pulis! Pulissssss!!!" ang sigaw ko habang dali-daling nilapitan ang isang pulis na nasa isang bahagi ng terminal.
"Anong problema?" ang tanong niya kaagad sa akin.
"Ang taong iyon..." turo ko kay John na halos hindi na naming nakikita. "May inilalagay na bomba noong nakaalis na bus patungong Mindanao. Ala 8:20 daw sa timer niya sasabog iyon! Alas 8:19 na po!!!"
Hindi na sumagot ang pulis. Agad niyang kinuha ang kanyang walkie-talkie at may tinawagan habang nagtatakbo siya patungo sa direksyon ni John.
At iyon din sa puntong iyon ko narinig ang ingay ng isang pagsabog. "BOOOOOOMMMMMMMM!!!"
"Diyos ko po!!! Totoo ang sinabi niya! Totoo ang sinabi niyaaaa!!!" Sigaw ng utak ko.
Kitang-kita ko ang pagkagulat rin ng mga tao na tiningnan ang direksyon ng kahabaan ng highway kung saan nanggaling ang malakas na tunog.
At doon na ako nag-iiyak. Dali-dali akong tumakbo, binaybay ang highway na dinaanan ng bus na sinakyan ni James. "Yak! Yakkkkk!" ang pagsisigaw ko habang nagtatakbo. Wala akong pakialam sa mga tao na nakatingin sa akin at nagtaka kung bakit.
Ngunit marahil ay na-connect din ng ibang tao ang narinig nilang pagsabog at ang pagtatakbo ko sa lugar na pinangngalingan ng ingay. May akong sumigaw ng "Diyos ko!!!"
Mistulang hindi lumapat ang aking mga paa lupa sa bilis ng aking pagtakbo. Alam kong sa 20 minutos ng takbo ng bus, kung dumeretso nga ito at hindi nag-ikot o umistambay, nasa 30 kilometro na ang layo nito mula sa terminal. Ngunit sa ingay ng pagsabog, parang napakalapit lang. Parang wala pang isang kilometro ang layo.
At hindi nga ako nagkamali. Hindi pa naka 500 metro ang aking pagtakbo, nakita ko na ang isang gilid ng highway na may maraming mga taong nag-usisa, may makapal at maitim na usok ang at patuloy pa itong nag-aapoy.
"Diyos ko pooooo! Yakkkkk!" ang lalo ko pang pagsisigaw at binilisan pa ang pagtakbo. Nagtaka rin ako dahil parang isang warehouse naman iyong nasunog. Ngunit naisip ko na doon sumubsob ang bus nang sumabog ito kung kaya nadamay ang nasabing warehouse. Hindi ko kasi makita ang bus gawa ng maraming taong nakapaligid sa lugar.
Tatawid na lang ako sa highway upang lapitan ang nasabing nasunog na warehouse noong sa mismong harap ko ba naman ay pumara ang isang jeep. At laking gulat ko pa noong bumaba ang isang lalaki sabay tanong sa akin ng, "Saan ka pupunta?"
"Yak???" Ang sigaw kong gulat na gulat at naglulundag. "Akala ko ba ay sumabog ang bus mo?" ang tanong ko sabay yakap sa kanya.
"Huh!" ang gulat din na expression na nakita ko sa kanyang mukha. "P-paanong sumabog?" sagot din niya at yumakap na rin sa akin, hinaplos-haplos ang aking buhok.
"Nakita ko kasi ang kambal mo at sinabi niyang may inilagay daw siyang bag ng bomba sa bus mo at sasabog daw iyon sa oras na alas 8:20."
"Ganoon ba? Hindi niya magagawa iyon. Tinakot ka lang noon. Pumapatay iyon ng ibang tao ngunit hindi ako kayang patayin noon."
"E, ano iyang sumabog diyan?" sabay turo sa umuusok pang building.
"Malay ko ba d'yan. Bakit ako ang tinanong mo? Warehouse ata iyan ng LPG. Baka may nag leak na tangke at may nagtapon ng sigarilyo..."
Mistula naman akong natameme. "Eh, ikaw? B-bakit ka bumalik?" ang tanong ko na lang uli.
"Hindi kita matiis eh." sabay bitiw ng isang ngiting mistulang nahihiya.