By: Michael Juha
getmybox
---------------------------------------
Pinilit kong pigilan ang aking sariling huwag umiyak. "Sino ba ako sa buhay niya upang umiyak?" tanong ng isip ko. At wala naman talaga kaming relasyon. Iyong nangyari sa amin ay dala lang ng libog. Kasi, sabi nga niya, ok lang daw ang magpaligaya sa sarili kapag walang babae.
Kung kaya tumalikod na lang ako sa kanya at lihim na pinahid ang aking mga luha.
"S-sana maayos ang kalagayan ng inay mo yak..." ang sambit ko na lang, pinilit na hindi mahalata sa aking boses na umiiyak ako. Alam ko kasi na kapag nasa Mindanao na siya, maaaring mahirapan na siyang makabalik. May sinabi kasi siya na kapag nakauwi na siya ng Mindanao, ayaw na niyang magtrabaho pa sa lugar na malayo sa kanila. Sa Mindanao na lang daw siya maghanap ng trabaho, at doon na rin siya mag-aasawa. Pagod na raw siya sa pagtatrabaho ng malayo sa kanyang mga magulang. Pagod na rin siya sa isang long distance na relasyon kagaya ng nangyari sa kanya at girlfriend niyang nasa Mindanao na nagkahiwalay din dahil sa layo niya sa isa't-isa. At dagdagan pa sa pagkaka-stroke ng inay niya, lalong hindi na niya nanaisin pang makabalik.
"Sana..." ang sagot ni James.
Tahimik. Halos hindi na kasi ako makapagsalita gawa nang parang may bagay na bumara sa aking lalamunan. Nakakabingi ang katahimikan.
Maya-maya, "Ihatid mo ako sa terminal bukas? Alas syete ng umaga ang alis ko."
"S-sige..." ang mahina kong sagot. Nagdadalwang-isip kasi ako. Parang gustong pumigil ng isip ko ngunit ang udyok ng puso ko ay sumipot kahit mag-aabsent pa ako sa klase.
"G-gusto kong mag-inum ngayon, yak. Gusto mo, samahan mo ako?"
"H-hindi ako umiinum eh... Pagagalitan ako ng inay kapag umiinum ako."
"Kahit ako na lang. Hayaan mo lang na mag-inum ako."
"S-sige."
Lumabas siya, bumili ng isang boteng gin sa isang malapit na tindahan.
At uminum nga siya. Sa harap namin ay ang mesa at nakaupo kaming magkaharap sa isa't-isa. Pansin ko ang matinding lungkot sa kanyang mukha.
Wala kaming imikan habang paminsan-minsang tinutungga niya ang kanyang baso. Alam ko, tuliro ang kanyang isisp, lumilipad patungo sa kanilang lugar; sa pamilya niya, sa kalagayan ng kanyang inay.
Habang nasa ganoong ayos siya, nanatili akong nakatitig sa kanya, sinamsam ng aking mga mata ang bawat detalye sa kanyang mukha kung saan ay maaaring hindi ko na masilayan pang muli.
Binitiwan ko ang malalim na buntong hininga. Matindi ang lungkot na nadarama ko sa takot na maaaring iyon na ang huli naming pagba-bonding.
Sa pagtitig ko sa kanya ay parang noon ko lang siya nasilayan nang maigi. Parang noon ko lang siya nakilala. Noon ko lang nadiskubre ang mga ganda ng kanyang mukha. Hindi ko maiwasang hindi mapahanga sa kanyang angking kapogian. Kahit lungkot na lungkot siya, pakiwari ko ay lalo lamang siyang pumupogi. Ang kanyang bibig na nawalan ng ngiti ay naroon pa rin ang kaakit-akit na porma, ang kanyang malungkot na mga mata ay tila nangungusap pa rin at nagmamakaawa ang mga ito. Parang gusto ko siyang yakapin, halikan ang kanyang mapanuksong mga labi...
Halos maubos na niya ang isang boteng gin noong nagsalita siya. "Sensya ka na sa akin yak... malungkot lang talaga ako eh." Sambit niya. Siguro napansin niyang wala akong imik at nakatitig lang sa kanya.
"O-ok lang... naintindihan ko."
"Halika nga rito..."
Tumayo ako sa tabi niya. "B-bakit?"