Chapter 2

48.5K 905 31
                                    


Bagaman naiinis siya kay Nico ay hindi gusto ni Erika na hindi maging presentable. Isang tight-fitting dress ang suot niya na may kaunting slit sa tagiliran. Sa Hong Kong niya iyon binili minsang niyakag niya ang mommy niya na mag-shopping doon. Kulay-puti iyon at nagbigay-accent sa morena niyang balat.

Naglagay siya ng kaunting makeup, mascara at frosted pink lipstick. Nag-dab ng Estee Lauder's Private Collection sa likod ng tainga at pulso. Hinayaang nakalugay ang buhok na lampas-balikat. Dinampot ang Nina Ricci handbag at pagkasuot ng high heels na signature din ay bumaba na ng hagdan si Erika.

Nasa sala na si Nico at naghihintay. Habang papalapit siya'y hinagod siya ng tingin.

"You look very expensive! Mula ulo hanggang paa," bungad nito na ngumiti. "Alam mo ba na ang halaga lang ng bag mo ay katumbas na ng suweldo ng isang empleyado natin sa loob ng isang buwan? Not to mention other things..."

Isang matalim na sulyap ang ibinigay ni Erika sa binata. "Binibigyan mo ba ng accounting ang mga isinusuot ko, Nico?"

"Not really. People nowadays are being kidnapped because of their money. But you've got more than just money, honey. At doon ako kinakabahan," nakangiting sagot ng binata na kumikislap ang mga mata. "Hindi tayo ganoon kayaman para pagkaabalahan ng mga terrorist."

Hindi nakaila sa dalaga ang paggamit nito ng endearment pero hindi niya iyon pinansin. Alam din niyang pinupuri ni Nico ang ayos niya na kung bakit hindi nito maideretsong sabihin ay ewan niya. Sasabihin lang nitong maganda o sexy siya ay ang dami pang pasakalye. Pati ba naman ang pagbibigay ng simpleng compliment ay mahirap para ditong sabihin?

"Let's go. Nagpaalam na ako sa Tita Eloisa." Hinawakan nito ang siko niya na iglap din niyang binawi. Nagkibit ng balikat ang binata.

Binuksan nito ang passenger's seat ng Land Cruiser at pumasok siya. Gusto niyang itanong kung saan sila pupunta pero minabuting magsawalang-kibo.

Makalipas ang ilang sandali ay ipinarada ni Nico ang sasakyan sa parking space ng isang sikat na disco house.

"Disco? Magdi-disco tayo?" gulat niyang tanong.

"Bakit ka nagtataka? Ang akala ko ba ay ayaw mo ng ballroom o di kaya ng isang romantic place?'" amused na tanong ni Nico.

Hindi sumagot ang dalaga na duda pa ring nakatingin dito. Was Nico making a fool of himself? Well, titiyakin niyang walang sandaling masasayang sa pag-upo and Nico would be sorry for taking her here!

Sa loob, pagkatapos maupo at makapag-order ay nagyakag na agad magsayaw ang dalaga.

"Take a breath, kararating lang natin."

Tumaas ang kilay ng dalaga. "Hindi mo ako dinala rito para kuwentuhan ng mga nangyari sa opisina?" Sinabayan niya ng tayo. "I could easily find myself a dancing partner, you should know that," paghahamon niya at nagpatiunang lumakad.

Tiim-bagang na sumunod si Nico. Sa gitna na ng dance floor inabutan ng binata si Erika. Mabilis at maharot ang tugtog. Pati iba't ibang kulay ng laser lights na nagsasalimbayan ay tila lalo lang nagpadagdag sa tiyempo ng musika.

Nagsimulang umindak ang dalaga. Hindi inaalis ang naghahamong mga mata sa binata. Kung inaakala ng dalagang maa-out of place si Nico ay nasorpresa siya. Sinasabayan siya nito sa pagsasayaw at hindi pinansin ang pagkagulat sa mukha niya. Hindi man gustong aminin ng dalaga ay mahusay sumayaw ang partner niya. Hindi lang basta mahusay, gosh, he was sexy dancing! At hindi kaila sa kanya ang mga mata ng mga naroong kababaihang nakatuon kay Nico.

Hindi rin niya gustong aminin pero nag-e-enjoy siya. Sige sila sa pag-indak sa nonstop na maharot na tugtog.

Si Erika ang nagyayang maupo na sila. Inaasahan niyang kakantiyawan siya ng binata pero hindi ito nagsalita. Dumukot ng panyo sa bulsa at nagpunas ng pawis sa mukha. Pagkatapos ay dahan-dahang ininom ang scotch nito. Si Erika man ay inabot ang gin and tonic niya.

Only You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon