Hindi dumating sa mansiyon si Nico at hanggang sa makauwi si Erika sa Tagaytay ay wala pa rin ang asawa. Nanatili siyang gising upang hintayin ito. Ala-una pasado nang madaling-araw nang tumanggap siya ng tawag sa telepono.
"Yes... si Mrs. Romero ito... Ano? S-saan ho siya dinala?" Mga pulis at ibinalita sa kanyang nasa Makati Medicai Center si Nico. Nabangga ang Land Cruiser nito sa isang poste dahil sa pag-iwas sa isa pang sasakyan.
Nanginginig ang mga kamay na tinawagan ni Erika si Eloisa. Pagkatapos ay halos liparin niya ang ospital sa bilis ng takbo ng kotse niya.
Naroon na si Eloisa nang makarating siya. Mabilis siyang yumakap sa ina.
"Mommy! Si Nico!"
"Calm down, hija. Nasa operating room na si Nico. Nasa loob si Dr. Matias, ang family surgeon natin." console ni Eloisa sa anak.
"Gusto ko siyang makausap, Mommy. Gusto kong matiyak na ligtas siya!" naghi-hysteria niyang sinabi.
"Mga espesyalista ang kasama ng asawa mo sa loob, Erika. Wala tayong magagawa kundi ang manalangin." Hinila nito ang anak sa isang sofa at naupo sila.
Walang naging internal damage sa ulo ni Nico bagaman may dalawang sugat ito roon na may ilang stitches din. Naka-cast ang dibdib nito dahil sa ilang fractured ribs pero walang internal damage. Subalit may benda ang mga mata nito.
Dalawang araw bago nakausap ni Erika ang asawa. Polite ito kapag kaharap si Eloisa at ang ibang dumadalaw subalit kapag sila na lang dalawa ay ipinagtatabuyan siya nito.
"Bakit hindi mo ipaubaya sa mga private nurse ang pag-aalaga sa akin, Erika?" Walang galit sa tinig ni Nico pero sa pag-iigting ng mga bagang nito ay alam niyang namumuhi ito sa kanya. Ayon sa ilang kaibigang kasama ni Nico bago mangyari ang aksidente ay hindi ito sumama sa kanilang i-treat ang ilang mga tao sa Highways sa night club. Subalit gayun na lang ang gulat nila nang makalipas ang ilang oras ay dumating si Nico at ito pa mismo ang nagyayang uminom pa sila.
Alam nilang hindi umiinom nang ganoon si Nico subalit hindi noong gabing iyon. Tinanong pa nga siya ng vice president ng Mega Engineering, si Melchor na siya ring tumayong sponsor nila sa kasal kung nagkagalit silang mag-asawa. Itinanggi ni Erika sa mga ito na may alam siya sa paglalasing ni Nico na siyang naging sanhi ng aksidente nito.
"Nico, please, kahit ipagtabuyan mo ako ay hindi kita iiwan," mahina niyang sagot. Naluluha na siya sa inaasal ng asawa sa kanya. Hindi siya nito sinisigawan pero mas masakit ang cold treatment.
"Hindi ko alam kung bakit ganyan na lamang ang concern mo sa akin ngayon. You don't have to feel guilty, Erika."
"There's no reason to feel guilty, Nico. Ilang beses ko nang ipinaliwanag sa iyo kung bakit ako naroon pero ayaw mong maniwala."
"At nagtataka ako kung bakit kailangang magpaliwanag ka, Erika, gayong hindi naman ako nagtatanong."
Hindi nakakibo si Erika. Mahigit dalawang linggo na si Nico sa ospital pero minsan man ay hindi nito inungkat ang tungkol sa kung bakit naroon siya sa center.
"Oh, Nico, ano ang gusto mong gawin ko upang maalis sa isip mo ang alinlangan? Hindi ka nga nagtatanong pero ang mga sinasabi mo o ikinikilos mo sa akin ay sapat-sapat na para ipamukha mo sa akin na may kasalanan ako sa iyo."
"Ang tanging hiling ko, Erika, maging maingat ka na huwag makarating sa ibang tao ang mga ginagawa mo. Hindi ko gustong mapagtawanan ng kapwa ko,'' matigas nitong sabi.
Nanlupaypay si Erika. Nasasaktan siya hindi para sa sarili kundi sa paghihirap na alam niyang nadarama ni Nico aminin man nito o hindi.
Anumang pakita ang ibinibigay nito sa kanya ay hindi pinansin ni Erika. Halos doon na sa ospital siya nakatira. Nasa private suite si Nico at naroon na halos ang pangangailangan nila.
Ayaw man niya ay nagtatrabaho sa ospital si Nico bagaman may benda ang mga mata.
"Nico, bakit hindi mo ipaubaya sa mga tao ang ginagawa mo. Hindi ka pa magaling at sa isang linggo pa tatanggalin ang cast mo sa dibdib..." pakiusap niya.
"Bulag lang ako, Erika, pero matino ang isip ko. You can start reading to me that contract..."
"Nagagalit ka sa akin pero hindi ko maintindihan kung bakit nagtitiwala kang ako ang pumirma at bumasa para sa iyo," aniya. Ipinagkaloob sa kanya ni Nico ang power of attorney to sign on his behalf sa lahat ng mga pertinent paper na may kinalaman sa kompanya.
"If I go, Erika, you go. At alam kong hindi mo pahihintulutang mangyari iyon. Sa kabila ng ginawa mo, you are still your father's daughter. Kahit paano ay may halaga sa iyo ang pinaghirapan niya."
"Doon... doon sa sinabi mong... bulag ka, Nico. Alam mong pansamantala lang iyan. Sinabi ng eye specialist mo na naapektuhan nang bahagya ang optic nerve mo sanhi ng pagkabagok ng ulo mo sa salamin. Pero makakakita ka uli."
"Spare me with that bullshit, Erika! Lahat ng doktor hanggang maaari ay pinagaganda ang sinasabi pero iyon din ang kauuwian!" wika nito na nagtaas ng boses.
"Naniniwala ako sa kanya. Dahil iyon din ang sinabi niya sa amin ng Mommy. Kaibigan ni Dr. Matias ang eye specialist mo, Nico. Temporary lang ang loss of sight mo." Akma siyang nagtaas ng kamay upang haplusin ang mukha ng asawa pero hindi niya itinuloy. Lalo lang iyong magdaragdag sa sama ng loob ni Nico. Sa buong panahon nito sa ospital ay hindi ito nagpakita kahit bahagyang weakness.
"Sige na, Erika. Basahin mo ang kontratang hawak mo," utos nito.
Kahit paano ay nakadarama na ng kasiyahan si Erika. Kailangan siya ni Nico. Pansamantala ay siya ang nagiging mga mata nito. At alam niyang hanggang magkasama sila ay wala nang mahalaga pang iba.
BINABASA MO ANG
Only You (COMPLETED)
Roman d'amourMaari ko bang hingin ang gabing ito, Nico? Love me, please..." isang araw ay sinabi ni Erika sa lalaki. Dose anyos pa lamang siya ay hindi na niya gusto si Nico; ang anak ng stepfather niya. Sampung taon ang ang lumipas ngunit walang nagbago sa damd...