Chapter 6

37.9K 750 22
                                    


KINABUKASAN ay nasa tapat si Erika ng isang katamtamang laking bungalow. Mababa lang ang bakod at puti ang pintura. Nag-buzzer siya at ilang sandali pa ay lumabas ang katulong. Matapos siyang magpakilala at sabihin kung sino ang sadya ay pinapasok siya nito.

Inilibot ng dalaga ang mga mata sa kabahayan. Maaliwalas at malinis ang paligid. May Lego at mga laruang nagkalat sa sahig. Ang mga kasangkapan ay tulad din marahil ng sa karaniwang tahanan. Sa ayos ay average ang pamumuhay. Natuunan niya ng paningin ang isang family portrait na nakapatong sa ibabaw ng TV set. Marahan siyang tumayo at nilapitan ito.

Sa nanginginig na mga kamay ay dinampot niya ito. Tatlong tao ang mga nakalarawan doon. Mga nakangiting lahat. Parang hinihiwa ang dibdib niya sa matinding sama ng loob.

"Apat na buwan akong buntis sa bunso ko sa litratong iyan." Isang tinig mula sa likuran na kung hindi naagapan ng isa niyang kamay ay naibagsak niya ang kuwadro sa gulat. Maingat niya itong ibinalik sa dati.

Nilingon niya ang nagsalita. Isang babaeng marahil ay nasa late twenties o thirty. Simple ang ganda. Nakatali ang buhok sa likod at homebody sa suot na cotton dress.

"Please sit down, Miss Barrientos..." Itinuro nito ang sofa.

Marahang lumakad patungo roon si Erika at naupo.

Ngumiti ang babae. Pilit. "Nakita na kitang minsan sa center at alam kong..." Hindi nito itinuloy ang sasabihin. May gumuhit na lungkot sa mukha. Pero sandali lang iyon. Muli'y pilit na ngumiti. "What would you have? Juice? Coffee?"

"No... thank you." Hindi malaman ng dalaga kung ano ang sasabihin. Nakatitig lang sa kaharap.

"Let's not beat around the bush, Miss Barrientos. Ano'ng kailangan mo sa akin? Tulad din ng iba? Iinsultuhin ako at sasabihing ipaubaya sa kanila si Cholo?"

Naguluhan si Erika. "T-tulad ng iba? Ano'ng ibig mong sabihin?"

Huminga nang malalim ang babae. "Hindi ikaw ang unang babaeng nagpunta rito, Miss Barrientos. At natitiyak kong hindi ikaw ang panghuli. Ang tanging kaibahan mo sa iba ay mayaman ka. Ano ang sasabihin mo sa akin? Na bibilhin mo sa akin ang asawa ko?" Deretsong tumingin ang babae sa kanya sa matigas na mukha.

Napapikit si Erika. Sobra-sobra iyon sa inaasahan niya.

"Ang iba ay ganda ng mukha at katawan ang ipinagmamayabang sa akin. Dumarating sila rito na akala mo ay pag-aari nila ang asawa ko." Tumalim ang mga mata nito. "Ikaw ang pinakamatagal na naging babae ng asawa ko, Miss Barrientos." Nanlaki ang mga mata ni Erika sa tinuran ng kaharap. "Babae ng asawa ko!"

"And I can see why. You're very pretty. Higit na maganda kaysa mga nauna. At mayaman pa," patuloy nito. Naroon ang pinagsama-samang pait at inseguridad sa tinig nito.

Gusto niyang lumabas ng bahay na iyon ngayon din. Kinakapos siya ng paghinga sa mga naririnig niya. Gusto lang niyang ikumpirma kung totoo ang mga isinasaad ng larawang nasa envelope pero hindi niya inaasahan ito.

"I'm sorry, Mrs. Alejo. Wala akong alam sa tunay na pagkatao ni Cholo. Nalaman ko lang kahapon mula sa isang nagmamalasakit. Engaging myself with a very much married man is not my cup of tea, Mrs. Alejo. Nagpunta ako rito upang patunayan sa sarili ko ang katotohanan."

Biglang umaliwalas ang mukha ng babae Pagkatapos ay ang pag-aalinlangan.

"You've known your husband to be a womanizer, pero bakit..?"

Maagap na sumagot ang babae. "Mahal ko si Cholo. Miss Barrientos. At alam kong mahal niya kami ng mga anak niya. Na hahawakan kong mahigpit ang pangako niyang hindi kami iiwan anuman ang gawin niya. That the women who come and go ay aliwan lang niya at bahagi ng hanapbuhay niya. Hindi ito magtatagal..." Sandaling huminto at tumingin kay Erika. "No offense meant, iyon ang sinabi niya sa akin."

"I'm... okay..." sagot ni Erika na gustong sumabog ang dibdib sa sama ng loob. Aliwan? Hindi magtatagal? "At... at... naniniwala ka sa... asawa mo?"

"Oo!" matatag nitong sagot. "We've been married for six years at wala pa siyang babaeng ibinahay. Umuuwi siya rito gabi-gabi kahit may sarili siyang bachelor's pad. Kahit abutin ng madaling-araw, basta umuuwi siya rito sa amin ng mga anak ko."

Hindi malaman ni Erika kung kanino siya maaawa. Sa sarili dahil naloko siya ni Cholo o sa asawa nito?

Dalawang bata ang biglang lumabas mula sa pinto at naghabulan. Tumakbo sa ina ang maliit.

"Ang mga anak namin, Miss Barrientos. Si Chela, five years old at ang bunso, si Junjun, three years old."

Nginitian ni Erika ang mga bata na muling nagtakbuhan pabalik sa loob.

Nanatiling nakatitig sa pintong dinaanan ng mga bata si Erika. Gusto niyang maiyak. Paano niya matatanggap ang katotohanang ito nang madali.

"Ikinalulungkot ko, Miss Barrientos..." ani Mrs. Alejo na ang tinutukoy ay ang damdamin niya,.

Pilit na ngumiti si Erika. Marahang tumayo. "I guess I have to go." Binuksan ang bag at may kinuha mula roon. "Ibinigay ito sa akin ni Cholo two months ago. Kahit papaano ay alam kong may halaga ito. Higit sigurong may karapatan ang mga anak mo sa perang ipinambili nito." Iniabot niya ang isang bracelet na may ilan ding brilyante. "Rest assured, Mrs. Alejo, na hindi ko na gustong makita pa ang asawa mo." Pinilit niyang patatagin ang tinig kahit na nanginginig ang mga tuhod.

Inabot ng babae ang bracelet. "Salamat. Sana'y nagkatagpo tayo sa ibang pagkakataong 'di tulad nito. Maybe we could be friends."

Ngumiti si Erika. "Yes. Good-bye." Mabigat ang dibdib na tumalikod ang dalaga.

Matagal nang tumatakbo ang kotse niya ay hindi pa rin makapaniwala si Erika. Gumuho'ng lahat ng mga pangarap niya... nila ni Cholo. At ang asawa nito, martir ba ang tawag dito? O, iyon ang paraan nito upang manatiling intact ang pamilya? In some ways ay hinahangaan niya ang babae dahil hindi niya kaya iyon.

Nasasaktan siya sa pagkaalam na niloko siya ni Cholo. At mahal niya ito. Naniwala siyang pakakasalan nito!

Ang sabi ng asawa nito ay siya ang pinakamatagal na babae ni Cholo. Babae! Nananayo ang mga balahibo niya sa salitang ginamit. Napapahiya siya sa sarili. Siya, si Erika Barrientos, socialite, maganda, matalino at mayaman ay isang keptwoman!

Siya rin daw ang pinakamatagal. Iyon ay dahil nagawa niyang iiwas ang sariling makipagtalik dito. Umaalingawngaw sa tainga niya ang mga pahayag ni Cholo ng pag-ibig... ang mga endearment nito. Oh, they sounded so true na naniwala siya.

Kung hindi dahil kay Nico, malamang ay naipagkaloob na niya ang sarili kay Cholo. Si Nico! Kinamumuhian niya ito. Lagi na lang itong tama at lagi na lang na maling lalaki ang nakakatagpo niya.

Sa pinaghalong sama ng loob at galit kay Nico ay nanariwa sa isip niya ang hindi na sana niya gustong alalahanin. Ang unang lalaking pinaniwalaan niya at pinagkatiwalaan. Si Alex...

Only You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon