NANG magising si Erika ay nag-iisa na lang siya sa kama. Tiningnan niya ang alarm clock sa tabi ng night lamp. Alas-otso pasado. Mabilis siyang tumayo at nagbihis. Hustong binuksan niya ang pinto ay si Nico ang nabungaran niya. Nakapaligo at nakabihis na ito.
"Good morning," nakangiting bati nito. "Tinulugan ba kita?"
Ngumiti siya. Ang kauna-unahang ginawa niya mula nang makilala niya ito. "Don't worry, walang makakaalam..." tukso niya.
Bahagyang nagulat ang lalaki. Kinabig siya. "I'll make it up tonight..."
Marahang tango ang isinagot niya. Mamaya ay sasabihin na niya sa asawa niyang walang nangyari sa kanila ni Cholo.
"Gusto kitang isabay, honey, pero male-late ako sa meeting ngayon. Hindi ko naman kayang gisingin ka. Tulog na tulog ka." Nakahawak ito sa baywang niya at pababa sila patungo sa dining.
"Hindi naman ako late riser pero mula nang dumating ako rito sa Tagaytay, napakahimbing ko nang matulog ngayon," aniya na hindi niya namamalayan ay nakakapit na rin siya sa baywang ng asawa.
"Dahil sa klima. Plus the fact na walang maipipintas sa akin ang asawa ko. Hanggang ngayon ay hindi ko maisip ang pagkakataong sinayang ko kagabi. Imagine, tinulugan kita!" eksaheradong wika nito.
Ngumiti lang siya at hanggang sa makapag-almusal at makaalis si Nico ay hindi makapaniwala si Erika. Nag-uusap sila nang normal ng asawa niya. Walang tensiyon, walang panunuya mula sa kanya at walang galit. At nagagalak siya sa nangyari.
KASALUKUYANG may luncheon engagement si Nico kaya umuwi sa mansiyon si Erika at doon nananghalian. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong makausap at madalaw ang mommy niya. Natutuwa siyang malamang nagkaroon ng libangan si Eloisa. Nag-aalaga ito ng bonsai at orchids.
"Doon ka muna sa Tagaytay, Mom. Tiyak na magugustuhan mo roon."
"Natitiyak ko. Pero huwag ngayon, hija. Kasalukuyan kayong nasa honeymoon stage ni Nico. Saka na lang. Next month perhaps," tanggi ni Eloisa habang nasa harap sila ng mesa at kumakain.
"Tiyakin mo iyan, Mom. Malapit na lang ang Batangas. Then maaari tayong mag-beach."
"Kung sa bagay, matagal na akong hindi nakakapag-out of town. Maybe that is a good idea."
Alas-dos na nang iparada niya ang kotse sa parking space sa building ng Mega Engineering. Palakad na siya papasok nang may bumusina. Nang lingunin niya ay ang kotse ni Cholo. Iiwas sana siya pero nagbukas ito ng salamin at sumungaw.
"Erika, please... sandali lang..."
"Ano'ng kailangan mo sa akin, Cholo?"
"Gusto kong humingi ng sorry, Erika. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na pinagsisisihan ko ang mga nagawa ko."
"Kalimutan mo na iyon, Cholo at nalimutan ko na rin. May asawa na ako."
"Alam ko. Nahagip ko sa isang column sa society page. Natutuwa ako para sa iyo, Erika. But believe me, minahal kitang talaga..."
"Ano'ng gusto mong palabasin, Cholo?" pormal niyang tanong.
"Sa dami ng babae, Erika, para sa akin, they will come and go. Pero sa iyo ay totoong may tumubong damdamin na kinatatakutan ko. I could have made you mine kung talagang ginusto ko noon pa. Oh, I wanted you, desired you. Pero natakot ako sa magiging consequences sa simula. Baka hindi ko makayang mawala ka sa akin. Natakot ako sa damdaming iyon dahil laan iyon para sa pamilya ko. And I'm glad, really glad na bago nahuli ang lahat ay..." Hindi nito itinuloy ang sasabihin. Umiling-iling.
BINABASA MO ANG
Only You (COMPLETED)
RomanceMaari ko bang hingin ang gabing ito, Nico? Love me, please..." isang araw ay sinabi ni Erika sa lalaki. Dose anyos pa lamang siya ay hindi na niya gusto si Nico; ang anak ng stepfather niya. Sampung taon ang ang lumipas ngunit walang nagbago sa damd...