Ang sumunod na nalaman ni Erika ay ang pagkatanggal ni Alex sa trabaho. Sa impluwensiya ni Nico ay alam niyang mahihirapan na itong makapasok sa alinmang drug company at wala siyang pakialam. He deserved it!
At ngayon na naman!
Ang masakit ay talagang mahal niya si Cholo. Hindi siya nito kinuwartahan. Talaga lang womanizer at dinaya siya sa pagsasabing binata ito. Kay Alex, pride lang niya ang nasaktan. Kay Cholo, pati ang puso niya.
Wala bang lalaking magmamahal sa kanya dahil sa siya ay siya? Hindi dahil maganda siya at mayaman? Oo nga at may pera siya pero hindi siya apo ni Ayala. Nagkataong tulad ng mommy niya ay simpleng buhay lang ang gusto niya. Hindi siya mahilig sa night life, sa social life na sa palagay niya ay paimbabaw lang ang mga batian at ngitian.
Ang sabi nila, ang may pera ay para lang din sa may pera. Sinisikap niyang patunayan sa sariling hindi totoo ito pero bakit hindi umaayon sa kanya ang mga pagkakataon?
Pagod ang puso at isip na umuwi ng bahay si Erika.
PAGPASOK pa lang niya sa gate ay natanaw na niya ang sasakyan ni Nico sa garahe.
Damn the man! bulong niya sa sarili.
Sinalubong siya ni Eloisa. "Nasa garden si Nico anak, sa likod. Hinihintay ka niya dahil hindi ka raw pumasok. Hindi ko naman alam kung saan ka nagpunta."
"May inasikaso lang ako. Mommy."
"Tumuloy ka na sa likod, hija, at mag-usap kayo."
Gusto niyang magpahinga na lang pero hindi niya nais makipagtalo sa mommy niya. Walang kibong nagtungo siya sa likod-bahay. Inabutan niya si Nico na pinanonood ang mga ibon sa malaking hawla.
"Ang sabi ko ay hindi ko na gustong makita ka pa!"
Nilingon siya nito. "Huwag mong sabihin iyan, Erika, dahil tinitiyak kong hindi mangyayari. Besides, I was just worried. Sa nangyari'y baka kung ano ang maisipan mong gawin."
"Wala akong suicidal tendency, Nico," sarkastikong sagot niya. "At saka nakapagtatakang hindi mo alam kung saan ako naroroon. Hindi ba't may binabayaran kang private investigator para subaybayan ang mga kilos ko?"
Huminga nang malalim ang binata. "Nagbayad ako ng private investigator para alamin ang pagkatao ng boyfriend mo, hindi para subaybayan ka."
Tumawa nang bahaw ang dalaga. "Kasama bang inere-report sa iyo ng PI mo ang mga pinupuntahan namin ni Cholo, Nico? Kung sa opisina nito, sa apartment o sa hotel? Did he take pictures with us in bed?" tuya niya.
"Magpahinga ka na, Erika. You must be tired. Gusto ko lang matiyak na nandito ka na. I know you're upset." At akmang tatalikod upang umalis subalit hinawakan ng dalaga ang braso ni Nico.
"Ngayong alam mong may asawa si Cholo, Nico, ano'ng gagawin mo? Ipatatanggal mo ba ang lisensiya ng center niya?"
Huminto ang binata at tumingin sa kanya. "Gusto mong gawin ko iyon?"
"Hindi," maagap niyang sagot. No harm done. Kasalanan niyang naniwala siya rito. At madadamay ang pamilya nito.
Tuluyan na siyang hinarap ng binata. "Ibabalik ko ang tanong, Erika. Alam mo na ngayong may asawa si Cholo, ano'ng gagawin mo?"
Nagkibit ng balikat ang dalaga at ngumiti nang ubod-tamis. "Dalawang bagay lang naman ang puwede kong pagpilian, hindi ba? Take him or leave him."
"At alin ang pinili mo?" Sinalubong niya ang tingin nito. Naghahamon ang mga mata niya. "Alam mong mahal ko si Cholo, Nico. Paano kung nang dahil sa pagmamahal kong iyon ay bale-wala sa akin anuman ang katayuan niya sa buhay?"
BINABASA MO ANG
Only You (COMPLETED)
RomanceMaari ko bang hingin ang gabing ito, Nico? Love me, please..." isang araw ay sinabi ni Erika sa lalaki. Dose anyos pa lamang siya ay hindi na niya gusto si Nico; ang anak ng stepfather niya. Sampung taon ang ang lumipas ngunit walang nagbago sa damd...