Chapter 18

82.8K 1.9K 630
                                    


Madilim na halos nang magsialis ang mga empleyado at nalimutan na rin ni Erika ang tungkol sa litrato.

Nasa silid na niya siya at nagbabasa-basa ng libro nang maalala iyon. Mabilis siyang lumipat sa silid ng asawa. Sa terrace siya nagdaan at bukas pa ang ilaw nito. Kinatok niya ang glass door at tuloy na ring pumasok.

Nakahiga na si Nico na ang tanging suot ay ang pang-ibabang pajama. Nakapikit ito at nakapatong sa ulo ang isang braso. Marahan siyang lumapit sa may paanan ng kama.

"Gising ka pa, Nico?"

"May kailangan ka, Erika?" sagot nito nang hindi nagbubukas ng mga mata. Anyway, hindi naman ito nakakakita.

Sandaling hindi sumagot si Erika. Pinag-iisipang mabuti kung ano ang sasabihin at gagawin. Hindi lang siya magtatanong, kailangang kalagin niya ngayong gabi ang kasinungalingang ipinaniwala niya sa asawa. Kahit ipagmakaawa niya ang sarili.

Nagmulat ng mga mata si Nico nang hindi sumagot si Erika.

"Bakit ka narito, Erika?"

"May itatanong ako, Nico," sagot niya na hinubad ang terry robe at hinayaang bumagsak sa sahig. Naiwan ang manipis niyang pang-ilalim. Hindi niya kayang gawin ito kung nakakakita si Nico. Pero biglang kinabahan si Erika. Kasabay ng pagbagsak ng terry robe niya sa sahig ay ang paniningkit ng mga mata ni Nico.

Nakikita ba siya nito? Ang imahinasyon niya talaga. Naupo siya sa gilid ng kama at narinig ang paghugot ng hininga ng asawa.

"Ano ang itatanong mo sa akin, Erika? Hindi ba puwedeng ipagpabukas iyan? Gusto ko nang magpahinga." Malamig ang tinig na iyon at tila bagot na bagot.

Gusto nang mawalan ng pag-asa ni Erika. Pero kailangang gawin niya ito. "Bakit hiningi mo sa Mommy ang litrato ko noong twelve years old pa lang ako, Nico?"

Sandali lang ang pagkabiglang gumuhit sa mukha nito. Kumurap ang mga mata nito at huminga nang malalim.

"Gusto kong marinig ang totoong dahilan, Nico." Nakikiusap ang tinig niya.

Tumingin sa kisame si Nico. Kung anuman ang nakikita roon ay hindi matiyak ni Erika.

"I... I loved that little girl when I first saw her. Aalis ako noon patungong Amerika. I could not take her with me so I took the picture instead."

Nag-iinit ang mga sulok ng mga mata ni Erika. All along, all these years ay minahal siya ni Nico. Hindi niya kayang ipaliwanag ang nadarama.

"So you love that little girl. Kung hindi ako nagkakamali, twenty-two ka noon..." Sandaling tinitigan ni Erika ang asawa na nakatingin din sa kanya. Nakakakita na ba ito? Napapailing siya.

"Ano ang nangyari sa twenty-two-year-old boy na umibig sa twelve-year-old girl?" muli niyang tanong.

"Sa kabila ng milya-milyang layo sa kanya, sa kabila ng madalang niya itong nakikita, lumalim nang lumalim ang pag-ibig na iyon sa paglipas ng mga taon."

"Sa kabila ng mga pangyayari... sa mga di-mabilang na pagkakamali ng batang iyon nang lumaki na ito at nagkaisip, nanatili mo bang mahal ito?" Hindi niya maialis ang hindi kabahan at ang pagsisikip ng dibdib sa pagpipigil na huwag mapaiyak.

"Panahon ang nagpalago sa pag-ibig na iyon, Erika. Ten long years at hindi kayang bunutin gustuhin ko man." Kalungkutan ang nasa tinig nito.

Tumingala si Erika upang pigilin ang pagpatak ng luha. Nang muli niyang tingnan ang asawa ay nagsalubong ang mga kilay nito na tila nagtatanong.

"M-maaari ko bang hingin ang gabing ito, Nico?" Halos hindi niya makilala ang sariling tinig.

"Ano'ng ibig mong sabihin, Erika?"

Only You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon