Chapter 10

39.3K 753 5
                                    


Nang sumunod na araw ay ipinasyal siya ni Nico sa paligid ng Tagaytay.

"Ngayon lang kita nakitang nakamaong at T-shirt," komento niya sa asawa.

Natawa si Nico. "Erika, alangan namang mag-coat and tie ako gayong namamasyal tayo."

Hindi sumagot si Erika. Tinitingnan lang ang asawa nang palihim. At naisip niyang hunk si Cholo. Oo naman. But her husband was sexier, she thought so. Nakaputing Giordano T-shirt at maong na ang sikip na kung wariin niya ay nakayakap na sa mga hita at binti ni Nico.

Sa buong araw na iyon ay nag-enjoy si Erika. Nag-horseback riding sila at pagkatapos magsawa ay naglaro ng golf. Walang bolahan sa bahagi ni Nico na hindi sinisikap na i-please siya. Nag-uusap sila—minsan nakakatawa, minsan, pormal at seryoso. All came naturally.

Hindi siya nagkaroon ng ganitong karanasan sa unang dalawang naging boyfriend. Si Alex, halos sa lahat ng pagkakataon ay sinisikap na paluguran at purihin siya. At ngayon niya na-realize na sinikap ni Alex na maging over-romantic sa kanya. Si Cholo naman ay bihira na ang sandaling hindi ito nakaangkla. Nakayakap, nakahalik at kung ano-anong mga endearment para sa kanya.

Hindi niya itinatangging nakikita niya sa mga mata ni Nico ang desire para sa kanya. Was it sex or was it something else? Hindi niya tukoy.

Nananghalian sila sa isang kubol malapit sa lake. At ang nakakatuwa, iminungkahi ni Nico na magbaon sila ng pananghalian. Ngayon ay sino ang mag-aakalang naroon sila at kahalubilo ng mga ordinaryong tao.

"Hindi ka ba nabagot? Inubos ko ang oras mo sa pagdedetalye tungkol sa kompanya?" wika nito habang kumakain na sila. Binabalatan nito ang isang sugpo at inilapag sa pinggan niya na parang walang anuman.

"Aba hindi. Baka nga ikaw. Sa halip na pahingahin mo ang isip mo pansamantala sa trabaho ay napagkuwento pa kita."

"I don't mind, Erika. You own part of Mega Engineering and as such, dapat na matutuhan mo ang pakaliwa't pakanan nito."

"Kayang-kaya mo iyon. Nico. May tiwala ako sa iyo at ang Mommy."

Tumaas ang kilay ng lalaki. "Hindi ko alam na nagtitiwala ka sa kaaway?"

Kahit papaano ay nangiti si Erika. "I dislike you, all right, and that's personal. Pero pagdating sa kompanya, tulad ng Mommy, nagtitiwala ako sa iyo.''

"Iyan ang kauna-unahang papuring tinanggap ko mula sa iyo. Salamat."

Sincere si Nico sa pagpapasalamat na iyon pero iba ang dating sa pandinig ni Erika. Hindi niya gustong manuya pero nang magsalita siya ay iyon ang tonong lumabas sa bibig niya.

"Nakakasiguro ka na ng boto ko sa annual meeting plus dati nang sa iyo ang sa Mommy. You have total control of Mega Engineering, Nico."

So, there, nasira niya ang masasayang sandali nilang dalawa. Pumormal si Nico.

"'You're not really very consistent. Ang dahilan kaya ka nagagalit sa akin ay sinabi mo ngayong siya ring dahilan kung bakit ka nagtitiwala sa akin?"

"Tama, Nico. Pero ang pinag-uusapan natin ay ang kompanya. Hindi ako kabilang sa dapat mong pamahalaan. Na kung hindi ka nagkakamali sa mga desisyon mo sa kompanya ay hindi rin sa akin. My, Nico... ang tingin ko ba ay ginagawa mong diyos ang sarili mo."

"Interpretasyon mo iyon, Erika. I didn't claim to be infallible. Inilagay mo iyan sa isip mo na kung bakit ay ewan ko. Marami akong insecurities, Erika. I have my own fears also."

"Ikaw? Never. Huwag mo akong patawanin, Nico," paismid niyang sinabi.

Sumandal ang binata sa upuang kawayan. Tumingin sa ibaba ng lake. "Stiff ang competition sa engineering and construction business, Erika. Para manalo sa bidding, hindi lang koneksiyon ang kailangan. Ako ang nasa likod ng maraming utak na gumagana sa kompanya, totoo iyon. My decision counts. But what if I fail?" Bumaling ito sa asawa.

"You can never fail, Nico." Hindi siya nanunuya sa pagkakataong iyon. Tinitiyak niya iyon sa harap ng asawa. Kung bakit, hindi rin niya alam.

Huminga nang malalim si Nico. Tipid na ngumiti. "Hindi ako diyos, Erika, tulad ng sinasabi mo. Maaari akong magkamali. Nakita ko ang isang estabilisadong kompanya na sa isang kisap-mata ay bumagsak. Kung mangyayari iyon, Erika, paano ang libo-libong taong umaasa sa Mega Engineering? Marami akong nakitang kompanya na nagre-retrench. Hindi siguro biglang mangyayari ang sinasabi ko pero ang posibilidad ng retrenchment ay naroon. At ayokong gawin iyon. Erika, maliban sa mga contract employees sa project. My heart bleeds for these people dahil may pamilya silang binubuhay."

"Na... nangyari na ba sa atin iyon?" hindi niya maunawaan kung bakit gusto niyang abutin ang asawa at alisin ang inseguridad at lungkot sa mukha nito.

"Yes. Mga mid-eighties, ang Daddy pa ang namamahala. For political reason, na-ban ang equipment importation and at that time na nasa turmoil ang bansa ay walang nakatitiyak kung kailan mapapawalang-bisa ang ban. Trainee pa lang ako noon sa kompanya at nakita ko na parang death certificate ang iniaabot na notice ng personnel sa mga na-retrench."

Hindi nakakibo si Erika. Hindi niya alam iyon... Hindi niya naramdaman. Buong buhay niya ay pinoprotektahan siya ng perang minsan ay sinisisi niya bilang sanhi ng miseries niya. Habang tinitingnan niya ang asawa, alam niyang bukod sa tiwala ay ibinigay na rin niya ang respeto para dito.

Makalipas ang ilang sandaling katahimikan ay muli siyang tiningnan ni Nico. Ginagap nito ang isa niyang kamay.

"At natatakot din ako, Erika. Natatakot ako na baka hindi ka maging maligaya sa piling ko... na baka hindi mo ako matutuhang mahalin..."

Napatikhim siya. Walang maisagot. Marahang hinila ang kamay mula sa pagkakahawak ng asawa.

"Because that would be a failure on your part. At hindi mo gustong mabigo o makaranas ng kabiguan..." aniya pagkatapos makabawi sa pagkailang. Oh dear, hindi niya gustong sabihin iyon. Pero hindi niya gustong matangay emotionally pagdating sa kanilang dalawa.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Nico. Tumayo siya at sinamsam ang mga Tupperware na siya nilang pinaglagyan ng pagkain.

"T-tayo nang umuwi, Nico," yakag niya habang nilalagay sa basket ang mga plastic ware at iniiwasang mapatingin sa asawa.

Only You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon