Chapter 15

39.8K 779 1
                                    


MATAPOS matanggal ang cast sa dibdib ni Nico ay umuwi na sila. Tinanggal na rin ang benda sa mga mata pero hindi pa rin ito nakakakita.

"Nico, oras na para pag-inom mo ng gamot..." ani Erika na may hawak na baso ng tubig at isang medicine dispenser na kung saan ay may dalawang tableta. Isa para sa mata at ang isa ay antibiotics para sa tuluyang paggaling ng mga sugat nito sa katawan. Subalit hindi tumitinag si Nico na nasa terrace. Tahimik itong nakatanaw sa lake kahit walang nakikita.

"Please, Nico. Kailangan mo ang mga gamot na ito. Para makakita kang muli nang madali," pakiusap ni Erika.

"Iwanan mo sa mesa ang gamot at lumabas ka na, Erika," sagot nito pero hindi pa rin lumilingon.

"Hindi ako lalabas hangga't hindi mo iniinom ang gamot mo. Kagabi ay hindi mo ininom ang naiwan ko," matigas niyang sabi.

Marahang tawa ang isinagot nito. "Why the excessive concern, Erika? O baka naman lason ang ipinaiinom mo sa akin para unti-unti na akong mamatay nang sa ganoon ay libre na kayo ng lalaki mo!"

Nanlaki ang mga mata ni Erika. Iyon ang kauna-unahang akusasyon na binitiwan ni Nico para sa kanya. At naeskandalo siya sa sinabi nito.

"Lalaki! Nico, that's going over the line! Hindi ko pinahihintulutang pagsalitaan mo ako ng ganyan!" aniya na sa galit ay sumigaw.

Lumakas ang tawa ng lalaki. "I missed that, Erika. Naninibago ako sa pagiging maamo mo nitong nagdaang mga linggo."

"Napakaimposible mo! Inumin mo ang gamot mo and I will leave you in peace," pagalit pa rin niyang sabi.

Humakbang ito papasok sa silid ngunit nasabit ang paa nito sa daanan ng sliding door. Bago pa nakakilos si Erika ay bumagsak ang asawa sa carpet.

"Nico!" Mabilis siyang lumuhod sa carpet upang alalayan ito.

"Lumayo ka sa akin, Erika. Bulag lang ako at hindi lumpo." Itinulak siya ng asawa. "Huwag mo akong pakitaan ng awa mo!" Tumayo ito at tinungo ang kama.

"Hindi ako naaawa sa iyo, Nicholas Romero!" ganting hiyaw niya at unti-unting tumayo. "Sa lahat ng tao sa lupa ay ikaw ang kahuli-hulihang pag-uukulan ko ng awa. With all your damned money, you can always go to the States para magpaopera kung sakali ngang hindi ka makakakita. Kaya ako narito ay dahil obligasyon ko iyon bilang asawa mo!"

"Very well said!" patuyang sagot nito. "Kasama ba sa obligasyong sinasabi mo ang pagkakaloob mo sa akin ng iyong sarili bilang asawa ko, Erika? And now?" Ilang sandali muna ang pinalipas ni Erika bago marahang sumagot.

"May... may diperensiya ang dibdib mo, Nico..."

"Ako ang nakakaalam n'on! Sagutin mo ang tanong ko!"

"Kung... kung... gusto mo at kung... kung... kung kaya mo."

Bahaw na tumawa si Nico. "Kung gusto mo? Matagal ko nang gusto, Erika, pero ipinagkakait mo iyon sa akin. Ikaw, gusto mo?"

"Y-yes," maiksi niyang sagot na kung nakikita lang ni Nico ay namula ang mukha niya.

"At sasabihin mong hindi ka naaawa sa akin?" Tumalim ang mga mata nito. "Pagbibigyan mo ako to ease your guilt. At habang nakikipagtalik ako sa iyo ay ibang lalaki ang nasa isip mo?"

Napaiyak na si Erika. Hindi sa sinasabi nito sa kanya kundi sa nakikita niyang pait sa mukha nito. Papaano ba niya mapapaniwala ito? Maliban pa sa nagsinungaling na siya rito tungkol sa kanila ni Cholo sa umpisa pa lang.

"N-Nico... maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa iyong walang nangyari sa amin ni Cholo?" aniya na pigil ang paghikbi.

"Lumabas ka na, Erika. Iwan mo ako. At huwag mong alalahanin ang gamot ko. Iinumin ko iyan dahil hindi ko gustong manatili sa ganitong kalagayan," malamig nitong sabi.

Walang kibong lumabas ng silid si Erika. Nagsisikip ang dibdib.

Naiwang nag-iisip si Nico. Hindi niya gustong manatili sa silid ang asawa. Masamyo lang niya ito ay sapat na upang mawala siya sa sarili. Lalo na ngayong bale-wala rito kahit madikit man ito sa kanya. Pero hindi niya kayang bale-walain ang ginawa nito. Kalahati ng isip niya ay gustong maniwala sa sinasabi ni Erika pero ang kalahati ay nilalason ang bahaging iyon. Kung hindi sana nagkaroon ng kaugnayan ang dalawa. Kung hindi sana nito lantarang inaming mahal nito si Cholo... na ito ang laging laman ng isip ni Erika. At ano'ng malay niya kung talagang nag-usap ang mga itong magkikita?

At siya, ano ba ang nangyayari sa kanya? Naroong bahagyang makaaninag, naroong lumabo uli ang paningin niya. Kanina, kaya siya humakbang papasok ay dahil naaaninag niya ang asawa pagkatapos ay parang nag-ulap at muling dumilim uli ang lahat.

Sa kaibuturan ng dibdib niya ay naroon ang takot. Paano kung hindi na nga siya muling makakita? Sarisari ang nararamdaman niya. Takot na maaaring tuluyan na siyang mabulag, galit at panibugho sa kakaisip sa muling pagkikita nina Erika at Cholo.

Only You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon