NAPASULYAP si Alice sa kanan nang makita niya sa gilid ng mga mata niya ang pagbukas ng glass door ng katabing establisyimento. Sa pagkakaalam niya ay isang music bar iyon at puntahan ng mga taong mas gusto ng tahimik na ambiance kaysa sa party wild ambiance ng club na nilabasan niya.
Lumabas mula sa music bar ang isang lalaki na ang suot ay tattered jeans, t-shirt at brown leather jacket. Matangkad ang lalaki at maganda ang tindig. Iyon lang, dahil ang tanging liwanag lamang ay ang dim na ilaw na galing sa mga entrada ng music bar at club ay hindi nakikita ni Alice ang mukha ng lalaki. Muling may lumabas sa glass door at may isang babae na mukhang nagtatrabaho sa music bar base sa suot nito ang lumapit sa lalaki. May inabot na payong ang babae sa lalaki.
Oh. Right. Puwede akong humiram ng payong. Inalis ni Alice ang tingin sa dalawa at lumapit sa bouncer na agad umalerto sa presensiya niya. Kumislap ang mga mata ng bouncer at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Nawala ang ngiti na dapat ay ibibigay sana niya rito bago magtanong kung may payong ito. Hindi niya gusto ang malisya sa mga mata ng bouncer. Nagbago tuloy ang isip niya at himbis na lumapit ay tumalikod at bumalik sa puwesto niya kanina. Malakas pa rin ang ulan na ngayon ay sinamahan na ng hangin. Gustong gusto na niyang umuwi.
Niyakap ni Alice ang clutch niya sa dibdib at huminga ng malalim. Ano ba naman ang mabasa ng kaunti sa ulan? Humakbang na siya upang tumakbo patungo sa parking lot nang mapasinghap siya sa payong na biglang sumukob sa kaniya. Napatingala siya at napaigtad sa pagkagulat nang makita ang lalaking kanina lamang ay nakatayo sa labas ng music bar. Ni hindi niya naramdaman o narinig ang paglapit nito. Marahil dahil nakakabingi ang ulan.
Ngayong malapit na sila sa isa't isa ay narealize niya na guwapo ang lalaki. Hindi kasing kinis at perpekto ang hitsura na katulad ng mga modelo at artista pero guwapo pa rin sa misteryosong paraan. O siguro madilim lang kaya mukha itong misteryoso sa paningin niya. At kahit naka-three inch high heels siya ay mas matangkad pa rin ng isang pulgada sa kaniya ang lalaki. Subalit ang mas nakaagaw ng pansin ni Alice ay ang mga mata nito. Hindi niya nakikita sa mga mata ng estranghero ang tingin na palaging pinupukol sa kaniya ng mga tao lalo na ng mga lalaki. Wala iyong malisya, walang interes at higit sa lahat ay walang rekognisyon. Himbis na mainsulto na mukhang hindi siya nakilala ng lalaki ay may naramdaman pang comfort si Alice dahil doon. Kailan ba siya huling naka-engkuwentro ng isang tao na hindi alam kung sino siya? It feels refreshing, despite the heavy rain.
"Saan ka pupunta?" tanong ng lalaki. Ang boses nito ay mababa, husky at nakakakalma.
"Sa kotse ko lang," sagot ni Alice at itinuro ang parking lot.
Tumango ang lalaki at lalo pang lumapit sa kaniya para pareho na silang nakasukob sa payong. "I'll take you there."
Nagdalawang isip siya at wala sa loob na napasulyap sa direksiyon ng bouncer ng club bago muling tumingin sa lalaki. Kahit kasi guwapo ang lalaki at mukhang harmless ay hindi pa rin maiwasan ni Alice ang magduda. Madaling araw at walang katao-tao sa parking lot. Paano kung may ibang balak gawin ang lalaking ito sa kaniya?
Napabuntong hininga ang lalaki kaya napakurap siya. "Kung pinagdududahan mo ang pagmamagandang loob ko, sige sa iyo na itong payong at magpunta ka na sa kotse mo ng mag-isa," tila iritableng sabi nito at iminuwestra sa kaniya ang handle ng payong.
Nabigla si Alice sa naging reaksiyon ng lalaki at napahawak sa handle ng payong. Bago pa siya makapag-react ay tumalikod na ang lalaki at naglakad sa ulanan patungo sa direksiyon ng parking lot kung saan din naman siya papunta. Kinutkot naman siya ng konsiyensiya kaya mabilis siyang naglakad pasunod sa lalaki hanggang nagawa na niyang umagapay dito. Mabilis niyang pinayungan ang estranghero. "Pareho lang tayo ng pupuntahan kaya sumilong ka na rin. Isa pa ay sa iyo naman ang payong na ito," sabi ni Alice.
Ilang sandaling napatingin lang sa kaniya ang lalaki pero hindi naman nagsalita at nagpatuloy sa paglalakad. Naningkit tuloy ang mga mata niya at umagapay sa lalaki. Bigla siyang nakaramdam ng inis dahil parang lumalabas na siya ang naghahabol sa lalaki. Siya, si Alice De Dios ay hindi ginagawa iyon maliban na lang kung sa teleserye at pelikula at hinihingi ng role niya. Siya ang hinahabol ng suitors, directors, producers at tv station heads.
At paano kung may makakita sa kanila? Baka bukas pagkagising niya makita na lamang niya ang larawan nila sa mga tabloid at masira ang image na inalagaan niya sa loob ng dalawang dekada. Sa naisip ay pasimpleng iginala ni Alice ang tingin sa paligid habang naglalakad sila. Mukhang wala namang ibang tao roon maliban sa kanila ng lalaki kaya nakalma siya kahit papaano.
"Ito na ang kotse ko," biglang sabi ng lalaki kaya bumalik ang tingin niya sa harapan nila. Lumapit ito sa lumang Mitsubishi lancer na naka-park sa tabi mismo ng BMW niya. "Keep the umbrella," sabi pa nito bago binuksan ang pinto ng driver's seat at hindi man lang siya nilingon na pumasok na sa sasakyan nito.
Napaismid na lang si Alice at nagtungo na lang sa sariling kotse. Hindi pa man niya nabubuhay ang makina ay umandar na paalis ng parking lot ang sasakyan ng estranghero. "Ang suplado naman ng lalaking iyon," nausal niya habang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan mula sa side mirror ng BMW niya. Iyon ang unang beses mula noong teenager siya na hindi siya pinagtuunan ng extra attention ng isang lalaki. Weird pero refreshing sa pakiramdam. Napasulyap si Alice sa payong na nasa sahig ng backseat at hindi napigilan ang pagsilay ng amused na ngiti sa mga labi. "Ang weird ng lalaking iyon." Pagkatapos ay pinaandar na rin niya ang sariling kotse at nagkibit balikat. "Pero medyo guwapo."
Natigilan si Alice at frustrated na napaungol. "God, ano ba itong iniisip ko? Masyado na akong matanda para dito." Marahas siyang umiling at itinutok na lamang ang atensiyon sa pagmamaneho.
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...