HINDI sinasagot ni Coleen ang tawag ni Alice kahit ilang beses niya itong tawagan. Sa araw na iyon ang off niya katulad ng ipinangako ni Tita Bebs. Kaya balak niyang makausap si Coleen sa araw na iyon. Pero ring lang ng ring ang cellphone ng babae.
"Ano bang nangyayari sa kaniya?" nag-aalala nang usal ni Alice. Napabuga siya ng hangin at isinuot ang dark shades. Pagkatapos ay bitbit ang shoulder bag na lumabas siya ng unit niya. Mabuti pa ay personal na niyang puntahan ang apartment ni Coleen.
Napaigtad siya nang bago pa niya maisara ang pinto ay bumukas na ang pinto ng katabi niyang unit. Nagkagulatan pa sila ni Aki na nakasuot ng puting t-shirt at maong na pantalon. Subalit mas natutok ang tingin ni Alice sa mukha nito na maaliwalas tingnan sa umagang iyon. Paano ay naka-ponytail ang upper half ng may kahabaan nang buhok nito kaya mas kita na ang mukha. Iyon ang unang beses na nakita niya si Aki na hindi nakatakip ang alon-along buhok sa mukha nito. Mas bumata ang hitsura nito at lalong tumingkad ang ka-guwapuhan kaysa dati. Kinapos tuloy siya ng hininga nang makita si Aki. Lalo na nang ngumiti ito. "Magandang umaga."
Gumanti ng ngiti si Alice. "Magandang umaga," usal niya saka tuluyang lumabas sa unit niya. Para na namang may nagliliparang mga paru-paro sa sikmura niya. Subalit dahil palagi naman niya iyon nararamdaman dahil kay Aki ay unti-unti na niya iyong nakakasanayan. Katunayan ay kung siya ang masusunod gusto niyang habambuhay maramdaman ang ganoon – that feeling of giddiness and happiness that makes her whole being feel alive.
Lumapit sa kaniya si Aki at pinasadahan siya ng tingin bago bahagyang umangat ang mga kilay na ibinalik sa mukha niya ang mga mata. "Iniisip mo ba na disguise ang ayos mo ngayon?"
Napatingin din tuloy si Alice sa sarili. Napag-usapan kasi nila noong nakaraang gabi na nagkape at kuwentuhan sila sa unit niya ang balak niyang pagpunta sa apartment ni Coleen. Nasabi rin niya na para makaiwas sa reporters ay sisiguruhin niyang hindi siya mapapansin kapag lumabas siya sa araw na iyon. Kaya faded maong jeans na may sira pa sa tuhod ang suot niya at maluwag na t-shirt. Ang buhok niya ay nakabuhol sa tuktok ng ulo niya at wala siyang bahid ng make-up maliban sa lip gloss. Nang tumingin siya sa salamin kanina ay mukha siyang shabby. Malayo sa image ni Alice De Dios.
"Anong problema sa ayos ko? Hindi ba kahit papaano hindi na ako kapansin-pansin ngayon?" takang tanong niya.
Napailing si Aki. "Hindi ang suot mo ang nagbibigay sa iyo ng aura ng isang celebrity Alice. Kahit ano ang isuot mo ay magiging kapansin-pansin ka."
Umawang ang mga labi niya. "Sa tingin mo?"
Tumango ang lalaki pero nagkibit balikat din at sa pagkagulat niya ay ginagap ang isang kamay niya. Nanlaki ang mga mata ni Alice nang magsimulang maglakad si Aki patungo sa elevator na hawak pa rin ang kamay niya. "Anong ginagawa mo?"
"Wala naman akong gagawin maghapon kaya sasamahan na kita puntahan si Coleen. After all, alam ko na rin naman ang tungkol sa problema niya," sagot ni Aki.
Sumikdo ang puso ni Alice. "Sasamahan mo talaga ako? Bakit hindi mo sinabi sa akin noong isang gabi na nag-usap tayo?"
"Surprise," sagot nito. Pagkatapos ay nilingon siya ni Aki at ngumisi. Pakiramdam niya para siyang pinana ni kupido sa puso niya dahil sa ngising iyon. Nahigit niya ang paghinga at hindi nakatiis. Hinatak niya ang kamay ni Aki hanggang makaharap ito sa kaniya. Pagkatapos ay hinawakan ni Alice ang batok ng binata at siniil ito ng halik sa mga labi. Saglit lamang itong hindi nakahuma dahil marahil sa pagkabigla. Pero agad ding ikinulong ng malaya nitong kamay ang isang bahagi ng mukha niya at pinalalim ang halik. Napasandig siya sa dibdib ni Aki at sandaling hinayaang malunod sa halik. Pagkatapos ay siya na rin ang unang naglayo ng kaniyang mga labi at dumilat. Nagtama ang mga mata nila.
"Para saan iyon?" usal ni Aki. Tumama ang mainit at mabango nitong hininga sa mukha niya.
Ngumiti si Alice. "Surprise."
Ilang segundong napatitig lang sa kaniya ang binata bago napangiti na naging mahinang tawa. "Nadali mo ako 'don ah. Tara na nga," sabi ni Aki.
Hindi na napalis ang ngiti ni Alice hanggang lulan na sila ng elevator pababa ng parking lot.
UPANG hindi sila makaagaw ng pansin ay ang kotse ni Aki ang ginamit nila Alice sa pagpunta sa apartment ni Coleen. Nasa isang five storey building lamang iyon at mas simple sa condo building nina Alice pero maganda naman ang seguridad doon.
Nakahinga siya ng maluwag nang wala naman silang nakitang kahina-hinalang mga tao habang papunta sila sa floor kung nasaan ang apartment ni Coleen. Iyon lang, sa ilang beses na tinawagan niya ang babae habang nasa biyahe sila ni Aki ay hindi ito sumagot kahit isang beses lang.
"Sa tingin mo ba nasa bahay niya si Coleen?" tanong ni Aki nang malapit na sila sa pinto ni Coleen.
Napabuntong hininga siya. "Sana. Dahil kung lumabas siya sa kabila ng mahigpit na bilin ni Tita Bebs lagot siya."
Huminto sila sa tapat ng pinto at akmang pipindutin pa lang ni Alice ang doorbell nang makarinig na sila ng lagabog sa loob. Napaigtad siya at gulat na napalingon kay Aki na halatang nagulat din. Pagkatapos ay narinig nila ang malakas na sigaw ni Coleen mula sa loob. "Get out!"
Napakurap si Alice. May kasama sa loob si Coleen! Bago pa siya makahuma ay malakas nang kinatok ni Aki ang pinto. Seryosong seryoso ang mukha nito, parang handang sumabak sa gulo. "Coleen! Buksan mo ang pinto." Pagkatapos ay hinawakan siya ng binata sa baywang at hinigit patungo sa likuran nito. "Stay back. Hindi natin alam kung sino ang kasama niya sa loob."
Hindi nakahuma si Alice at napatitig lang sa mga balikat ni Aki na tila lumapad sa paningin niya. Pagkatapos ay umangat ang tingin niya sa gilid ng mukha nito. He suddenly has a mature and reliable expression on his face. Sumikip ang puso ni Alice at parang gusto niyang yakapin ito mula sa likuran. Subalit bago pa niya iyon magawa ay bumukas na ang pinto ng apartment. Napunta ang atensiyon niya kay Coleen na nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa kanila ni Aki.
"Aki, Alice! A-anong ginagawa niyo rito?" bulalas ng babae na mukhang nataranta. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pamamaga ng mga mata nito na para bang galing ito sa pag-iyak.
May sumulak na protectiveness sa dibdib ni Alice at humakbang upang makaalis sa pagkakatago sa likuran ni Aki. "Sino ang kasama mo sa loob? Bakit namamaga ang mga mata mo?"
Namutla si Coleen at tumingin sa loob ng apartment nito. Lalong nakumpirma ni Alice na may kasama ang babae na hindi dapat nasa bahay nito. Nagmartsa siya papasok at walang nagawa si Coleen. Naramdaman naman niya ang pagsunod ni Aki kaya wala siyang nakapang takot sa dibdib niya. Dumeretso siya sa living room at napalingon sa direksyon kung saan may bulto ng lalaki na nakasalampak sa sahig at umuungol habang nakayapos ang mga kamay sa ulo.
"Alice, kumalma ka, please," bulalas ni Coleen na naabutan na siya at hinawakan siya sa braso.
"Ito ba ang lalaking dahilan kung bakit nasa eskandalo ang pangalan mo?" gigil na bulalas ni Alice.
Noon nag-angat ng tingin ang lalaking nakasalampak sa sahig. Tumahip ang dibdib ni Alice at nanlaki ang mga mata nang makita ang mukha ng lalaki. Kahit ito ay nanlaki ang mga mata sa pagkagulat habang nakatingin sa kaniya. Pakiramdam niya binuhusan siya ng nagyeyelong tubig dahil nakumpirma ang masamang kutob na naramdaman niya unang beses pa lang niya nakita ang larawan ni Coleen kasama ang lalaki.
"Alice De Dios?" manghang bulalas ng lalaki.
Tumiim ang mga bagang niya at kumuyom ang mga kamao habang nakatingin kay Larry Sucion – her ex-boyfriend.

BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...