PAGKATAPOS nilang ihatid si Nikki ay tahimik lamang sina Alice at Aki sa biyahe hanggang makarating sila sa condominium building nila. Kahit nang nasa elevator sila ay walang nagsasalita. Pero hindi nakakailang ang katahimikan. Katunayan ay tila ba alam nilang pareho na may kung anong nag-iba sa relasyon nilang dalawa at pag-uusapan nila iyon kapag nasa mas pribadong lugar na sila.
Nasa tapat na sila ng unit ni Alice nang sa wakas ay magsalita si Aki, "Imbitahan mo akong pumasok, Alice."
Napatingala siya sa binata at ngumiti sa kabila ng pagsikdo ng puso niya. Katunayan, mula pa kanina na naamin niya sa sarili niya na hindi lang basta pagkakagusto ang nararamdaman niya para kay Aki ay hindi na kumalma ang puso niya. Pakiramdam niya ay mas sensitibo at buhay na buhay ang bawat himaymay ng mga ugat niya kaysa normal. Binuksan niya ang pinto ng unit niya bago sumagot, "Sa dami ng nangyari sa atin sa araw na ito at sa pagkakadamay mo sa gulo ng showbiz dahil sa akin, ang sama ko naman kung hindi kita iimbitahan sa loob."
Gumanti ng ngiti si Aki at hinintay siyang makapasok bago sumunod sa kaniya at ipininid ang pinto. Binuksan ni Alice ang ilaw at nang makarating sa living room niya ay saka lang niya naramdaman ang pagod. Napabuga siya ng hangin. "Nakakapagod ang araw na ito," usal niya.
Naramdaman niya ang paglapit ni Aki sa likuran niya. Pagkatapos ay lumapat ang dalawang kamay nito sa magkabilang balikat niya. "Oo nga. Pero wala iyong anuman sa akin," usal nito na tila hindi makapaniwala.
Bahagya niya itong nilingon pero hindi kumilos upang humarap kay Aki. Nagsimula kasing kumilos ang mga kamay nito, marahang minamasahe ang nananakit at naninigas niyang muscles sa mga balikat. Masarap at nakaka-relax sa pakiramdam ang ginagawa ni Aki. "Bakit ganiyan ang tono mo?" takang tanong niya.
"Nagulat lang ako na walang anuman sa akin ang masali sa isang eskandalo basta ikaw ang kasama ko. Kasi ayoko na pinag-uusapan at humaharap sa maraming tao. Pero pagdating sa iyo, nawalan ako ng pakielam," malumanay na paliwanag ng binata.
"Hmm," tanging nasabi ni Alice dahil bumaba na sa upper back niya ang masahe ni Aki at unti-unting nanlalambot ang mga tuhod niya sa masarap na sensasyong dulot niyon. Napabuntong hininga siya. "You're good at that."
Bahagyang yumuko si Aki hanggang nasa gilid na ng mukha niya ang mukha nito. Naramdaman niya kaysa nakita ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng binata. "Gusto mo ng masahe? Sa tingin ko kailangan mo talaga."
Bahagya siyang napaungol nang may mapisil ang hinlalaki ni Aki sa likod niya na sa totoo lang ay kanina sa set pa niya iniinda. "Nakakaakit ang alok mo pero kailangan muna nating mag-usap," sabi niya bago pa mawala ang talas ng isip niya sa pagmamasahe nito.
Huminto ang mga kamay ni Aki at ginawaran siya ng magaan na halik sa pisngi bago bantulot na lumayo sa kaniya. "Alam ko."
Umupo si Alice sa mahabang sofa at tumabi sa kaniya ang binata. Huminga siya ng malalim dahil hindi nakatulong ang pagkakalapit ng mga katawan nila para luminaw ang isip niya. "Pasensiya ka na uli na nadamay ka sa circus ng buhay namin ni Coleen," simula niya.
Umangat sa pisngi niya ang kamay ni Aki at marahan iyong hinaplos. "If it comes with getting involve with you then there's no helping it. Kung magtatago tayo ay mas maku-curious sila at lalo tayong guguluhin. At least, kapag ipinakita natin sa kanila na balewala sa atin ang mga sasabihin nila ay magsasawa sila at lilipat na siguro sa ibang mas makabuluhang bagay."
Pinagmasdan niya ang mukha ng binata. "Magkaiba kayo ng reaksiyon ni Larry. Nang ang tungkol sa kanila ang nakuhaan ng media nagpanic siya. Pero ikaw hindi."

BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...