Part 13

8.8K 320 14
                                        


Nagulat si Alice. "Sigurado ka?"

"Oo. Bilang pasasalamat sa lasagna at sa ipapakain mong lunch sa akin ngayon. Ano ang puwede kong gawin?" tanong pa nito na naghugas na ng kamay sa lababo.

Ilang segundo pang napatitig lang siya sa binata. Hindi niya inaasahan iyon. Napakurap lang siya nang sinalubong ni Aki ang tingin niya at tinaasan siya ng mga kilay. Tumikhim siya. "Hugasan mo na lang itong mga gulay. Ako na ang maghihiwa."

"Kaya ko ring gawin iyan."

"Ako na," giit ni Alice. "Pagtugtog ng piano ang trabaho mo hindi ba? Mahirap nang may mangyaring aksidente sa mga daliri mo."

Napatitig sa kaniya si Aki na para bang may nasabi siyang katumbas ng solusyon para magkaroon ng world peace. Kumislap ang mga mata nito at may gumuhit na masuyong ngiti sa mga labi na noon lang niya nakita rito. Pagkatapos, sa labis na pagkagulat ni Alice, ay umangat ang kamay nito at magaang na pinaraan ang mga daliri sa baba niya. Kumalat ang masarap na kilabot sa buong katawan niya at bigla siyang kinapos ng paghinga. Nagtama ang kanilang mga paningin at nakita niya sa kislap ng mga mata nito na mukhang hindi lang siya ang nakaramdam na para siyang kinukuryente.

"Thanks," sabi ni Aki makalipasang mahabang sandali. Pagkatapos dahan-dahan nitong binawi ang kamay at sinimulang gawin ang pinapagawa niya.

Si Alice naman ilang segundo yatang na blangko ang utak bago bumalik sa katinuan. Para saan ang haplos na iyon? Para saan ang ngiting iyon? Ang dami niyang gustong itanong kay Aki. Pero hindi siya sigurado kung handang siyang marinig ang sagot nito kaya pilit na lamang niyang pinalis ang mga iyon sa isip niya. Mabilis na kumilos si Alice at itinutok ang atensiyon sa pagluluto.

"ANONG oras ka aalis?" tanong ni Alice kay Coleen habang kumakain na silang tatlo ng tanghalian sa dining table niya. Hindi na kasi niya matiis pa ang kakaibang tingin na ipinupukol ng babae sa kanila ni Aki. Lalo na ang mga makahulugang tanong nito sa lalaki tungkol sa relasyon daw nito sa kaniya. "At tumigil ka na sa pagtatanong ng kung anu-ano. Kailan lang siya lumipat sa katabing unit. Hindi kami katulad ng iniisip mo, okay?"

"What? Nagtatanong lang naman ako. Hindi ba, Aki?" painosenteng sagot ni Coleen na sa katabi niyang lalaki bumaling.

At bakit ba kasi sa apat na silya ay sa tabi ko umupo ang lalaking ito? maktol ni Alice sa isip.

"Tama siya. I don't mind, really," sabi naman ni Aki. Tiningnan niya ang lalaki na nakatingin din pala sa kaniya.

Well, actually isa pa iyon sa dahilan kung bakit naiilang siya habang kumakain sila. Kanina pa kasi walang inatupag si Aki kung hindi ang pagmasdan siya na para bang inoobserbahan ang bawat kilos at reaksiyon niya. Sanay siyang tinititigan pero iba kasi ang titig ng binata. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang iba pero hindi iyon katulad ng tingin na ibinibigay sa kaniya ng ibang tao. Hindi iyon ang tipo ng titig na nakasanayan niya.

Napakurap si Alice nang may tumunog na cellphone. Naalerto si Coleen at dinukot ang cellphone kahit hindi pa ito tapos kumain. May sumilay na kinikilig na ngiti sa mga labi ng babae at mabilis na tumayo. "Sasagutin ko lang ito."

Naniningkit ang mga mata niyang napasunod ng tingin sa babae at pilit pinapakinggan ang sinasabi nito sa kabilang linya. Sa pag-iiba pa lang ng tono ni Coleen sigurado na siya na boyfriend nito ang kausap. "Sa tingin ko may ginagawa na naman siyang kabaliwan," nabulalas niya bago pa niya napigilan ang sarili.

"Bakit mo naman nasabi iyan?" tanong ni Aki.

Nilingon niya ang lalaki. "Trenta'y singko ang edad ng lalaking karelasyon niya ngayon, alam mo ba. Twenty five pa lang si Coleen at may history siya na niloloko ng mga lalaking mas matanda sa kaniya."

Tila naman nag-isip si Aki at sumulyap sa direksiyon ng nakababatang babae bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Sa tingin ko alam niya ang ginagawa niya. Mas mag-aalala ako kung ikaw ang nasa sitwasyon niya."

"Bakit naman?" takang tanong ni Alice.

Nagkibit balikat si Aki at nagsimula uli kumain. "Mas gusto ko lang na single ka. Iyon lang."

Umawang ang mga labi ni Alice at napatitig sa binata na tinapos na ang pagkain at kaswal na uminom ng tubig na para bang wala itong sinabing kakaiba. Mukhang napansin naman ni Aki ang pagtitig niya dahil muli itong sumulyap sa kaniya. "Bakit?" bahagyang nakaangat ang mga kilay na tanong nito.

"Wala," sagot na lang niya at binawi ang tingin. Naisip niya na baka wala namang malalim na kahulugan para sa lalaki ang komento nitong iyon. Siya lang ang mapapahiya kung bibigyan niya ng malisya iyon. Isa pa, bakit ba siya nag-o-over analyze ng ganoon? Hindi naman niya ito nakikita sa romantikong paraan, hindi ba? Bukod sa matagal na niyang natanggap na hindi na siya papasok sa ganoong klase ng relasyon ay kahit anong tingin ang gawin ni Alice ay halatang higit na mas bata sa kaniya si Aki. So no. Out of the question.

Napakurap si Alice nang bumalik na sa lamesa si Coleen na abot tainga na ang ngiti. "Well, kailangan ko na umalis. Mag-enjoy lang kayong dalawa ha?" Makahulugan pang kumindat ang babae bago parang bagyong bigla na lang lumabas ng unit niya. Nagkatinginan na lang sila ni Aki.

"Para siyang buhawi huh," komento ng lalaki.

Natawa si Alice dahil pareho pala sila ng iniisip. "Sinabi mo pa. Pero mabait siyang bata, even though she keeps on teasing me to get loose and have more fun na para akong isang teenager."

"Kung ganoon bakit hindi mo siya sundin? Get a little loose and have more fun." Nahinto siya sa kalagitnaan ng pagtawa at napatitig kay Aki. May kakaibang kislap sa mga mata ng lalaki at nakatukod ang isang siko sa gilid ng lamesa habang nakapihit ang katawan paharap sa kaniya. May nakaguhit na ngiti sa mga labi nito na nagdulot ng kilabot sa buong katawan ni Alice lalo na nang magtama ang kanilang mga mata. "Pwede kitang tulungan. Kailangan ko rin naman kasi iyon. Fun that is."

Sumikdo ang puso ni Alice at nag-init ang mukha niya sa sinabi ni Aki. Hinamig niya ang sarili at muling tumawa. Pagkatapos ay pilit siyang nagpakakaswal na tumayo. "Ano bang sinasabi mo? Hay naku, kung tapos ka na kumain, magliligpit na ako ng lamesa."

Akmang aabutin na niya ang pinggan nang hawakan ni Aki ang braso niya kaya napaigtad siya. "Alice," tawag nito sa pangalan niya.

Pilit na sinalubong niya ang tingin nito. "Ano?" Ilang sandaling nagtama lamang ang kanilang mga mata bago kumilos si Aki.

Napaatras siya nang tumayo ang lalaki. Lalo na at hindi nito inaalis ang pagkakahawak sa braso niya. Akmang magsasalita sana si Aki nang bigla itong matigilan. Natigilan din si Alice dahil nakita niyang may kumislap na kung ano sa mga mata ng binata na para bang biglang may sumagi sa isip nito. Pagkatapos ay kumurap si Aki at manghang napatitig sa kaniya. "Sinasabi ko na nga ba."

"Ang ano?" takang tanong niya.

Bahagyang humigpit ang hawak nito sa braso niya at huminga ng malalim. "Nakakarinig ako ng musika," tila sarili lamang ang kausap na sabi ni Aki.

Kumunot ang noo ni Alice. "Anong sinasabi mo?"

Sinalubong nito ng tingin ang mga mata niya at naging seryoso. "Sa tuwing kasama kita, tuwing iniisip nga lang kita, nakakarinig ako ng musika."

Ilang segundong napanganga lang siya kay Aki. Pagkatapos ay natawa siya at binawi ang braso mula sa pagkakahawak nito. "Wow. Ngayon ko lang narinig ang pick up line na iyan, ha?" natatawa pa ring bulalas niya.

"Seryoso ako."

Muli ay tumawa si Alice. Subalit sa pagkakataong iyon ay may halo na iyong pagkailang dahil sa tiim ng titig ni Aki sa kaniya. "Yeah, right."

Marahas na bumuntong hininga ang lalaki at inabot ang kamay niya. Muli ay napahinto siya sa pagtawa dahil bumara yata iyon sa lalamunan niya sa tila elektrisidad na kumalat sa buong katawan niya nang maglapat ang mga palad nila. "Halika may ipapakita ako sa iyo." Pagkatapos ay magpapaliwanag ako. Hindi ka yata maniniwala sa akin kung hindi ko ipapakita sa iyo," sabi pa ni Aki at hinatak siya palabas ng kusina.

Nanlaki ang mga mata ni Alice. "Saan mo ako dadalhin?"

"Just next door," tipid na sagot nito.

Next door? As in sa unit niya? Ano ba ang iniisip ng lalaking ito?

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon