Huminto ang elevator at bumukas ang pinto sa palapag ng mga unit nila. Inakay siya ni Aki palabas at huminto ilang hakbang mula sa mga pinto nila na para bang hinihintay ang magiging desisyon niya. Huminga ng malalim si Alice at bago pa makapag-isip ng mas matagal ay tila kusa nang nanulas sa mga labi niya ang mga salita, "Okay. Pero iyon ay kung bibigyan mo ako ng kape."
Napangiti si Aki. "Walang problema." Lumapit sila sa pinto ng unit nito at kahit alam ni Alice na wala naman siguro silang gagawing kababalaghan sa loob ay para pa ring may nagliliparang mga paru-paro sa sikmura niya. Ipinasok nito ang susi sa seradura subalit himbis na buksan iyon ay bumaling sa kaniya ang lalaki. "Buksan mo."
Gulat na napakurap siya. "Bakit ako?"
"Para kung magbago ang isip mo, puwede ka pa umatras," seryosong sagot ni Aki.
Ilang segundong hindi nakahuma si Alice dahil masyadong seryoso ang ekspresyon sa mukha ng lalaki. Tumikhim siya at hinampas ang balikat nito. "Wala naman tayong gagawing kababalaghan sa loob. Magkakape lang tayo at pakikinggan ko lang ang nagawa mong kanta. Masyado kang seryoso," bulalas niya at pilit tumawa. At bago pa magbago talaga ang isip niya ay binuksan na niya ang pinto. Narinig pa niya ang marahas na pagbuga ng hangin ni Aki sa likuran niya pero hindi niya ito nilingon. Sa halip ay kinapa niya ang switch at binuksan ang ilaw.
Napasinghap si Alice at napangisi nang makitang nakatambak na nga sa living room ang mga gamit na binili nila online. Nawala ang pagkailang niya. "Oh! Gusto ko na silang tanggalin sa mga karton nila," sabik na bulalas niya.
Bahagyang natawa si Aki at naglakad hanggang nasa tabi na niya ito. "Obsessive re-decorator ka talaga. Pero saka na natin gawin iyan, okay?" sabi nito at pinisil ang baba niya. Bago pa siya makahuma ay naglakad na palayo sa kaniya ang lalaki, patungo sa kusina. "Magsasalang lang ako ng kape sa percolator."
Napasunod ng tingin si Alice kay Aki at wala sa loob na nahaplos ang baba niya na pinisil nito. Nakagat niya ang ibabang labi dahil may init na humaplos sa puso niya. Hindi ako makapaniwalang kinikilig ako dahil sa kaniya. Hindi rin niya napigilan at napangiti. Napabuntong hininga siya at binawi ang tingin. "Don't get emotionally involved huh? Kinain mo rin ang sinabi mo, Alice," bulong niya sa sarili.
"May sinasabi ka ba?" malakas na tanong ni Aki mula sa kusina.
Napaigtad siya. "Wala!"
ILANG minuto ang nakalilipas ay pareho nang may hawak na tasa ng umuusok na kape sina Alice at Aki. Pagkatapos ay inaya siya ng lalaki sa spare bedroom kung nasaan ang piano at work station nito. At dahil wala namang ibang upuan doon maliban sa swivel chair ay doon siya nito pinaupo. Inilapag nila ang mga tasa sa gilid ng lamesa. Pagkatapos ay pinagmasdan niya si Aki habang binubuhay nito ang computer.
"Nagpasa ka na ba ng composition mo sa mga recording label?" tanong ni Alice.
Sandaling tila nag-alangan ang lalaki bago sumagot. "Oo."
"Anong nangyari?"
Nagkibit balikat si Aki at sumulyap sa kaniya. "Wala."
Naningkit ang mga mata niya. "Sinungaling." Umangat ang mga kilay nito. "Ang sabi mo sa akin ay alisin ko ang pader na hinarang ko sa sarili ko kapag kasama kita kasi gusto mong malaman ang lahat ng tungkol sa akin. Pero ikaw mismo ay walang balak ibaba ang depensa mo kapag kasama mo ako, hindi ba? Paano ko bubuksan ang sarili ko sa iyo kung ikaw mismo ay wala kang planong gawin iyon kapag kasama mo ako?" hindi na nakatiis na tanong ni Alice.
Napatitig sa kaniya si Aki. Defiant na sinalubong niya ang titig nito. Dahil sa totoo lang, pagod na siya sa mga paiwas na sagot ng lalaki sa mga tanong niya.
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
Roman d'amourDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...