"BAKIT hindi siya sumasagot?" kunot noong nausal ni Aki habang nasa tainga ang cellphone at tinatawagan ang cellphone ni Alice. Matagumpay siyang nakaalis ng NAIA na walang nakakapansin sa kaniya. Nakasakay na siya ng taxi patungo sa condominium building nila. Sa airport pa lang ay tinatawagan na niya ang dalaga pero hindi talaga sumasagot. Pagdating sa gusali ng condo nila ay akmang bababa na sana ng taxi si Aki nang mapansin ang mga taong pakalat-kalat sa entrada. "Shit," mahina niyang nausal nang mapagtantong reporters ang mga iyon. Muli niyang tinawagan si Alice pero hindi pa rin nito sinasagot ay si Coleen naman ang tinawagan niya. Matagal na nag-ring sa kabilang linya bago sa wakas ay sumagot ang babae.
"Aba, aba, sino ang tumatawag na ito, after almost three weeks?" sarkastikong tanong ni Coleen sa kabilang linya.
Napabuntong hininga si Aki. "Nasaan si Alice? I can't contact her. Hindi ako makaakyat sa unit namin dahil maraming press sa baba."
"Bakit ko naman sasabihin sa iyo kung nasaan siya? Pagkatapos mo siyang iwan para sumama sa ibang babae? Dismayado ako sa iyo, Aki," galit na bulalas ni Coleen.
Tumiim ang mga labi ni Aki. "Hindi ko iyon ginawa. Kaya kong ipaliwanang kung ano ang ginawa ko sa New York at sinasabi ko sa iyo na hindi iyon para makipagbalikan kay Veronica. Pero sabihin mo sa akin kung nasaan si Alice. Please, gusto ko siyang makita. Kailangan ko siyang makita," pagdidiin niya.
Mahabang katahimikan ang namayani bago sa wakas ay bumuntong hininga si Coleen. "Fine. Nasa bahay siya ng parents niya. Pero sasamahan ka namin ni Larry dahil siguradong ni hindi ka makakalampas sa gate nila kapag mag-isa ka pumunta. Galit sa iyo ang tatay niya."
Napabuga ng hangin si Aki. "Sige. Salamat."
Pagkatapos nilang pag-usapan kung saan sila magkikita ay tinapos na niya ang tawag at sinabi sa taxi driver ang susunod nilang destinasyon. Habang nasa biyahe ay awtomatikong namulsa siya. May kinapa ang isang kamay niya at nang matagpuan iyon ay mariing ikinuyom sa mga kamao. Hindi pa siya naging ganoon ka-determinado sa buong buhay niya. Kaya ipinangako ni Aki sa sarili na hindi puwedeng matapos ang araw na iyon nang hindi niya nakukuha ang gusto niya. At isang tao lang iyon.
"YES, I'm pregnant."
Hindi na alam ni Alice kung ilang beses na niyang napanood ang press conference ng teleserye niya sa iba't ibang istasyon ng telebisyon. Ang sabi rin ni Nikki ay puro siya ang headline ng mga tabloid. At dahil umalis siya ng presscon pagkatapos niyang aminin na buntis siya, dahil sumama ang pakiramdam niya dahil sa dami ng tao na inakala naman ng mga reporter na isang dramatic exit, kaya hinahabol pa rin siya ng mga ito hanggang ngayon. Nang tangkain niyang magpunta sa condo niya ay nakaabang ang mga reporter sa parking lot at entrance. Nagdesisyon tuloy siyang sa bahay na lang muna ng mga magulang niya tumuloy.
"Ilipat mo nga ang tv sa hindi tsismis," sita ng papa niya na kasama niya sa kusina na nanonood ng telebisyon. Pagkatapos ng press conference para sa teleserye niya ay binigyan siya ni Tita Bebs ng ilang araw na break. Mabuti na lang rin ay pumayag ang producer at direktor ng teleserye. Sa susunod na lang daw kukunan ang mga eksena niya kapag medyo lumamig ang isyu tungkol sa kaniya. Sa loob ng ilang araw na iyon sila ng tatay niya ang palaging magkasama. At nararamdaman ni Alice na kahit papaano nawala na ang ilangan nilang dalawa.
Pinindot niya ang remote control hanggang malipat sa channel na nagpapalabas ng basketball game. "Ito na nga lang. Kahit noon mahilig ka manood nito, hindi ba, Papa?" aniya.
"Iyan lang naman ang interesanteng palabas noon para sa akin. Noong naging artista ka saka lang naman ako nahilig sa teleserye at iyong mga palabas na tungkol sa tsismis ng mga celebrity," sabi ng tatay niya.
"Entertainment News ang tawag 'don papa."
"Tsismis iyon," giit nito.
Napangiti si Alice at kuntento silang nanood na mag-ama. Maya-maya pa ay narinig na niya ang ingay mula sa labas ng bahay. Napaderetso siya ng upo. Saglit pa ay sumulpot na sa kusina ang mama niya at si Helen na maraming dalang grocery.
"Ate, nabili na namin iyong pancake mix, butter at honey syrup na pinaglilihian mo," sabi ni Helen.
Narinig pa lang iyon ni Alice ay natakam na siya. Tumayo siya at kinalkal ang mga pinamili ng dalawa. Hindi niya alam kung hinahanap-hanap ba niya iyon dahil natatakam siya sa matamis o dahil iyon ang huling pagkain na kinain niyang kasama si Aki. "Magluluto na ako ng pancake," sabi niya na bitbit na ang kahon ng pancake mix.
Kinukuha na niya ang kawali nang may bumusina na sasakyan sa labas ng bahay nila. Nagkatinginan silang apat. Mukhang may bisita sila. At sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay biglang tumalon ang puso ni Alice. Muling nagbusina ang nasa labas at sa kanilang apat ay ang tatay niya ang unang tumayo at lumabas ng kusina. Mabilis na sumunod ang nanay niya. Nagkatinginan sila ni Helen.
"Sino kaya iyon?" tanong ng kapatid niya.
Nagkibit balikat si Alice at ipinatong na ang kawali na hawak niya sa stove. Maya-maya pa ay narinig na nila ang malakas na pagsigaw ng tatay niya. "Umalis ka! Hindi kita hahayaang makalapit sa anak ko."
Bumilis ang tibok ng puso ni Alice at gulat na napatingin kay Helen na nanlalaki rin ang mga mata. "Naku, hindi kaya si Aki ang dumating?" bulalas ng kapatid niya.
Nahigit niya ang paghinga at mabilis na nabitawan ang mga hawak niya at lumabas ng kusina. Lalo na at narinig niya ang mga boses sa labas ng bahay nila. Mukhang naroon sina Coleen at Larry. At nang marinig niya ang pamilyar na boses ni Aki ay nag-init ang mga mata niya. Binuksan niya ang pinto at napalingon ang mga ito sa kaniya. Subalit dumeretso sa binata ang tingin niya. Nang sandaling nagtama ang kanilang mga mata ay parang may pumisil sa puso niya. Lalo na nang makita niya ang kislap sa mga mata ni Aki. Sa isang iglap ay biglang napawi ang lahat ng hinanakit at tampo niya rito. Napawi maging ang lahat ng alinlangan at sama ng loob na dahilan kung bakit hindi siya nakakatulog ng maayos sa gabi mula nang umalis ito.
Dahil ang pangungulila na naramdaman ni Alice sa loob ng ilang linggo ay nakikita niya sa mga mata ni Aki. Sa isang iglap ay nasiguro niya na hindi rin naging madali para sa binata ang mga sandaling hindi sila magkasama. "Alice," usal ni Aki. Tinawag lang nito ang pangalan niya, subalit tila dala niyon ang napakaraming emosyon at salitang nais nitong sabihin sa kaniya.
"Aki," tawag rin niya sa binata.
Nagsimulang humakbang palapit sa kaniya si Aki. "Tinatawagan kita mula noong unang araw ko sa States pero hindi mo sinasagot ang telepono. Anong nangyari?"
Napakurap si Alice. Oo nga pala. Hinatak niya ang cord ng telepono sa unit niya dahil sa mga reporter na tumatawag at hindi na niya iyon nakabit uli. Ibubuka pa lamang niya ang bibig upang magsalita at humakbang siya pasalubong kay Aki nang biglang humarang ang tatay niya.
"Lumayo ka sa anak ko. Sinabi mo na hindi mo sasaktan ang anak ko pero iyon ang ginawa mo. Pagkatapos ng gulong iniwan mo nang umalis ka kasama ang ibang babae at pagkatapos mong iwan na nagdadalang-tao ang anak ko ay may lakas ka pa ng loob pumunta dito!" galit na sigaw ng papa niya kay Aki.
Napasinghap si Alice at awtomatikong napahawak sa sinapupunan niya. Sina Larry, Coleen at ang mama niya ay natahimik. Si Aki ay parang binuhusan ng malamig na tubig at lumipad ang tingin sa kaniya. Ilang sandaling nagtama lamang ang kanilang mga mata nang sa wakas ay magsalita ang binata. "You're... pregnant?" paos na tanong nito.
Huminga ng malalim si Alice upang kalmahin ang mabilis na tibok ng puso niya. "Yes," sagot niya.
Kumislap ang mga mata ni Aki at bago pa nakahuma ang tatay niya ay nakalapit na ito sa kaniya. Napasinghap siya nang pumaikot ang isang braso nito sa baywang niya at ang isang kamay ay lumapat sa batok niya. Pagkatapos ay mabilis subalit mariin siya nitong hinalikan sa mga labi bago nakangising tinitigan siya. "Talaga? That's great!"
Umawang ang mga labi ni Alice sa pagkabigla dahil hindi niya inaasahan ang reaksiyon nito. Mukhang ganoon din ang pamilya niya dahil napamaang din ang mga ito sa binata. Kumibot ang mga labi ni Alice at sa huli ay natawa. Hindi lang dahil sa sitwasyon kung hindi dahil para siyang nakahinga ng maluwag na hindi niya mawari. Dahil sigurado na siya na hindi magiging ganoon ang reaksiyon ni Aki kung may ginawa itong mali. Kung talagang may namamagitan pa sa binata at kay Veronica ay hindi niya makikita sa mga mata nito ang mga emosyong nagpapalobo sa puso niya. Happiness, longing... love.

BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomantikaDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...