NATAPOS na ang set ni Aki at nawala na ito ay hindi pa rin umalis sa music bar sina Alice at Tita Bebs. Kahit kasi gusto na niya umuwi at baka maabutan pa niya ang lalaki sa parking lot na katulad noon ay hindi naman niya maiwan ang manager niya na unti-unti pa lang nababawasan ang stress. Kaya alas dose na nang sa wakas ay maghiwalay sila ng manager niya. Nang makarating siya sa parking lot ng condominium building ay nakita na niyang naka-park ang kotse ni Aki doon. Malamang tulog na ang lalaki.
Laglag ang mga balikat ni Alice sa panghihinayang habang sakay siya ng elevator patungo sa tenth floor. Subalit agad ding nawala ang pakiramdam na iyon nang pagkaibis niya sa elevator ay nakita kaagad niya si Aki na nakasandal sa pinto ng unit niya. Umalerto ang lalaki at umayos ng tayo nang makita siya. Pagkatapos ay may sumilay na ngiti sa mga labi nito. "Hey."
Napabuntong hininga si Alice at napangiti rin. "Hey," ganti niya. Napabilis ang paglalakad niya palapit. Katunayan parang gustong lumundag ng mga paa niya patungo kay Aki pero napigilan lang niya. Kumislap ang mga mata ni Aki at bahagyang kumilos ang mga braso na para bang nais ibuka ang mga iyon upang salubungin siya. Subalit katulad niya ay tila ba napigilan nito ang sarili at sa halip ay namulsa. Nagkatinginan sila at mukhang pareho nilang nahulaan ang nangyari sa isa't isa dahil pareho silang natawa.
Huminto si Alice ilang pulgada ang layo sa harap ni Aki. "Akala ko hindi kita maaabutang gising. Hinintay mo pala ako."
"Hindi ako makakatulog agad pagkatapos kitang makita sa music bar nang hindi ko inaasahan," sagot ni Aki.
Napangiti siya. "Inaya ako ni Tita Bebs. Nagulat din ako na makita kang tumutugtog ng ganoong oras. Sinabi sa akin ni Victor na pinabago mo ang schedule mo."
Mukhang nagulat si Aki at nag-iwas ng tingin na para bang biglang nahiya. "Tsismosong matanda," pabulong pang usal nito.
Napangisi tuloy si Alice. "Gusto mong magkape?" tanong niya na iminuwestra ang pinto ng unit niya.
Muling bumaling sa kaniya si Aki at ngumiti. "Sure." Pagkatapos ay inilahad nito ang kamay na para bang may gustong hingin sa kaniya. "Ang bag mo. Bibitbitin ko para sa iyo," sabi pa ng binata.
Hindi na nito hinintay ang sagot niya at kinuha na ang malaking shoulder bag niya na naglalaman ng make-up kit, gadgets, damit at kung anu-ano pa kaya sa totoo lang ay mabigat iyon. Kumunot ang noo ni Aki at tiningnan siya. "Palaging ganito kabigat ang bag na dala mo?"
"Hindi. Iniiwan ko iyan sa kotse. Binubuhat ko lang kapag paalis at pabalik ako ng unit ko. Besides, hindi naman ako mahina. Nabubuhat ko nga ang mga furniture ko kapag nag-aayos ako ng bahay."
Napailing si Aki pero nakangiti na. "Alam ko na hindi ka mahina." Pagkatapos ay katulad ng nakasanayan nito ay pinisil ang baba niya at sinalubong ng tingin ang kaniyang mga mata. "Ikaw ang pinakamatibay at malakas na babaeng nakilala ko, Alice. Hindi lang sa pisikal na kahulugan niyon."
Uminit ang gilid ng mga mata ni Alice. "I'm not really that strong," bulong niya. Dahil sa totoo lang, buong buhay niya hindi niya inamin iyon sa kaniyang sarili. Mula pa noong bata siya hanggang ngayon ay naging malakas siya hindi lang para sa sarili niya kung hindi para sa mga taong mahal niya. "Iyon lang ang gusto kong isipin ng lahat. Iyon ang gusto kong isipin. Subalit sa loob ko ay alam ko na hindi ako ganoon katatag."
Naging malambot ang kislap ng mga mata ni Aki at sa gulat niya ay marahan siyang niyakap. "Alam ko kung ano ang sinasabi mo. Hindi ko sinasabi na wala kang vulnerability. Hindi ko sinasabi na wala kang kinatatakutan o wala kang inaalala," alo nito sa kaniya.
Napasandig siya sa balikat ni Aki at gustong pagalitan ang sarili na nag-emote siya ng ganoon. Dapat masaya lang silang dalawa na nagkita uli sila. Tinangka niyang lumayo sa binata pero humigpit ang yakap nito sa kaniya. "Ang sinasabi ko ay malakas ka dahil sinusubukan mong labanan ng mag-isa ang mga kahinaan at alinlangan mo. Na matapang ka para hanapin ang kaligayahan at contentment mo na hindi nanggagamit ng ibang tao. Alam mo na hindi lahat ng tao katulad mo. Marami na kapag may kulang sa kanila hinahanap sa iba ang kulang na iyon. Hanggang umabot sa punto na nagagawa na nilang miserable ang taong pinapahalagahan at minamahal sila," patuloy ni Aki.
Naiintindihan niya ang sinasabi nito. May mga ganoon talagang tao. Katulad ni Coleen na dahil malungkot palaging humahanap ng lalaking magpapakita rito ng pagmamahal. Katulad ng iba pang mga taong hinahanap sa iba ang kaligayahan na makukuha lang nila kung sisimulan nilang mahalin ang sarili. He was trying to tell her that she's strong and brave enough to love herself.
Naisip tuloy niya, si Aki kaya mahal ang sarili nito? May nakaengkuwentro din ba itong tao na katulad ng sinasabi nito? Ginawa ba itong miserable ng taong mahal nito noon? Kasi parang may nahimigan siyang kakaiba sa tono ng binata habang nagsasalita ito.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo ngayon?" usal ni Aki makalipas ang mahabang sandaling yakap pa rin siya nito.
Pinakiramdaman ni Alice ang sarili. Kalmado na nga siya. Kung dahil iyon sa sinabi nito o sa init na nagmumula sa katawan nito o pareho ay wala na siyang pakielam. Umangat ang mga kamay niya at niyakap si Aki. Inangat niya ang mukha at isinubsob sa leeg nito saka kuntentong bumuntong hininga. "Oo. Okay na ako. Hindi ko alam kung bakit pero kapag nasa malapit ka napapawi ang lahat ng pagod at alalahanin ko, Aki."
Mas naramdaman niya kaysa nakita ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng binata. "Ganiyan din ang nararamdaman ko kapag kasama kita, alam mo ba?" bulong nito sa tainga niya.
May init na humaplos sa puso ni Alice at humigpit pa ang yakap kay Aki. Pagkatapos ay saka lang siya kumawala rito at bumaling sa pinto ng unit niya. "Pumasok na nga muna tayo."
"May trabaho ka bukas?" tanong ni Aki nang nasa loob na sila ng unit niya.
"Oo. Pero sa isang araw wala. Balak ko puntahan si Coleen sa apartment niya. Nasa tabloids at telebisyon na ang tungkol sa relasyon niya sa isang lalaking may asawa."
Napabuga ng hangin si Aki. "Hindi ko alam kung bakit naaakit ang mga babae sa ganoong mga lalaki," tila galit na usal nito.
Napalingon tuloy si Alice rito. Napansin niya na nakakuyom ang mga kamao ni Aki at medyo nakatiim ang mga bagang. "Masyado ka yatang affected?" hindi nakatiis na tanong niya.
Sumulyap sa kaniya si Aki at napailing. "Nakipagrelasyon ang ex ko sa isang matandang lalaki. Kaya kami nagkahiwalay."
Umawang ang mga labi ni Alice at hindi alam ang sasabihin. Napahinga siya ng malalim at napatitig lang kay Aki. Pagkatapos ay maingat na nagsalita, "Mahal mo pa ba siya?"
Napatitig sa kaniya ang lalaki at mukhang pinag-iisipan ng husto ang tanong niya. Matapos ang mahabang katahimikan ay saka lang nagsalita si Aki. "Sa tingin ko hindi na. Pero hindi ko pa siya kayang patawarin. So siguro hindi ko pa siya tuluyang nakakalimutan."
Marahang tumango si Alice. Pagkatapos ay tumalikod na at naglakad sa kusina. Bakit ba kasi nagtanong pa siya? Alam niya na ex na ni Aki ang kung sino mang babae na iyon. Siya rin naman may ex. Matagal nang out of the picture ang lalaking iyon pero aware siya na may impluwensiya pa rin ang lalaki sa buhay niya. After all, hindi nawawala ang trauma niya sa pakikipagrelasyon na dahil sa ex-boyfriend niya. Marahil ganoon din ang epekto ng ex-girlfriend ni Aki sa buhay nito.
"Alice," pabuntong hininga na tawag ni Aki sa kaniya.
Hinamig niya ang sarili at ngumiti bago nilingon ang lalaki. "Ano? Magsasalang lang ako ng kape."
Tumiim ang titig ni Aki pero sa huli ay marahan na lang tumango. Muling ngumiti si Alice bago tumalikod at dumeretso sa kusina. Walang dahilan para sirain niya ang gabing iyon sa pamamagitan ng pag-ungat sa nakaraan ng binata. Bihira na nga sila magkita ganoon pa ba ang pag-uusapan nila? Hindi na siya immature para gawing malaking isyu ang tungkol doon. At least, iyon ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili.
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...