Part 14

8.6K 344 11
                                    

Habang nalilito si Alice ay natagpuan na lamang niya na nakapasok na sila sa pinto ng unit ni Aki. Nagulat siya nang makitang halos walang kalaman-laman ang living room nito. Isang malaking sofa lang na nakaharap sa nakabukas na malaking French windows na papunta sa veranda. Ang sarili niyang French doors ay palaging nakasara dahil iniiwasan niyang lumabas ng unit niya kapag naroon siya.

"Dito," sabi ni Aki dahilan kaya naalis ang atensiyon niya sa pagtingin sa living room nito. Hinatak siya ng binata papasok sa isang silid na ang pinto ay bahagyang nakabukas. Na para bang galing ito doon kanina bago magpunta sa unit niya at nakaligtaan nitong isara ang pinto. Itinulak nito pabukas ang pinto at hinatak siya papasok.

Napasinghap si Alice nang makita niya ang isang katamtamang laking itim na piano sa isang bahagi ng pader. Pagkatapos sa kabilang pader naman ay may mahabang lamesa na may malaking computer screen, piano keyboard, at tila isang malaking console. Hawak pa rin ang kamay niya na hinatak siya ni Aki palapit sa lamesang iyon. Saka siya hinarap at sinalubong ng tingin ang mga mata niya.

"You see, sinusubukan kong magsulat at mag-compose ng kanta," sabi nito.

Bumaha ang reyalisasyon sa isip ni Alice. "Oh. Iyon ang sinasabi mo na nakakarinig ka ng musika?"

"Oo. Actually, ilang buwan na akong walang magawang kanta. Artist block. Pero noong gabing nagkita tayo uli sa music bar pagkatapos ng lampas isang linggo na hindi natin pagkikita, bigla ay may sumaging mga nota sa isip ko. Pagkatapos ay bigla na lang, sa tuwing naiisip kita ay may naririnig akong melody. Katulad kanina." Pinisil ni Aki ang kamay niya. "Sa tingin ko, kung nasa tabi kita, tuluyan na akong babalik sa dati. Makakagawa ako ulit ng musika."

"Ulit?" usal niya.

Natigilan si Aki bago tila nahamig ang sarili at tumango. "Oo. Ulit. Sinubukan ko dati pero... hindi ako genius na katulad ng kapangalan ko kaya kailangan ko magsikap."

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Alice dahil parang paiwas ang sagot nito. Sandaling nag-isip siya. "So, para mo akong muse ganoon? Hindi ba ganoon ang tawag ng mga artist sa taong nagbibigay sa kanila ng inspiration?"

Umangat ang gilid ng mga labi ni Aki at umupo sa swivel chair na naroon pero hindi pa rin binibitawan ang kamay niya. Tumingala ito sa kaniya at lumambot ang kislap sa mga mata. "Muse... Yeah, sa tingin ko muse kita."

Bumilis ang pintig ng mga pulso ni Alice at uminit ang pakiramdam niya. Sa dami ng papuri at paghangang natanggap niya sa loob ng dalawang dekada, ang pangungusap na iyon yata ang pinaka tumagos sa puso niya. Mas masarap pa iyon pakinggan kaysa sa hindi na niya mabilang na "I like you" at "I love you" mula sa mga naging suitor niya noon. Napahugot siya ng malalim na paghinga. "Well, okay," maingat na sabi niya. Muli siyang sumulyap sa lamesa nito. "So, gusto mo maging songwriter at composer huh? Magandang pangarap iyan."

"Kaya puwede ba akong humingi ng pabor sa iyo?" tanong ni Aki.

Muling bumalik ang tingin ni Alice sa binata. "Ano iyon?"

Bago magsalita ay naramdaman niyang nagsimulang humaplos ang hinlalaki nito sa gilid ng kamay niyang hawak pa rin nito. Nagdulot iyon ng nakakakalma ngunit nakakakuryenteng sensasyon sa buo niyang katawan. "Pwede ba akong manatili sa tabi mo? Kahit hanggang makapag-compose lang ako ng musika hanggang makuntento ako?"

Hindi agad nakasagot si Alice at napatitig lamang sa mukha ni Aki. Bakas ang sinderidad at pag-asa sa mukha nito. He looks so adorably handsome na hindi niya magawang humindi. Isa pa, kung makakatulong siya para matupad nito ang pangarap ay ang sama naman niya kung tatanggi siya. Paano pala kung nakatakdang baguhin ni Aki ang music industry at hindi ito nagkaroon ng pagkakataon dahil ipinagdamot niya ang sarili at tumanggi siyang maging muse nito? Sayang naman. Napabuntong hininga siya at nakapagdesisyon. "Sige na nga."

Lumawak ang ngti ni Aki at bumakas ang tuwa sa mga mata. Parang may nagliparan na naman na mga paru-paro sa sikmura niya na katulad noong na-stuck sila sa elevator. Pero sa pagkakataong iyon ay hindi na niya maaaring idahilan na dulot lang iyon ng pagkakabingit nila sa panganib. "Salamat."

Tumikhim si Alice at iniwas ang tingin. "Pero busy akong tao. Bihira lang ako may libreng oras."

"Ayos lang. Pwede na ako sa libre mong oras."

"At hindi tayo puwedeng makita sa pampublikong lugar. Gusto kong iwasan magkaroon ng chismis tungkol sa akin. Magagalit ang manager ko."

Bahagyang humigpit ang hawak ni Aki sa kamay niya. "Naiintindihan ko. Pwede tayong manatili kung hindi sa unit mo ay sa unit ko."

Medyo may iba siyang pakahulugan sa sinabi nito kaya muling bumalik ang tingin niya rito. Naningkit ang mga mata ni Alice. "At ano eksakto ang gagawin natin kapag magkasama tayo?" dudang tanong niya.

Naging mapang-akit ang ngiti ni Aki at hinawakan ang isa pa niyang kamay. Pagkatapos ay bahagya pa siya nitong hinigit palapit na halos nasa pagitan na siya ng mga hita nito. Nahigit ni Alice ang paghinga at hindi maialis ang pagkakatitig sa mga mata nito. "Hindi natin paplanuhin. We will just let it take its course. Ang tanging hihingin ko lang sa iyo ay alisin mo ang pader na iniharang mo sa sarili mo kapag kasama mo ako. Gusto kong makita ang iba't ibang ekspresyon mo. Gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa iyo."

Natigilan siya at may naramdaman siyang kudlit sa puso niya. Nag-iwas siya ng tingin. "Madali lang iyan sabihin pero mahirap para sa akin ang basta na lamang buksan ang sarili ko para sa isang tao."

"Bakit?"

Nagkibit balikat si Alice. "A hard habit to break, I guess. Basta, hindi ko iyon basta magagawa at hindi mo ako pwedeng pilitin," giit niya.

"Fine. Hindi kita pipilitin. Gagawin ko na lang ang lahat para maging kumportable ka sa akin ng dahan-dahan."

Marahas na napatingin siyang muli kay Aki. "Sa tingin mo kaya mo iyong gawin?"

May gumuhit na ngiti sa mga labi ng binata. Isa iyong ngiti na puno ng kompiyansa at pangako na nagdulot na naman ng pagliliparan ng mga paru-paro sa kaniyang sikmura. "Oh, yes."

Ilang segundong nagkatitigan lang sila. Pero sa huli ay si Alice din ang hindi nakatiis at nag-iwas ng tingin. Bumuga siya ng hangin at humakbang paatras. Lumuwag ang hawak ni Aki sa mga kamay niya at hinaplos ng mga daliri nito ang mga iyon sa huling pagkakataon bago siya tuluyang pinakawalan. Napahalukipkip siya at ikinuyom ang mga kamay dahil para pa ring naroon ang sensasyon ng mga daliri nito. "Fine." Tumalikod siya. "Babalik na ako sa unit ko. Magliligpit pa ako ng lamesa."

Naramdaman ni Alice na tumayo na rin si Aki. At nang maglakad siya palabas ng silid ay nakasunod din ito sa kaniya. "Sasama ako pabalik," sabi pa ng binata.

Hindi siya nagreklamo dahil hindi nga ba at kakapayag lang niya na puwede itong manatili sa tabi niya? Muse daw siya nito eh. Paano siya makakatanggi?

Nakabalik na sila sa living room at patungo na sa pinto ng unit upang lumabas nang hindi nakatiis si Alice. Pumihit siya paharap kay Aki na nasa likuran niya. "Wala ka bang balak maglagay ng furniture at mag-ayos ng unit?"

Umangat ang mga kilay nito at tiningnan ang living room. "Wala akong tiyaga." Muling sumulyap si Alice sa living room. Sa totoo lang kung siya si Aki ay nag-shopping na siya ng mga gamit at nag-ayos doon. Hindi na kasi niya nagagawa iyon dahil kumpeto na ang mga furniture niya sa unit niya. Ayaw naman niyang maging magastos at maaksaya kaya kahit palagi siyang nakakakita ng magagandang gamit ay tinitiis niyang huwag bumili.

"Gusto mo ba akong tulungan?" biglang tanong ni Aki. Bumalik ang tingin niya rito na mukhang kanina pa siya pinagmamasdan. "Para sa pagbili ng mga furniture at pag-aayos dito?"

Napangiti si Alice at hindi naitago ang pagkasabik. "Puwede? Talaga?"

Gumanti ng ngiti si Aki na tila aliw na aliw. "Sure."

Tumamis ang ngiti niya. Aba, wala siyang balak tanggihan iyon. "Great."

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon