Part 3

12.1K 309 4
                                    


"BONGGA ka talaga Miss Alice. Pasok ka na naman sa top ten ng FHM Sexiest Women ngayong taon!"

Taas noong ngumiti si Alice sa sinabi ng baklang make-up artist na nag-aayos sa kaniya sa araw na iyon. "Well, ganoon talaga. Hindi pa nababawasan ang ganda at alindog ko," confident na sagot niya.

Sa gabing iyon rarampa siya kasama ang halos isang daan pang sexy at magandang mga babae para sa taunang event ng FHM men's magazine. Halos lahat ng mga babaeng kasama niyang rarampa sa stage na suot ang mga sexy outfit ay higit na mas bata kay Alice. Subalit tiwala siya na hindi siya matatalbugan ng kahit na sino.

Tumawa ang make-up artist. "Oo naman. Isa ka sa pinakamaganda, talented at tinitingalang artista sa bansa. At kahit dalawang dekada ka na sa show business marami ka pa ring projects at pinapantasya pa rin ng mga kalalakihan. Kaunti lamang ang nakakarating sa kung nasaan ka ngayon."

Lalong tumaas ang noo ni Alice at proud na ngumiti. Kahit napakatagal na niya sa spotlight, masaya pa rin siyang nakakarinig ng mga ganoong klase ng pagpuri. Pumapalakpak pa rin ang mga tainga niya at tumataba ang kaniyang ego. After all, pinaghirapan niya ang lahat ng mayroon siya ngayon.

Tinalikuran niya ang pangarap niyang simple at pribadong buhay nang pumasok siya sa showbusiness noong kinse anyos siya. Bago sumikat si Alice kung anu-anong roles ang pinasok niya at bilang lang sa mga daliri ng mga kamay at paa niya ang beses na nagbakasyon siya. Dekada ng walang tulog na shooting, ng halos hindi pagkain para lamang mamintina ang maganda niyang katawan ang naging takbo ng buhay niya. May karapatan naman siyang maligo sa mga papuri, hindi ba?

So what kung hindi naman talaga pag-a-artista ang pinangarap niya noong bata pa siya? So what kung na-discover lang naman siya ng isang talent manager nang mapilitan siya mag perform sa stage play nila noong high school at napa-oo lang sa alok nitong pag-aartista dahil naisip ni Alice na mabilis na paraan iyon para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya niya? Ang mahalaga ay hindi niya sinayang ang "gift" na ibinigay sa kaniya ng Diyos at pinagbutihan niya ang pagtatrabaho. Ang mahalaga natupad ang mga pangarap ng dalawang nakababatang kapatid niya dahil sa pagiging artista niya at ngayon ay may stable nang buhay ang mga ito sa piling ng kani-kanilang asawa at mga anak.

Matamis na ang ngiti niya nang sa wakas tapos na ang make-up artist na ayusan siya. Alice is already feeling too good about herself nang biglang magsalita uli ang binabae, "Hindi halata na thirty six years old ka na."

Bahagyang tumabingi ang ngiti ni Alice. Subalit sandali lang ay ibinalik rin niyang muli ang matamis niyang ngiti. Madali iyong gawin para sa kaniya. After all, isa siyang artista. Bumaling siya sa make-up artist. "Thirty five. May ilang buwan pa bago ang birthday ko. At hindi naman halata hindi ba?" malambing na tanong niya. Hindi ba nito alam na matinding taboo para sa mga babaeng katulad niya ang hayagang pag-usapan ang edad?

"Oo naman. Ikaw si Alice De Dios, the country's Timeless Beauty. Mukha ka lang nasa twenties," kambiyo ng make-up artist.

Tumango-tango na lang si Alice. Mabuti naman at nagkakaintindihan sila. Hindi naman siya masyadong apektado sa edad niya, pero ayaw din naman niyang pinapangalandakan iyon. Dahil kasunod niyon ay ang tanong kung bakit sa kabila ng edad at angkin niyang kagandahan ay single pa rin siya. Kapag naman sinabi niya na kuntento at tanggap naman na niya ang kaniyang relationship status at hindi siya masyadong nag-aalala kahit wala siyang asawa ay hindi naman naniniwala ang mga tao. Kaya hangga't maaari iniiwasan na lang ni Alice mapunta sa edad niya ang usapan.

May kumatok sa pinto ng dressing room niya. Mabilis na binuksan iyon ng make-up artist. Sumungaw ang isang staff ng show. "Miss Alice, magsisimula na po tayo in a few minutes. Kailangan niyo na magpunta sa backstage."

Tumayo na si Alice at inayos ang pagkakabuhol ng suot niyang bathrobe. Sa loob kasi niyon ay two-piece lingerie lang. Iyon lang kasi ang suot niya mamaya kapag rumampa siya sa stage. Ngumiti siya sa staff at naglakad palabas ng dressing room. "Okay, let's do this!"

MATAGUMPAY na natapos ang event ng FHM. Marami ang nanood kahit pa malakas ang ulan sa labas ng venue. May paparating daw kasing bagyo. At kahit masama ang panahon hindi nagpapigil ang mga rumampa, staff at VIP guests na ituloy ang after party celebration sa isang mamahaling club malapit sa venue. Ayaw sana sumama ni Alice doon pero nahatak siya ng kaibigan niyang si Coleen na isa rin sa mga rumampa kanina. At dahil hindi siya napilit ng babae na makihalubilo sa dance floor ay sinamahan na lang siya nito na umupo sa stool na nasa bar counter.

"Kapag hindi ka nagpakita sa party, hindi ka malalapitan ng mga lalaking naakit ng kagandahan mo kanina," pilyang sabi ni Coleen.

Itinirik ni Alice ang mga mata at sumimsim sa cocktail niya. "My God. Hindi ito isang dating event, okay?" sermon niya.

Si Coleen naman ang nagtirik ng mga mata. "Duh. It is a dating event. Hindi mo ba alam kung ilan sa mga babaeng nandito ang siguradong nakakatanggap na ng proposals?"

Napangiwi si Alice. "Unfortunately, alam ko. Pero huwag ka gagaya sa iba. Hindi mo kailangan ng ganoon para sumikat ka. Puwede silang tumingin hanggang gusto nila, pero huwag ka magpapahawak. Maliwanag ba?"

Natawa si Coleen. "Hay naku, ate Alice," pagdidiin nito sa salitang ate. Palibhasa kahit magkaibigan sila ay sampung taon talaga ang tanda niya kay Coleen. Iisa kasi sila ng manager kaya naging malapit sila sa isa't isa. Modelo si Coleen na ngayon pa lamang unti-unting nakikilala bilang aktres. "Sayang ka kung hindi ka makikipag-date okay? Hindi ka na teenager. Anong masama kung mag-enjoy ka ng kaunti?"

"Masaya ako sa pagiging single ko, thank you," sagot ni Alice. Tiningnan siya ni Coleen na para bang hindi naniniwala sa kaniya. Napabuga siya ng hangin. "Seriously, bakit ba walang naniniwala sa akin kapag sinasabi ko iyan? Hindi lang pakikipag-date at lalong hindi lang lalaki ang makakapagpasaya sa isang babae okay? Hindi lang relationship ang puwedeng magbigay ng contentment."

"But you can't have the best sex alone," walang pakundangang sagot ni Coleen.

Namilog ang mga mata ni Alice. "Coleen!"

"What? It's true."

Napailing siya at napabuntong hininga. Hindi naman si Coleen ang unang taga-showbusiness ang liberal pagdating sa ganoon. Alam iyon ni Alice dahil halos dalawang dekada na siya sa mundong iyon. Hindi nga lang siya masanay-sanay. After all, bago siya naging artista ay pinalaki siya ng mga konserbatibong magulang. Lalo na ang kaniyang ama na magaling lang magsabi ng kung ano ang bawal at hindi nila dapat gawing magkakapatid. Na para bang perpekto ito at responsableng magulang. Kahit pa walang ibang ginawa ang kanilang ama noong lumalaki sila kung hindi ang araw-araw na ubusin ang halos lahat ng kinikita nito sa trabaho sa pag-inom ng alak kasama ang mga barkada nito. Dahilan kaya ang nanay niya noon ay napipilitan magtrabaho para lamang makapag-aral sila at makakain na magkakapatid.

Katunayan noong nasa twenties pa lang ang edad niya ay hindi siya pinapayagan ng mga magulang niya na mag-pose ng sexy. Noong dumating na lang si Alice sa edad na trenta at iginiit niya na hanggang pag-po-pose at rampa lang naman ang gagawin niya ay saka lamang siya pinayagan. Iyon ay matapos ang mahabang pagbibilin at pangangaral ng mama niya na teenager pa lang siya ay kabisado na niya. At hanggang ngayon hindi niya kinakalimutan ang mga bilin ng kaniyang ina. Dahil nang isang beses siyang lumabag at sinunod ang puso at katawan niya ay naiwan siyang luhaan. Wala na siyang balak umulit.

"Anyway, sa tingin ko pa rin kailangan ko umalis sa party na ito ng mas maaga. May commercial shoot ako bukas. Magpakasaya ka na lang kasama ang ibang bisita," sabi ni Alice. Inilapag na niya ang walang lamang baso at tumayo.

"Ang aga pa," pigil ni Coleen sa kaniya.

"Ang sabihin mo, umaga na. Ala una na ng madaling araw. I need my sleep. Ikaw rin, huwag ka nagpupuyat palagi kung walang kinalaman sa trabaho. Masama sa kutis. Bye."

Bago pa siya mapigilan ni Coleen ay mabilis na siyang naglakad palayo. Ilang beses pa siya naharang ng mga kakilala niya bago sa wakas ay nakalabas ng establisyemento si Alice. Nangikig siya sa lamig at nayakap ang sarili nang mapagtantong sobrang lakas pala ng ulan. Napaigtad pa siya nang biglang gumuhit ang malaking kidlat sa langit bago dumagundong ang malakas na kulog. Lalong sumasama ang panahon habang lumalalim ang gabi. Tama lang talaga ang desisyon niyang umuwi na. Ngayon, kung makakarating lang sana siya sa kotse niya na hindi mababasa...

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon