NAKAHALUKIPKIP si Alice habang nakaupo sa sofa katabi si Aki na mukhang nararamdaman na naman ang tensiyon niya dahil nakasampay ang braso sa balikat niya at marahang mimamasahe ng kamay ang itaas na bahagi ng braso niya. Sa tapat nila ay nakaupo si Larry habang si Coleen ay nakaupo sa couch sa kaliwa.
Namumutla si Larry at mukhang hindi alam na malapit sila ng nakababatang babae. At nang magtama ang paningin nila kanina ay nabasa ni Alice sa mga mata ng lalaki na ayaw nitong ipaalam kay Coleen na magkakilala silang dalawa. Nagkunwari siyang hindi ito kilala pero hindi iyon dahil sa nabasa niya sa mga mata ni Larry kung hindi para kay Coleen na walang kaalam-alam kung anong klase ng lalaki ang naging boyfriend nito. Isa pa, pitong taon na ang nakararaan mula nang maghiwalay sila ng landas ng dating kasintahan. Hindi pa sila magkakilala ni Coleen noon.
"So, bakit ka sumisigaw kanina at bakit namamaga ang mga mata mo?" tanong ni Alice kay Coleen pero kay Larry siya nakatingin.
"Sinasabi ko sa kaniya na kung magsasalita lang kami pareho sa press na seryoso kami sa isa't isa ay mawawala na ang masamang tsismis tungkol sa akin. Pero ayaw niyang lumabas sa media," gigil na sabi ni Coleen. Lalong nagmukhang hindi komportable si Larry at hindi makatingin sa kaniya.
Spineless bastard, puno ng disgustong naisip ni Alice.
"Alam mo na isa akong pribadong tao," sabi ni Larry.
"Kung ganoon hindi ka sana nakipagrelasyon sa isang celebrity. At higit pang mas bata sa iyo," sikmat ni Alice.
Hindi nakaimik si Larry. Mukhang ikinapikon iyon ni Coleen dahil marahas na tumayo ang babae. "Alam mo, umuwi ka na lang," sabi nito sa lalaki.
"Pero ang sabi mo sa akin may sasabihin kang importante. Iyon na bang gusto mong humarap tayo sa media ang gusto mong sabihin?" tanong ni Larry.
Namasa ang mga mata ni Coleen. "Sa tingin mo ba hindi importante para sa akin ang sinabi ko?" sumbat ng babae. Nakaramdam ng silakbo ng galit si Alice. Pero bago pa siya makakilos ay humigpit na ang kamay ni Aki sa balikat niya. Napalingon siya sa binata at nakita niyang madilim na ang mukha nito at tila nagpipigil ng inis. "Just do what she said and get out," malamig na sabi nito kay Larry.
Manghang napatingin si Larry kay Aki. "Sino ka sa tingin mo para gamitan ako ng ganiyang tono?"
"Larry. Umalis ka na," malakas nang bulalas ni Coleen.
Tumayo ang lalaki at hindi makapaniwalang napatitig kay Coleen. "Hindi ko alam na ganiyan ka pala."
Nagpantig ang tainga ni Alice. Para siyang na-déjà vu. Tumayo siya at naningkit ang mga mata. "Stop creating your own image of her! Isang buwan na kayo magkarelasyon hindi mo pa rin siya kilala? She is her own person. Kung gusto mo talaga siya dapat mahalin mo siya kung ano siya hindi kung ano ang gusto mong maging siya."
Napatingin ang tatlo kay Alice. Si Larry ay kumislap ang mga mata na para bang naunawaan na hindi lang tungkol kay Coleen ang pinag-uusapan nila. Masyado siyang galit para makaramdam ng hiya. Nawalan na siya ng pakielam kung magtaka man si Coleen at Aki sa inaakto niya. Iyon ang mga salitang hindi niya nagawang sabihin kay Larry noong naghiwalay sila pitong taon ang nakararaan. Well, marami pa siyang gusto sabihin pero napigilan niya ang sarili.
"Fine. Aalis na muna ako," inis na sabi ni Larry at naglakad patungo sa pinto. Napasinghap si Coleen at parang gusto pa yata sundan ang lalaki pero lumagabog na ang pinto ng apartment nito bago pa makakilos ang babae. Napaluha na lang si Coleen at napasalampak ng upo sa couch.
Napabuga ng hangin si Alice. Parang bigla yatang sumakit ang ulo niya. Si Aki ang bumasag sa katahimikan. "Bakit mo ba siya gusto, Coleen?"
"Dahil nga maalaga siya. Buong pagkabata ko hindi ko naramdaman mahalin ng kahit na sino dahil ulila ako at lumaki sa ampunan. Kaya mahina ako pagdating sa mga lalaking pinapakitaan ako ng affection. I know it's pathetic pero hindi ko mapigilan," usal ni Coleen.
"Sa naging reaksiyon niya ngayon, sa tingin mo pa rin ba affectionate siya?" tanong ni Alice.
Lalong naluha si Coleen. "Dapat yata talaga hiwalayan ko siya," usal nito.
"Hindi ka puwedeng umasa sa ibang tao buong buhay mo," sabi ni Aki. Napalingon si Alice at Coleen sa lalaki. Seryoso ang mukha nito. "Kailangan mo matutunang pahalagahan ang sarili mo. Huwag mo hanapin ang pagmamahal na gusto mo para sa sarili mo mula sa ibang tao."
"Sinasabi mo lang iyan dahil hindi mo alam kung ano ang pakiramdam na walang taong nagmamahal sa iyo. Hindi mo alam kung gaano kahirap sa akin ang naging kabataan ko!" sikmat ni Coleen.
"Alam ko," seryosong sabi ni Aki. "Alam ko ang pakiramdam na walang pamilya. Lumaki rin ako sa isang bahay ampunan. Katulad mo rin ako."
Umawang ang mga labi ni Alice at napatitig kay Aki. Ni walang bahid ng pait sa mukha nito pero parang may kumurot sa puso niya sa rebelasyong iyon. Si Coleen ay hindi rin nakapagsalita.
"Pagkatapos ay may nag-ampon sa akin. He gave me a place to belong to. Dahil sa kaniya kaya nadiksubre ko ang isang bagay na gustong gusto ko. Pagkatapos ay nakakilala ako ng isa pang tao na binigyan ako ng puwag sa isang industrya kung saan pwede kong gawin ang passion ko. Ikaw din hindi ba? May nakilala ka rin na dahilan kaya ka nasa showbiz? Marami kang maipagmamalaki kaya huwag mong pababain ang sarili mo dahil lang sa mga lalaking hindi ka talaga pinahahalagahan," patuloy ni Aki.
Nanginig ang mga labi ni Coleen at lalong lumakas ang iyak. "Yes, tama ka. It's just that I was so... lonely."
Nag-init din tuloy ang mga mata ni Alice. Lumapit siya sa babae at hinagod ang likod nito. Sumulyap siya kay Aki at nagtama ang kanilang mga mata. May kakaibang emosyong kumikislap sa mga mata ng binata na para bang may reyalisasyong sumagi sa isip nito na hindi niya mawari. Later, tatanungin ko siya tungkol doon at sa kabataan niya. And then maybe, finally, ay magawa rin niyang masabi sa isang tao ang tungkol sa sarili niyang kabataan. Dahil may pakiramdam siya na talagang iba si Aki sa lahat ng tao – lalaki man o babae - na nakilala na niya. Baka kung sa harap ni Aki ay magawa rin niyang magpakatotoo na walang inaalala.
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...