IBA-BA ang naging reaksiyon ng pamilya niya nang dumating si Alice sa bahay ng mga magulang niya kinagabihan. Tinawagan niya habang nasa biyahe siya kanina sina Helen at Gary kaya nang dumating siya ay naroon na ang mga kapatid niya.
Si Helen ay namilog ang mga mata at halatang nabigla at hindi makapasalita. Si Gary naman at ang papa nila ay galit na galit. "Hindi na makakabalik sa bahay na ito ang lalaking iyon. Lalong hindi na siya makakalapit pa sa iyo, Alice!" bulalas ng kaniyang ama na sinang-ayunan ni Gary. Pagkatapos ay kung anu-anong banta na gagawin daw ng dalawa kay Aki kapag nagpakita pa ito sa kanila ang namayani ng ilang sandali sa bahay nila.
Ang mama naman niya ay kalmado lamang at nakamasid lamang sa kanilang lahat. Nang sa wakas ay nakapaglabas na ng galit ang papa niya at si Gary ay saka lamang ito nagsalita. "Nakapagpa-check up ka na ba?"
"Hindi pa po. Balak ko sana pagkatapos ng press conference bukas. Tapos ang sabi ni Tita Bebs babawasan daw niya ang trabaho ko para hindi ako mapagod," sagot ni Alice.
Tumango ang mama niya. "O sige. Sasamahan kita magpa-check up." Mahabang katahimikan bago ito muling nagsalita. "At si Aki, totoo ba ang mga nasa balita na umalis na siya kasama ang ibang babae? Hindi na ba siya talaga babalik?"
Natigilan si Alice. Natahimik rin ang papa at mga kapatid niya at tiningnan siya. Huminga siya ng malalim. "Ang sabi niya sa akin bago siya umalis ay babalik daw siya. Iniwan niya sa akin ang susi ng unit niya." Pagkatapos ay malungkot siyang ngumiti. "Pero sa ngayon ay hindi ko na alam kung totoo pa iyon."
"Si Aki ba ang tipo ng taong nagsisinungaling? Sa tingin mo ba lolokohin ka niya?" seryosong tanong ng nanay niya.
Hindi nakahuma si Alice. Si Gary ang nagsalita, "Ma, hindi pa ba sapat na sumama siya sa ex-girlfriend niya? Bakit parang pinagtatanggol mo pa siya?"
"Tama si Gary," galit pa ring sabi ng papa niya.
Bago pa mauwi sa isa na namang pagtatalo ay pumagitan na si Alice. "Hindi na mahalaga iyon. Basta I will keep my baby. At alam ko naman na may pamilya ako na dadamay sa akin," sabi na lamang niya.
Subalit pagsapit nang gabi, nang mag-isa na lamang si Alice na nakahiga sa kama ay hindi siya makatulog. Nagpapakatatag siya sa nakaraang dalawang linggo. Subalit ang totoo ay talagang nami-miss niya si Aki. Kapag pipikit siya sa gabi ay mukha nito ang nakikita niya. Minsan parang naririnig niya ang boses nito pero kapag lumingon siya ay napagtatanto niya na guni-guni lang pala niya. Minsan, habang nasa kalsada ay may makikita siya sa sidewalk na parang kahawig nito ng ayos at mapapahinto siya sa pagmamaneho para sundan ng tingin ang taong iyon. Para lamang malaman na namamalikmata lamang siya. Napagtanto niya na sa kabila ng lahat ng mga nangyari at sa kabila ng nalaman niya tungkol kay Veronica ay mahal na mahal pa rin niya si Aki.
Kaya kung babalik ka, bumalik ka na ngayon, Aki. Bumalik ka sa akin. Iyon ang paulit-ulit na nasa isip ni Alice hanggang makatulog na siya.
NASA kalagitnaan pa rin ng recording ang bagong album ni Veronica. Sa totoo lang ay ayos lang naman kahit wala si Aki sa studio para sumali sa recording. Noong una ay naisip lang niya na dahil iyon na ang huling beses ay gusto niyang hintayin matapos iyon. Subalit ngayon, habang mag-isa siya sa studio dahil naka-break ang mga tao at pinakikinggan niya ang isang awitin na siya mismo ang nag-record at itinanggi niyang isama sa album ay may matinding emosyon na lumalamutak sa dibdib niya. Homesickness. Isang pakiramdam na hindi niya naranasan buong buhay niya maliban ngayon. Maybe because now, he knew where he belongs. Kaya ano pa ba ang ginagawa niya sa New York? Para lang niyang tino-torture ang sarili niya.
"What's that song?" biglang tanong ni Veronica. Napalingon sa pinto si Aki. Nakita niya ang babae na seryosong nakikinig. "And are you the one playing the keyboards and singing?" tanong nitong muli.

BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...