DAHIL pagod at kulang sa tulog ay tanghali na nagising si Alice ng araw na iyon. Gusto sana niyang mag-general cleaning at may-ayos ng mga gamit sa unit niya dahil ang tagal na niyang hindi iyon ginagawa. Pero dahil may script pa siyang kailangan basahin kaya naglinis na lang siya ng bathtub. Wala naman kasi siyang huhugasang pinggan at kaldero.
Katatapos lang niya maglinis ng bathtub nang tumunog ang doorbell niya. Nagulat siya dahil wala naman siyang inaasahang bisita. Tatlong tao lang ang puwedeng pumunta sa unit niya na walang pasabi; si Tita Bebs, Coleen at Nikki. Mabilis na naglakad si Alice patungo sa pinto at hindi na tiningnan ang peep hole na binuksan iyon. Ang pagbati niya ay bumara sa lalamunan niya nang makita kung sino ang nakatayo sa labas ng unit niya.
"Hey," bati ni Aki na katulad ng dati ay nakasuot ng jeans at t-shirt. Hawak nito ang tupperware na pinaglagyan niya ng lasagna.
Namilog ang mga mata ni Alice. "Aki! Bakit?"
"Ibabalik ko sa iyo itong tupperware mo," sabi ng lalaki.
"Oh. Okay." Inabot iyon ni Alice pero napansin niya na hindi tuminag sa pagkakatayo si Aki. Napatingala tuloy siya sa mukha ng lalaki. Natigilan siya nang mapansin ang kislap ng amusement sa mga mata nito habang hinahagod siya ng tingin. Noon lang niya narealize kung ano ang ayos niya. Maluwag na lumang t-shirt at maong shorts. Ang buhok niya ay naka-bun sa tuktok ng ulo niya at may pawis pa siya sa mukha at leeg. Mukha siyang basura.
Nag-init ang mukha ni Alice at mabilis na kumilos upang isara uli ang pinto niya. Nagulat si Aki pero maagap naman nitong naiharang ang mga kamay at binti para hindi tuluyang sumara ang pinto. "Anong ginagawa mo?" manghang tanong pa ng lalaki.
"Hindi ako handang humarap sa kahit na sino ngayon," sabi niya at muling tinangkang isara ang pinto.
"Bakit?" takang tanong ni Aki.
"Ang gulo ng hitsura ko."
Kumunot ang noo ng lalaki at bumuntong hininga. "Ano naman? I don't mind."
"Well, I mind," mariing sagot ni Alice. Sa loob ng dalawang dekada hindi niya hinayaang may kahit na sinong tao ang makakita sa kaniya na hindi nakaayos maliban kina Tita Bebs.
Well, sinubukan niya ipakita ang tunay na siya sa isang lalaki noon. Pero ang naging bukambibig nito noon ay, "Iba ka sa inaakala ko. Hindi ko alam na ganiyan ka pala. Sana hindi ko na lang nalaman kung sino ka talaga."
Mula noon pakiramdam ni Alice kalahati ng self-confidence niya ang nababawas kapag hindi siya nakaayos. Nangako siya na hindi na basta magpapakatotoo sa harap ng kahit na sino maliban sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.
Naiinip na tinitigan siya ni Aki. "Hindi mo kailangan mag-panic ng ganiyan. Walang problema sa akin kahit na hindi ka mukhang superstar."
Natigilan si Alice at napamaang sa binata. May nakakaunawa nang kislap sa mga mata nito ngayon. "Alam mo na kung sino ako," nausal niya.
"Sinabi sa akin ni Victor. Pero hindi naman iyon mahalaga. Hindi mo kailangan magtago sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit gusto mo itago ang hitsura mo ngayon," kunot noo pa ring sabi ni Aki.
Bumuntong hininga siya. Alam ni Alice na hindi nito naiintindihan ang automatic impulse niya na siguruhing maganda at perpekto siya sa harap ng ibang tao. At lalong hindi pa siya handang sabihin kahit kanino ang insecurity na nabuhay sa puso niya dahil sa walang pakundangang salita ng taong dati ay minahal at pinagkatiwalaan niya.
"Aki. Bigyan mo lang ako ng ilang minuto, okay?" usal ni Alice. Tinitigan siya nito sa mga mata at hindi siya nag-iwas ng tingin. Matagal na magkalapat lamang ang kanilang mga paningin at walang bumibitaw sa pinto.
![](https://img.wattpad.com/cover/203907287-288-k678566.jpg)
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomanceDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...