"Isang babae na thirty five ang edad pero mukhang nasa twenties lang o isang babae na nasa twenties pero mukhang thirty five, kung kayo ang tatanungin sino ang pipiliin niyo?" biglang tanong ni Aki. Napunta sa binata ang atensiyon ni Alice. Seryoso ang ekspresyon nito habang deretso ang tingin sa papa niya.
"Ano ang gusto mong sabihin?" seryoso ring tanong ng tatay niya.
May sumilay na ngiti sa mga labi ni Aki. "Ang punto ay hindi mahalaga ang edad kapag gusto mo ang isang tao." Sumulyap sa kaniya ang binata at kumislap ang mga mata sa emosyong nagdulot ng mainit na haplos sa puso niya. "Mula nang makilala ko si Alice hanggang ngayon, hindi naging mahalaga sa akin ang edad niya o katayuan niya sa buhay o kahit ang career niya. Attracted ako sa kaniya dahil interesante siya, maalaga at mapagmahal."
"Aki," tanging nausal ni Alice dahil labis na nabagbag ang damdamin niya sa sinabi nito. Ilang segundong nagtama lamang ang kanilang mga mata. Naputol lamang iyon nang umismid ang tatay niya at muling nagsalita.
"Masyado kang mabulaklak magsalita. Ang gusto ko lang malaman ay kung mahal mo ang anak ko at handa siyang pakasalan o hindi. Pero wala kang sinabi na gusto kong marinig."
"Tama na, papa," frustrated na saway ni Alice.
Kumunot ang noo ng tatay niya at mukhang may sasabihin pa pero bigla nang pumasok ang nanay at mga kapatid niya sa kusina. "Maghahain na kami ng pagkain," masiglang sabad ni Helen na halatang pinapagaan ang sitwasyon.
"Bakit hindi muna kayo magpunta sa living room ni Aki, ate Alice?" sabi naman ni Gary.
Tumango siya at hinawakan na sa braso si Aki para hatakin palayo pero hindi tuminag ang binata. Sa halip ay tumingin ito sa tatay at nanay niya. "Hindi pa kasama sa pinag-iisipan ko ang tungkol sa hinaharap dahil marami pa ho akong kailangan ayusin sa buhay ko. Pero huwag ho kayong mag-alala. Seryoso ako sa anak ninyo."
Natigilan silang lahat at napatitig kay Aki. Bahagyang ngumiti ang binata at hindi man lang kumurap habang nakatingin sa mga magulang niya. "Kapag naayos ko na ang lahat ng kailangan kong ayusin, babalik ako para ibigay ang kasagutan sa mga tanong ninyo."
Matagal na walang nakahuma sa kanilang lahat. Tumikhim ang papa niya at nag-iwas ng tingin. "O siya. Pero kapag may ginawa kang makakasakit kay Alice huwag ka na babalik. Masyado na siyang maraming sakit at sama ng loob na naranasan dahil sa mga pagkakamaling nagawa ko noong bata pa siya. Ayokong hanggang tumanda siya makunsumi siya dahil sa isang lalaki."
Umawang ang mga labi ni Alice at napatitig sa kaniyang ama. Ngayon na parang nakikita niya sa ibang angulo ang mukha nito ay napagtanto niya na mukhang nahihiya ito. Nakikita niya sa kulubot nitong mukha ang pagkapahiya at pagsisisi. Parang may sumuntok sa dibdib niya. What if she has been making her father feel like this for so many years already? Dahil hindi siya maka-move on sa nakaraan at hindi niya hinayaang mapalapit dito hanggang ngayon? Kahit palaging sinasabi ng nanay at mga kapatid niya na nagbago na ang tatay niya, kahit nakita naman na niya na talagang nag-iba na ito at hindi na tulad noong bata pa siya, sa loob niya ay hindi pa rin niya nagawang kalimutan ang pagiging iresponsable nito noon. Hindi lang ang sarili niya ang ginawa niyang miserable dahil hindi siya maka-let go sa trauma niya noong bata pa siya, maging ang pamilya niya ginawa niyang uncomfortable sa tuwing nagkikita sila na katulad ngayon.
"Wala ho kayong dapat ipag-alala. Hindi ko siya pababayaan," nakangiting sabi ni Aki.
Ngumiti ang mama niya. "Salamat, Aki. Bihira umuwi dito si Alice at noon pa man sanay na siyang magdesisyon mag-isa dahil panganay siyang anak, pero kapag kailangan niya ng tulong hindi siya umaasa sa amin. Sana ikaw ang maging taong puwede niyang takbuhan tuwing kailangan niya ng tulong."
"I will."
Nag-init ang mga mata ni Alice kaya nag-iwas siya ng tingin at hinawakan na ang braso ni Aki. "Okay. Tama na ang interrogation. Lalabas na muna kami. Nasaan ba ang mga bata?" tanong na lang niya sa mga kapatid niya para ibahin ang usapan.
"Ah, nasa second floor, sa bakanteng kuwarto kung saan ko nilagay iyong game console. Naglalaro sila. Bababa na ang mga iyon maya-maya lang," sabi ni Gary.
"Okay. Sa terrace na lang muna kami sa itaas habang naghahain ng pagkain ha? Mamaya sa pagliligpit na lang ako ng pinagkainan tutulong," sabi ni Alice at saka hinatak si Aki palabas ng kusina. Hindi siya lumingon kahit nang umaakyat na sila ng hagdan patungo sa ikalawang palapag kung saan naririnig niya ang impit na tilian at tawanan ng apat niyang pamangkin sa isa sa mga silid doon.
"Hindi mo sinabi sa akin na may ilangan pala kayo ng tatay mo," malumanay na sabi ni Aki nang nasa terrace na silang dalawa.
Huminga siya ng malalim at umupo sa stool na naroon bago tiningala si Aki na umupo naman sa stool na katabi ng sa kaniya. "Matagal na panahon na ang lumipas. Noong bata pa kami, iresponsable si papa. Lulong siya sa alak at barkada at inuubos niya doon ang kinikita niya sa trabaho kaya napilitan magtrabaho si mama. At dahil ako ang panganay, ako ang nagbabantay kina Helen at Gary at nagtatatrabaho sa bahay habang nag-aaral ako. Elementary student lang ako noon.
"Tapos kapag umuuwi siyang lasing at naabutan niya kaming maingay, nagagalit siya at minumura kami. Isang beses, ako ang napagbuntunan niya ng galit at ikinulong niya ako sa closet buong magdamag." Sumulyap si Alice kay Aki na tahimik lamang nakikinig. "Kaya hindi ako komportable sa masikip at madilim na lugar."
"Kaya natakot ka noong nakulong tayo sa elevator at madilim," sabi ni Aki.
Tumango siya at muling nag-iwas ng tingin. Tumitig siya sa pader. "Hindi siya nananakit pero iyong mga salitang binibitiwan niya noon, iyong mga pasko at bagong taon na himbis na masaya kami ay puro away at sigawan nila ni mama dahil lasing siya o kaya ay nagdadala ng barkada, iyong pakiramdam na sa mismong bahay namin takot kami gumawa ng ingay dahil baka magalit siya, hindi ko makalimutan ang mga iyon. At alam mo ba, sa tanda kong ito, ni hindi ko matandaan na nagyakap kami mag-ama? Hindi ako naging malapit sa kaniya dahil kahit kailan ay hindi siya umakto na isang mapagmahal na ama noong bata pa ako. Para sa kaniya noon, sapat nang may ibinibigay siyang pera para pangkain at pambaon namin sa eskuwela. Bukod doon, kung hindi siya galit sa amin hindi na niya kami pinapansin.
"Kaya noon pa man, bago pa ako mag-artista, ang pangarap ko ay magkaroon ng isang simple pero masayang pamilya. Isang asawa na magiging mabuti at mapagmahal din na ama, isang simpleng pero maayos na bahay na puwede kong ayusin at linisin para sa pamilya ko at mga anak na aalagaan ko at babantayan ang pag-aaral at paglaki. At siyempre gusto ko noon ng trabaho na walang pasok kapag weekend para may family time kami."
"Ngayon alam ko na kung bakit may tendency ka na mag-ayos ng bahay mo. Dahil iyon sa matindi mong pagnanais na magkaroon ng masayang pamilya na hinihiling mo noong bat aka pa," sabi ni Aki.
"O baka tama si Coleen, kaya ako may housewife tendency ay dahil wala akong kasama sa bahay ko. Sabi niya dati, paraan ko daw iyon para labanan ang kalungkutan. Pero mas gusto ko ang paliwanag mo kung bakit mahilig ako maglinis." Huminto sa pagsasalita si Alice at natawa. "Simple lang ang pangarap ko noon pero iba talaga ang tadhana, sa pag-aartista ako dinala. Nang umabot ako ng thirty three, naisip ko na siguro hindi para sa akin ang pangarap ko noon. Na siguro ay nakatadhana akong mabuhay ng mag-isa. Natanggap ko na iyon at nakakuha na ako ng contentment sa pagiging single ko..." Sumulyap siya kay Aki na matamang nakatitig sa kaniya at bahagyang ngumiti. "... tapos bigla kang dumating."
BINABASA MO ANG
SCANDAL MAKERS
RomantikDalawang dekada na sa show business si Alice De Dios. Hindi man halata sa kaniyang pisikal na hitsura ay malapit na siyang mag-thirty-six. But she was still single. Katunayan ay natanggap na niya sa kaniyang sarili na tatanda siyang mag-isa. She wa...