Pagkatapos ng tatlong paghinto sa daan para magtanong, narating ni Bianca ang restaurant/resort ng tiyuhin ni Carlo sa Silang. Kinse minutos bago mag-alas-otso, ayon sa relo niya sa dashboard ng kotse niya. Maaga naman siyang umalis ng boutique niya sa Makati pero naipit siya sa traffic sa coastal road.
Goodness, marami namang lugar na puwedeng pagdausan ng dinner treat ni Carlo ay hindi niya mawari kung bakit sa Silang pa. Marahil may discount ito sa tiyuhin. Ang pagkakaalam niya ay mayor sa bayang iyon ang tiyuhin ni Carlo...
"Silang!" bulalas niya nang sabihin ni Carlo kahapon ng umaga kung saan siya nito iti-treat.
"It's a resort at the same time, Bianca. You can bring your swimsuit and—"
"Ang layo ng Silang, Carlo. Gagabihin tayo sa pag-uwi."
"Ano ba naman ang inaasahan mo? Manggagaling pa kami sa office. Basta, seven-thirty dapat nandoon ka na. Anyway, kung medyo napasarap ang huntahan at kainan natin, may mga cottages naman doon at maaari tayong mag-overnight."
"Ay, naku, hindi ako mag-o-overnight," naniniyak niyang sabi. "Alas-onse y media na ang pinakamatagal dapat. Mag-aalala ang Mommy kapag hindi ako umuwi. At hindi pa nangyaring hindi ako umuwi mula sa lakwatsa."
Hindi niya nabanggit sa ina na sa Silang ang celebration dahil hapon na nang itawag sa kanya ni Carlo iyon. Pero natitiyak niyang panatag naman ang ina pagdating kay Carlo bagaman hindi pa gaanong matagal ang pagkakakilala nila rito.
Nakilala niya ito sa pamamagitan ni Jenny na inaanak ng mommy niya. Sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni Jenny nagtatrabaho si Carlo bilang assistant architect. At si Jenny rin ang nagrekomenda sa kanya na siyang magdisenyo ng boutique niya nang magpa-renovate siya halos isang taon na ang nakalipas.
Dahil madali itong pakisamahan, naging magkasundo sila. Next to Jenny, Carlo was a good friend. Hindi nga lang niya matiyak kung ano ang totoong gender nito. She didn't dare ask. Kahit si Jenny ay hindi rin matiyak iyon dahil nakikipag-date naman ito. Katunayan, ayon kay Jenny ay may ka-date si Carlo sa gabing iyon.
Muling ibinalik ni Bianca ang pansin sa restaurant-cum-resort at ipinasok ang kotse sa loob ng solar niyon. Hinanap ng mga mata niya ang kotse ng mga kaibigan nang matanaw ang kotse ni Carlo sa pinakadulo ng parking. Doon niya itinabi ang sasakyan niya.
Hindi muna siya bumaba at pinag-aralan ang buong paligid. It wasn't bad after all. Ni hindi niya matanaw ang madilim na kalangitan sa makakapal na dahon ng nagtatayugang puno ng niyog na nakapaligid. Sa daan kanina papasok sa resort ay mga puno rin ng niyog ang nasa magkabilang gilid ng daan.
Ang natatanaw niyang naiilawan nang malamlam ay tiyak na ang pool. Sa di-kalayuan niyon ay cottages na yari sa kawayan. Sana ay sa araw ginawa ni Carlo ang treat na iyon sa kanya. Baka mas gugustuhin pa niyang mag-swimming. Pero sa kaunting oras na itinalaga niya sa sarili ngayong gabi, wala na siyang panahong mag-swimming kaya hindi na rin siya nagdala ng pampaligo.
Tama nang pagbigyan niya si Carlo sa pagnanais nitong i-celebrate ang birthday niya. Utang daw nito sa kanya iyon sa komisyong nakuha nito mula sa kliyenteng ipinakilala niya rito.
Oh, well... hindi naman niya ito inobliga. Katunayan ay umayaw siya pero mapilit ito. Besides, naisip niyang maliban sa gabing iyon ay walang celebration na magaganap sa birthday niya. She didn't feel like celebrating her birthday next week. Sa totoo lang, hindi man niya tanggapin, naapektuhan siya sa sinasabi ng ina na wala pa siyang boyfriend hanggang ngayon.
Nang lumabas siya ng bahay kaninang umaga ay ipinangako niya sa sariling pagkatapos ng birthday niya ay seseryosohin na niya ang pag-e-entertain sa mga manliligaw niya. Pipilitin niyang hanapin si Mr. Right.
BINABASA MO ANG
When Fools Rush In (COMPLETED)
Romance"Life is a gamble, Bianca. And this is one gamble I have no intension of losing..." Bianca was living a wonderful life. May sarili siyang negosyo, may mga kaibigan, and a loving mother. Wala na siyang mahihiling pa. Kahit pa ipinagpipilitan ng mommy...