Chapter 1
Alas-tres na ng hapon, makikinitang ang lahat ay abala sa kanilang mga gawain. Abala sa kanilang mga tokang gawain, naghahabol ng oras.
Tipikal na ito sa construction site, ito na kasi ang huling apat na araw namin at tapos na ang problema, subalit ang masaklap pagkatapos nito ay tambay na naman, hindi sa ayaw ko ng ibang trabaho kundi ito lamang talaga ang antas at naa-angkop sa akin, aaminin ko hanggang grade 5 lang ang nakayanan ko sanhi ng kahirapan, sinasabi ko palagi sa sarili na makakapagtapos din ako, pero hanggang salita lang talaga.
Heto ako ngayon, isang hamak na taga-pala, mga dagdag na labor, mga utusan kumbaga at naghihintay ng kung may nangangailangan ng dagdag na tulong, ito ang pinakamababang trabaho dito.
Ilang araw na lang at matatapos na ang bagong pinakamataas na building sa Maynila. Pag-aari ang tower na 'to ng isang mayamang negosyante—na may iisang anak na babae. Architect student at siya ang namamahala sa amin dito.
Ipinagmamalaki kong isa ako sa nagbuwis ng dugo't pawis maisakatuparan lang ang bagay na ito.
"O, Lance, mukhang malalim na naman ang iniisip mo ah!" si Monrieb, ang foreman namin. "Wag kang mag-alala, mahal ka non," ika niyang patungkol sa malalim kong tanaw. May water break kasi kami. Kaya namahinga muna ako.
"Yon ay kung may nagmamahal nga sa akin," sagot ko sabay ngiti at paypay na rin sa katawan, mainit kasi.
Ako nga pala si Lance Cuartero panganay sa aming limang magkakapatid. Namatay ang Papa ko noong dalawang taong gulang palang ako, at grade five naman nang huminto ako sa pag-aaral upang maging katuwang ni Mama sa pag-papaaral ng mga mas nakababata kong kapatid.
"Oy pards, andiyan na naman si Ashley Alfaro o," ang tinutukoy ng kasama ko ay ang anak ng may-ari ng building na ginagawa namin. Pagkatapos ng klase niya ay dito ang kanyang tuloy para subaybayan ang ginagawa namin.
Siya ang itinalaga ng Daddy niya na mamahala sa konstruksyon nitong business tower, kasama ang mga professional engineer, bale training na rin niya. Maganda siya at maputi pa ang kutis. Hindi na bago iyon para sa mayamang tulad niya.
"Alam mo pards, malakas ang kutob kong type ka ni ma'am Ashley e." biro sa akin ni Banjo.
"Banjo naman wag mo nga akong bilogin, ikaw 'tong may gusto sa kanya e," biglang namula ang pisngi ni Banjo sa sinabi ko, halatang siya talaga ang may gusto kay Ashley.
"At bakit naman ayaw mo Lance, gwapo ka at macho pa," sabat ni Mang Kadyo isa sa mga ka-trabaho ko.
"Nako Mang Kadyo, hindi ako nararapat sa kanya dahil isa lamang akong hamak na trabahador dito, at pag nangyari man iyon, magiging kahihiyan lang ako sa pamilya nila."
Gusto kong papurihan ang sarili dahil nagawa kong pagtakpan ang mga nararamdaman ko para kay Ashley. Saka talaga namang kumpara kay Ashley, bukod sa trabahador lang ako—ano pa bang antas ko sa lipunan? Milya-milya ang agwat namin sa isa't isa.
"Wag mo namang ibinababa masyado ang sarili mo Lance," panghinayang na sagot sa'kin ni Mang Kadyo.
"Nagpapakatotoo lang ho," wika ko naman.
"Ikaw na ang iwas-pusoy," panapos niya sa usapan. At nagpatuloy na ang lahat sa mga tokang gawain.
Pero sa totoo lang ay may gusto talaga ako sa kanya. Ayaw ko lang aminin dahil alam kong pangarap lang siya. Isang pangarap na walang pag-asang maisakatuparan. Hanggang pangarap lang talaga.
BINABASA MO ANG
Greatest soldier
Spiritual"The Mighty Creator gives his hardest battles to his strongest soldiers." Kaya walang bibitaw sa mga pagsubok.