Chapter XLIII: Saved and The Plan
Sa kasalukuyan, tahimik si Diana habang pinapanood si Finn Doria. Kasalukuyang ginagamot ng binata ang kanyang amang hari at malinaw na makikita sa kanyang mukha ang labis na mangha at paghanga sa binata.
Ang paraan nang panggagamot ni Finn Doria ay ibang-iba sa paraan ng mga Alchemist na dati ng tumingin sa kanyang amang hari. Hindi nila nagawa ang ginagawa ngayon ni Finn Doria, yun ay ang maingat na pag-alis sa lason na nasa loob ng katawan ng hari. Hindi nila ito ginawa noon hindi dahil hindi nila alam ang tungkol sa lason, hindi nila ginawa dahil wala silang kakayahan o paraan upang tanggalin ang lason nang hindi nalalagay sa panganib ang buhay ng hari.
Sa ngayon, ang binata ay nakaupo sa isang upuan habang nakapikit ang kanyang mga mata. Ang kanyang kanang palad ay nakapatong sa sikmura ng hari. Nag-aapoy ang kanyang palad at mayroong kalmado at mainit na enerhiyang nagmumula sa apoy na ito. Ang apoy ay hindi karaniwang apoy na kulay kahel o pula, para itong kulay asul pero para rin naman itong kulay berde. Hindi maipaliwanag ni Diana kung ano ang totoo nitong kulay pero isa lang ang masasabi niya, ang apoy na ito ni Finn Doria ay talaga namang kaakit-akit.
Ito ang Alchemy Flame ni Finn Doria, ang kanyang maalamat na Blue-Green Alchemy Flame. Halos lahat naman ay alam na mayroong medicinal properties ang bawat Alchemy Flame. Ang pangunahing gamit ng Alchemy Flame, gaya nga ng pangalan nito, ay para sa Alchemy. Pagtitimpla ng potions o kaya naman pagbuo ng pills.
Pero siyempre, hindi lang ito ang kakayahan ng Alchemy Flame. May kakayahan din ito na manggamot o lunasan ang isang lason na nasa loob ng katawan ng isang nilalang. Kaya nitong tunawin ang lason na naninirahan sa katawan ng isang nilalang. Pero hindi ito ganun kadali. Nakakapagod ito at nakakaiga ng enerhiya. Nasabing hindi rin ito madali dahil sa oras na magkamali ang isang adventurer na may Alchemy Flame, ang kanyang ginagamot ay maaaring malagay sa panganib, at ang mas malala pa, mamatay kaagad.
Sa kasong ito, hindi problema kay Finn Doria ito dahil ang kanyang pagkakaunawa sa tamang paggamit at pagkontrol ng Alchemy Flame ay hindi na maikukumpara sa kahit na sino mang alchemist sa maliit na mundong ito. Hindi problema sa binata ang pagkontrol pero malaking problema sa kanya ang kakulangan niya sa enerhiya para suportahan ang kanyang Alchemy Flame sa pagtunaw sa lason.
Mayroon siyang mga kayamanan na sumusuporta sa kanyang soulforce pero hindi alam ng binata kung sapat na ba ito.
Nagpatuloy si Finn Doria sa unang bahagi ng panggagamot. Nakatuon lang ang buong atensyon ng binata sa panggagamot, wala siyang pakialam ngayon sa kanyang paligid dahil hindi maaaring masira ang kanyang konsentrasyon.
Nagpatuloy si Finn Doria sa paggamit ng kanyang Alchemy Flame. Tatlong oras na ang lumilipas at sa pagtakbo ng oras ay mapapansin na rin ang pagbabago sa binata. Medyo pinagpapawisan na ito. Hindi nagbago ang ekspresyon ni Finn Doria pero sa pagpapawis nito, malinaw na nasa bahagi na siya kung saan siya ay nahihirapan.
Nag-aalala naman si Diana habang pinanonood si Finn Doria. Sobra ang respeto niya sa binata dahil napansin niyang kahit na hindi madali ang paggamot sa kanyang amang hari, sinusubukan at sumusugal pa rin siya. Matagal na rin simula noong lubusang humanga si Diana sa kapwa niya adventurer, kung noon ay namamangha at humahanga siya sa lakas ni Finn Doria, ngayon ay humahanga naman siya dahil sa pag-uugali ng binata.
'Nakalulungkot lang dahil hindi agad tayo nagkakilala... marahil mayroon ng babae ang nangingibabaw sa'yong puso,' sa isip ni Diana habang pinagmamasdan si Finn Doria.
Dalawampung taong gulang na si Diana at dalawang taon ang agwat niya kay Finn Doria. Sa kasalukuyan, kahit na maaari na siyang mamili ng mapapangasawa, hindi pa rin siya pumipili kahit na maraming nagpapakita ng motibo sa kanya. Hindi nakikita ni Diana ang lalaking gusto niya mula sa kanyang mga manliligaw.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantasyJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --