Chapter XXXII

10.1K 619 106
                                    

Chapter XXXII: Memories(2)

Makikita sa mukha ni Vella ang matinding galit habang yakap-yakap ang kanyang sarili. Ang lugar na ito ay kanyang teritoryo. Walang sino man ang nanghihimasok dito, kahit pa ang kanyang guro na Sect Master ng Cloud Soaring Sect. Ito ang lugar niya at dito siya nagpapahinga at nagsasanay.

Katatapos niya lang maglabas ng galit at sama ng loob kaya naman nagtungo siya rito upang magpalamig. Nadumihan ang kanyang sarili sa pakikipaglaban sa grupo ng kalalakihan kaya naman naisipan niyang magbabad sa lawa. Pero sa hindi inaasahang pangyayari, mayroong nangahas na manghimasok sa kanyang teritoryo sa kalagitnaan ng kanyang panliligo.

"Ah.. Magandang binibini, hindi ko sinasadya. Hindi ko alam na may naliligo pala sa lawang ito. Ha ha ha," naiilang na tumawa si Kiden habang napakamot sa kanyang ulo. Kinakabahan siya. Malakas ang kabog ng dibdib niya at hindi niya alam ang kanyang gagawin at sasabihin.

Namumula ang mukha ni Kiden. Nag-iinit ang kanyang mukha at parang gusto niyang lumublob sa ilalim ng lawa upang mawala ang init at hiyang nararamdaman niya.

Makalipas ang ilang saglit, napaatras na lang siya nang makita niya ang nakamamatay na tingin ng dalaga. Nakaramdam siya ng panlalamig at pakiramdam niya ay nanghina ang kanyang tuhod.

"Hindi mo ba alam na teritoryo ko ang lugar na ito?! At isa pa.. bakit ka nakatingin hanggang ngayon?! Talikod!!" sigaw ni Vella kay Kiden.

Bumuka ang bibig ni Kiden at napabulalas, "Ow.."

Tumalikod rin siya agad at iniiwas ang tingin kay Vella. Magsisinungaling si Kiden kung hindi siya naaakit at nagagandahan kay Vella. Sa kanyang mata, si Vella ang orihinal na kahulugan ng salitang 'kagandahan'. Perpekto ito sa kanyang paningin, at sa totoo lang, ito ang unang beses na nakaramdam si Kiden ng kaba dahil sa isang babae sa tanang buhay niya.

"Binibini... maaari na ba akong humarap?" tanong ni Kiden habang nakatalikod pa rin kay Vella.

"Oo,"

"Binibini, hindi ko talag-"

Magsasalita pa sana si Kiden ngunit pagkaharap niya, nakita niya si Vella na nakasuot ng uniporme na kagaya ng kay Delia. Gusto niya pa sanang purihin at pagmasdan ang kagandahan ni Vella pero sa ngayon, hindi ito ang tamang oras. Mayroong paparating na kamao sa kanya, at puntirya nito ang mukha niya.

Nanlaki ang mata ni Kiden nang mapagtanto niyang susuntukin siya ni Vella. Gusto niyang salagin ang suntok pero huli na ang lahat. Masyado itong mabilis at hindi niya kayang salagin ito dahil naestatwa siya sa kanyang kinatatayuan.

"Pagbabayarin kita sa kalapastangang ginawa mo!" sigaw ni Vella.

BANG!!

Saktong-sakto ang pagtama ng kamao ni Vella sa mukha ni Kiden. Tumama ito sa ilong ng binata na naging dahilan ng kanyang pagtilapon. Hindi nilagyan ng soulforce at matinding pwersa ni Vella ang kanyang suntok, gayunpaman, sapat na ito upang tamaan at patalsikin ang isang 9th Level Gold Rank na gaya ni Kiden.

Tulala pa rin si Kiden habang tumitilapon siya, pero, agad rin siyang natauhan at pinilit na pigilan ang kanyang pagtilapon gamit ang pagtuon niya sa lupa.

Nakaramdam siya ng mainit na likidong tumutulo sa kanyang ilong kaya naman hindi niya napigilan na mapahawak dito.

"AH! Dumudugo! Anong ginawa mo!!" sigaw ni Kiden habang nakatingin sa kanyang daliri na may dugo.

Takot na takot siyang tumingin kay Vella. Sinuntok siya ng dalaga at pinadugo pa nito ang kanyang ilong. Ramdam na ramdam niya ang lakas ng dalaga, at hindi niya maikakailang siya na ang kilala niyang pinaka malakas na adventurer na na kasing edad niya.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon