Chapter XXXVIII: Do you want power?
Teritoryo ng Nine Ice Family
Habang nagsisimula na ang kaguluhan sa ilang bahagi ng kaharian, ang teritoryo ng Nine Ice Family ay nananatili pa ring tahimik at malayo sa digmaan. Kumpara sa Vermillion Bird Family, mas malayo ang Nine Ice Family sa lugar na naghahati sa teritoryo ng Sacred Dragon Kingdom at Crimson Blood Kingdom.
Sa kasalukuyan, ang Nine Ice Family ay nagbalik na sa dati, mas pinatibay at mas gumanda pa ang angkan na ito kaysa bago pa ito mawasak. Ang mga bahay at gusali ay matatag na muling nakatayo. Kahanga-hanga ang kanilang bilis sa paggawa, nakapagtayo na agad sila ng mga gusali sa loob lamang ng maikling panahon.
Gaya ng karaniwang araw, ang mga miyembro ng Noble Clan ay abala sa kani-kanilang trabaho o kaya naman ay sa pagsasanay. Mapapansing wala pa silang kaalam-alam tungkol sa digmaang nagaganap. At kung mayro'n silang alam, siguradong hindi ganito katahimik ang kanilang pamumuhay. Siguradong mababalutan na naman sila ng takot dahil sa papalapit na malaking delubyo.
Sa isang tahimik, simple at maaliwalas na silid, isang babaeng nakaupo sa ibabaw ng kanyang malambot na higaan ang nakayakap sa kanyang mga binti habang ang kanyang baba ay nakapatong sa kanyang tuhod.
Mahabang asul na buhok, pares ng kulay-asul na mga mata at mala-porselanang kutis. Ang kanyang suot na mahabang bistida ay lalo pang nagpapaangat ng kanyang kagandahan. Napakaganda ng dalaga. Gayunpaman, mayroong isang katangian ito na negatibo. Ang kanyang malungkot ekspresyon.
Ang mga mata ng dalaga ay halos wala ng buhay. Mugto rin ito na para bang umiyak siya magdamag. Napakalungkot niya, yun agad ang mapapansin sa kanyang mata kung titingnang mabuti ito.
Ang dalagang ito ay walang iba kung hindi si Tiffanya Frois, anak ng kasalukuyang Family Head ng Nine Ice Family na si Cleo Frois. Siya rin ang dalagang dapat ay ipagkakasundo kay Finn Doria na hindi naman natuloy dahil sa kagustuhan ni Sect Mistress Sheeha na ipakasal siya kay Hyon Pierceval.
Dahil sa mga nangyari, ito na ang kasalukuyang kalagayan ni Tiffanya. Wala siyang kinakausap, galit siya sa lahat at nagsisisi siya sa lahat ng kanyang kasalanan na nagawa. Sinisisi niya rin ang kanyang sarili dahil sa kanyang kahinaan, kung malakas lang sana siya, wala na sanang makakakontrol sa kanyang kalayaan kundi siya lamang. Hindi lumalabas si Tiffanya sa kanyang silid, binibisita lang siya ng kanyang ama at kinakamusta.
Makalipas ang ilang sandali, gumalaw ang ulo ni Tiffanya. Mayroong bintana sa kanang bahagi ng kanyang higaan at maliit na lamesa naman sa kanyang kaliwa. Mayroong interspatial ring na nakapatong sa ibabaw ng maliit na lamesa. Sa bintana, makikita sa labas nito ang palaruan ng mga bata sa kanilang angkan. Bumaling si Tiffanya sa labas ng bintana at sinilip ang mga batang naglalaro. Nakita niya na mayroong tagabantay ang mga bata at nakikipaglaro rin ito sa kanila. Hindi mabilang na alaala ang agad na pumasok sa isip ni Tiffanya. Naalala niya noong bata pa lamang siya habang nakikipaglaro sa kanyang ama, noong masaya pa ang kanilang pamilya.
Muling bumuhos ang luha mula sa mata ng dalaga. Hindi siya humihikbi o naglalabas ng kahit anong tunog.
Tok! Tok! Tok!
Tatlong mabagal na katok ang maririnig muka sa pintuan. Walang reaksyon si Tiffanya, nakatingin pa rin siya sa mga batang naglalaro sa palaruan.
Creak!
Bumukas ang pinto at iniluwa nito si Cleo. Malumanay ang ekspresyon sa mukha nito. Nakatingin siya sa kanyang umiiyak na anak at nang makita niya na naman ang malungkot nitong kalagayan, para bang nadudurog ang kanyang puso.
Kasalanan niya ito, yun ang nasa isip niya. Iniisip ni Cleo na kung sana ay hindi niya itinuon ang halos lahat ng panahon niya para lumakas, hindi sana hahantong ang lahat sa ganito. Pero kung wala naman siyang lakas, hindi niya naman mapoprotektahan ang kanyang nag-iisang anak mula sa mapang-abusong gaya ni Sect Mistress Sheeha.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantasíaJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --