Chapter LII: Roar of the Dragon and Dance of the Fire Phoenix
Nang masaksihan ni Cristobal ang biglang paglitaw ni Ashe Vermillion, nagdilim ang kanyang ekspresyon. Hindi niya ito inaasahan. Hindi niya inaasahang may lilitaw agad para tulungan si Finn Doria.
Maaaring 8th Level Sky Rank lang ang kasalukuyang antas ng bagong dating na dalaga pero ramdam niya na ang kalidad ng aura at enerhiya nito ay hindi nalalayo kay Faila o Bran.
"Anong kalokohan ang nangyayari sa lugar na ito?! Paanong may nilalang sa mundong ito na kayang umakyat sa isang buong ranggo ng isang bagsakan?!" nakasimangot na bulalas ni Cristobal. Bumaling siya sa kanyang mga tauhan at agad na inutusan ang mga ito, "Hulihin niyo si Finn Doria at ang dalagang iyon ngayon din! Gusto ko sila ng buhay!"
"Masusunod!" agad na tugon ng mga miyembro ng Ancestral Family na walang kaharap na kalaban.
Hindi pa man nakakaalis ang mga miyembro ng Ancestral Family, ilang mga pigura ang agad na humarang sa kanilang daraanan. Humalakhak si Eliseo at nanghahamak na tumingin kay Cristobal, "Ano na, Cristobal? Mukhang hindi pumapanig sa'yo ang swerte. Kung kanina ay pinigilan mo ang aking mga tauhan, ngayon naman ay ikaw ang pipigilan ko."
Namula sa galit si Cristobal dahil sa panghahamak ni Eliseo sa kanya. Binigyan niya ito ng matalim na tingin at ang kanyang marahas na aura ay pumalibot sa paligid.
Lumakas ang pagyanig ng lupa. Nakaramdam ng mabigat na pwersa ang mga adventurer na malapit kay Cristobal kaya naman agad silang lumayo upang hindi sila madamay sa laban.
Ngayon, nakatingin ang halos lahat kay Cristobal. Napapalibutan ito ng itim na enerhiya, gayunpaman, hindi kasing maharlika at kaakit-akit gaya ng kina Finn Doria at Ashe Vermillion. Nakakatakot ang nakapalibot na enerhiya sa katawan ni Cristobal, animo'y isa siyang hari ng kadiliman dahil sa kanyang hitsura.
Makikita sa mga mata ng ilan ang takot at respeto habang nakatitig sa pinuno ng Ancestral Family. Ito ang ranggong pinapangarap na maabot ng halos lahat ng Legend Rank Adventurers sa Ancestral Continent, ang Heaven Rank. Ang lakas ng isang Heaven Rank ay kayang sumira ng isang buong kaharian, ano pa kaya ang isang maliit na lungsod lamang.
Lumubog ang tipak ng lupa at nagkaroon ng malalakas na alon sa baba. Naging bahagi na ng karagatan ang lungsod at sa pagkakataong ito, ang lungsod na bahagi ng teritoryo ng Sacred Dragon Kingdom ay tuluyan nang nabura sa mapa.
"Eliseo!" sumigaw si Cristobal at umalingawngaw ito sa buong paligid.
Sumeryoso ang ekspresyon ni Eliseo at agad na nilabanan ang aura ni Cristobal. Pinalibutan siya ng isang kulay gintong enerhiya at mayroong boltahe ng kuryente ang mapapansin dito. Isa rin siyang Heaven Rank gaya ni Cristobal, at ang kalidad ng kanyang aura ay hindi nalalayo rito.
Ang paglalaban sa pagitan ng dalawang aura ay naging resulta ng pagdidilim ng langit. Mayroong naglalakasang kulog at kidlat ang biglang sumali sa malalakas na hangin.
"Kung gusto mo nang laban, pagbibigyan kita... pero hindi sa mababang lugar na ito. Sundan mo ako sa itaas kung hindi ka natatakot matalo," mahinahong sabi ni Eliseo. Umangat ang kanyang katawan sa itaas at maraming mata ang nakatingin sa kanya.
Suminghal naman si Cristobal at hindi na tumugon pa. Sumunod siya kay Eliseo sa itaas at ilang sandali pa, sunod-sunod na pagsabog ang umalingangaw sa buong lugar. Pahina nang pahina ang pagsabog. Marahil nasa pinaka taas sila naglalaban upang hindi sila makaapekto sa laban ng kanilang mga tauhan.
Nang makaalis na ang dalawang malakas na Adventurer, muling nagsimula ang tensyonadong paglalaban sa pagitan ng dalawang magkalabang pwersa. Hinarap ni Tandang Shue ang matandang kasama ni Cristobal at pagkatapos noon, abala na ang lahat sa pakikipaglaban.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantasyJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --