Chapter XLVI: Planted Adventurers by Adventurers Guild(2)
Habang abala ang lahat sa pakikipaglaban sa kani-kanilang mga katunggali, si Helbram at ang mga Ministro ay gulat na gulat habang nakatitig sa pigura ng isang adventurer na bigla na lamang lumitaw at pumaslang sa tatlong adventurers na pasugod sana kay Helbram. Isa itong hindi inaasahang pangyayari sa kanila kaya naman hindi nila mapigilan ang hindi mabigla.
Ang pigura na ito ay isang magandang babae na nakasuot ng itim na bistida. Ang kanyang mahabang itim na buhok ay sumasabay sa ihip ng hangin. Kaaya-aya rin ang kanyang pares ng itim na mga mata. Mayroon siyang hawak-hawak na itim na latigo at ang inilalabas na aura ng itim na latigo ay hindi pangkaraniwan.
Isa itong Mid-tier Epic Armament!
Bukod sa pambihirang sandata, ang aura ng babaeng ito ay hindi rin pangkaraniwan na maging sina Helbram ay hindi masabi kung gaano kalakas ang babae. Naguguluhan ngayon si Helbram habang nakatingin sa babae. Hindi niya inaasahan na ito ang tutulong sa kanya mula sa muntik na kamatayan.
"Island Mistress Selena...?" naibulalas na lang ni Helbram.
Tama, si Selena. Ang isa sa pitong Faction Master na nasa ilalim ng Sacred Dragon Kingdom. Si Selena na pinamumunuan ang Ancient Darkness Island, ang pinakamisteryosong faction. Hindi akalain ni Helbram na ang babaeng ito ang isa sa dalawang adventurers na tinutukoy ni Vice Guild Master Shue. Mahigit isang dekada nang namumuno si Selena sa Ancient Darkness Island at kahit kailan man ay hindi nila naisip na mayroon itong tinatagong ganito kalaking sikreto.
Walang kahina-hinala sa pagkatao ni Selena dahil maraming nakakaalam na nagsimula siyang maging kasapi ng Ancient Darkness Island mula pagkabata niya. Nakaakyat lang siya sa kasalukuyan niyang katayuan dahil sa kanyang sariling kakayahan. Ngayon, kahit si Helbram ay hindi makapaniwala na si Selena ay kabilang sa Adventurers Guild, ang isa sa kanilang mga protektor ay hindi nila totoong kasapi.
"Ako nga, Lord Helbram," tugon ni Selena habang matamis na nakangiti.
Sa likuran naman ni Helbram, ang kanina nilang katunggali na isa pang 5th Level Sky Rank ay sobrang nagulat dahil sa kanyang nasaksihan. Ang kanyang mga kasama na kasinlakas lang niya ay pinaslang ng gano'n-gano'n na lamang. Eksperto na sila at marami na silang karanasan sa kasalukuyan nilang antas at edad. Naging desperado ang babaeng 5th Level Sky Rank. Desperado na siyang tumakbo upang makahingi ng tulong sa iba. Hindi siya baliw. Alam niya kung kailan susugod at kung kailan tatakbo. At ngayon, kailangan niyang tumakbo upang makatakas sa kalaban.
Gayunpaman, hindi pa man siya nakakahakbang paatras, naramdaman niya na lamang na mayroong pumulupot na latigo sa kanyang leeg. Nagpumiglas ang babaeng adventurer at pilit na inaalis ang nakapulupot na latigo. Nauubusan na siya ng hangin. Gusto niyang alisin ang latigong nakapulupot pero lahat ng kanyang paghihirap ay napunta lang sa wala.
WHOOSH!
Sa sunod na pangyayari, hinigit ni Selena ang kanyang latigo. Bahagya lang ang kanyang paghigit pero agad na naputol ang ulo ng babaeng adventurer. Sumirit ang dugo mula sa leeg nito pagkatapos humiwalay ng kanyang ulo. Bumagsak ang katawan ng babaeng adventurer sa lupa at sa sandaling pagpupumiglas pa, nawalan na rin ito ng buhay.
Nang masaksihan itong lahat nina Helbram at ng mga Ministro, nagulat sila at napanganga. Nakaramdam sila ng matinding takot kay Selena. Halos lumuwa ang kanilang mata dahil hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan.
Pinaslang ni Selena ang isang 5th Level Sky Rank nang walang kahirap-hirap. Halos ikamatay na nila Helbram ang pakikipaglaban pero si Selena, ginawa niya lang ito sa isang atake lamang. Hindi nila malaman kung ano ang totoong antas ng lakas ni Selena, nararamdaman nila ang aura at kalidad ng enerhiya nito pero hindi sila sigurado. Ang sigurado lang nila, mas malakas ang aura ni Selena kaysa sa mga Faction Master ng Crimson Blood Kingdom.

BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantasyJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --