Chapter IV

13.2K 882 93
                                    

Chapter IV: Request

Malaking pagbabago sa ekspresyon ni Sect Master Morgan ang naganap simula nang ilabas ni Chain Levor ang kaniyang sandata mula sa kaniyang interspatial ring.

Mabilis na gumuho ang kaniyang malaking kumpyansa sa sarili at agad itong napalitan nang malaking takot dahil sa kaniyang nasasaksihan. Dito niya napagtanto na nasa matinding panganib ang kaniyang buhay.

Ang itim na kadenang inilabas ni Chain Levor ay isang Mid-tier Epic Armament, kahit sila na isang Second Rate Kingdom ay mayroon lamang isa nito. Isa itong pambihira at makapaminsalang armas na kahit siya ay kinatatakutang harapin ito.

Kahit na hindi siya makapaniwalang lilitaw ang ganitong kayamanan sa isang Third Rate Kingdom, hindi pa rin ibig sabin nito ay imposible na itong mangyari. Malinaw sa kaniya ang pinagmulan ng dating Evil Chain Bandits, at malinaw rin sa kaniya na ang pwersang ito ay hindi dapat balewalain.

Kung hindi siya nagkakamali, ang pwersang ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nangangahas na maliitin ng Crimson Blood Kingdom ang Sacred Dragon Kingdom. Nangangamba ang mga maharlika na baka hindi nila kakayanin ang Sacred Dragon Kingdom kung hindi nila gagamitin ang kabuuan nilang pwersa.

Ang dating Evil Chain Bandits ay isang malakas na organisasyon mula sa isang First Rate Kingdom. Isa pa, mayroon silang nalaman na nagmula ito sa malayong kontinente. Ito ang rason kung bakit hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang nakatakas na organisasyong ito.

Sa ngayon, dahil sa nagaganap na away sa pagitan ng Crimson Blood Kingdom at ng dalawa pang Second Rate Kingdom, hindi pa nila maaaring gamitin ang kanilang buong pwersa. Hindi nila kayang sumugal kaya naman balak nilang siguraduhin ang kanilang bawat hakbang.

Kahit na nakararamdam ng matinding panganib at takot, pinilit ni Sect Master Morgan na itago ito. Matikas pa rin siyang nakatayo ngunit mapapansing mayroong tumutulong butil ng pawis sa kaniyang noo. Nakasimangot din siya habang nakatingin ng direkta kay Chain Levor.

"Tama nga ang mga impormasyong aming nakalap. Ang Evil Chain Bandits nga ay isang pwersang mayroong napakatibay na pundasyon. Kahit sa mga pwersa sa ibang First Rate Kingdom ay napakahalaga ng Mid-tier Epic Armament. Dahil sa inyo, hindi na talaga dapat namin balewalain ang umuusbong na lakas ng Sacred Dragon Kingdom." Taimtim na sambit ni Sect Master Morgan.

Nakangiti pa rin si Lord Chain at marahang tumugon, "Hindi mo ba narinig ang aking sinabi? Ang grupong Evil Chain Bandits ay wala na. Kami na ngayon ang Black Chain Organization at hindi magtatagal, magiging opisyal na pwersa na rin kami ng Sacred Dragon Kingdom."

"Opisyal na pwersa...? Dadagdagan niyo ang pitong pwersa ng inyong kaharian? Mapangahas kayong tunay!" nakasimangot na hayag ni Sect Master Morgan. Matapos ang ilang sandali, makahulugan siyang ngumiti at muling nagsalita, "Nagmula kayo sa isang malakas na kaharian kaya naman marahil alam niyo na ang implikasyon ng gagawin niyong pagdadagdag ng pwersa sa inyong Third Rate Kingdom. Sa tingin niyo ba ay ganoon lamang kadali ang proseso nito? Maswerte kayo dahil nasa pinakadulong bahagi ng kontinente ang inyong kaharian, kung hindi, siguradong makakaranas kayo ng pagbagsak mula sa ibang kaharian dahil sa inyong kalapastanganan."

"Walang kaharian ang gustong lumakas din ang kapwa niya kaharian. Ito ang katotohanan sa mundong ito. Hindi hahayaan ng pamahalaan ng Crimson Blood Kingdom na umusbong pa ang inyong lakas dahil malinaw naman na ilang taon lang mula ngayon, sa talentong tinataglay ng binatang iyan, siguradong magkakaroon na kayo ng kapangyarihan at lakas ng loob upang labanan at kamkamin ang aming mga teritoryo. Mula ngayon, kayo ay isa nang malaking banta mula sa Crimson Blood Kingdom." Singhal na dugtong pa ni Sect Master Morgan.

Tama ang lahat ng sinabi ni Sect Master Morgan. Ang mga kaharian ay nagkakaroon ng digmaan para mangamkam ng mga lupain at teritoryo. Ito ay para palakasin ang kabuuang lakas ng isang kaharian at mapalawak din ang teritoryong kanilang pinamamahalaan. Ang pamahalaan ng bawat kaharian ay handang isakripisyo ang maraming buhay para sa hangaring ito.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon