Chapter LV

12.6K 952 236
                                    

Chapter LV: Finally Ended

Natigilan si Finn Doria nang marinig niya ang sinabi ng misteryosong lalaki. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya naiintindihan kung paano nagkaroon ng tatlong misteryosong tao sa loob ng kanyang Myriad World Mirror.

Kailan man ay hindi nakita ni Finn Doria ang tatlong ito. Hindi niya ito nakita sa loob ng Myriad World Mirror simula nang makuha niya ang System kasama ang Myriad World Mirror.

"Sino kayo?" naguguluhang tanong ni Finn Doria.

Ito ang mga salita na kusang lumabas sa kanyang bibig. Ito ang gustong malaman kaagad ng binata. Gusto niya ring malaman kung paano sila napunta sa loob ng Myriad World Mirror.

Hindi agad tumugon sa kanya ang tatlo. Napansin ni Finn Doria na biglang naglaho ang misteryosong lalaki sa kanyang harapan ngunit mabilis din naman itong nagbalik.

Sa pagbabalik nito, mayroon na itong buhat-buhat sa kanyang mga bisig. Ang buhat-buhat ng misteryosong lalaki ay walang iba kung hindi si Ashe Vermillion. Wala itong malay pero buhay pa naman ito, namumutla lamang at naghahabol ng hininga.

Nagulat si Finn Doria. Pero mas nagulat siya nang makita niyang may putol na kamay ang nakasakal pa rin sa leeg ng dalaga. At ilang sandali pa nga, isang nakakabinging hiyaw ang gumising sa diwa ng lahat ng naroroon.

"EAAAAAH!!"

Agad na bumaling si Finn Doria sa pinanggagalingan ng malakas na hiyaw. Nakita niya si Cristobal na humihiyaw nang dahil sa sakit habang walang tigil na sumisirit ang dugo sa kanyang naputol na kamay.

Lahat ng naroroon ay napatingin din kay Cristobal. Halos nawalan ng kulay ang mukha ng mga adventurers na naroroon. Hindi nila nasundan kung anong nangyari. Hindi nila alam kung paanong nagawa ito ng misteryosong lalaki sa loob lamang ng ilang segundo.

Tama. Malinaw naman na ang misteryosong lalaki ang gumawa nito kay Cristobal dahil nasa bisig niya si Ashe Vermillion na sakal-sakal pa kanina ni Cristobal. Hindi nila maipaliwanag kung paano itong nangyari pero isa lang ang malinaw sa kanila, mas malakas ang lalaking ito kaysa sa pinuno ng Ancestral Family.

Namutla ang lahat at nakaramdam sila ng sobrang takot. Hindi sila kumikilos sa takot na baka sila naman ang isunod ng misteryosong lalaki sa oras na isipin nito na gumagawa sila nang kahina-hinalang kilos. Wala ring nagsasalita sa kanila. Natatakot sila na baka mairita sa kanila ang misteryosong lalaki. Pinagpawisan ang bawat isa at kinabahan dahil sa sobrang takot.

Hindi sila gano'n kahangal. Nakita nila kung gaano kalakas si Cristobal. Pero sa isang iglap lang, nakaluhod ito ngayon at humihiyaw habang ang sumisirit ang dugo sa kanyang putol na kamay. Hindi nila nakita ang pagkilos ng misteryosong lalaki, hindi nila alam kung ano ang ginawa nito.

'Ito na ba ang katapusan...? Paanong nangyari ito..?' sa isip ng karamihan habang pinagpapawisang nakatayo at nakatulala lang sa kawalan.

Magkabilang panig ang nakaramdam ng matinding takot. Kahit na inatake ng misteryosong lalaki si Cristobal, hindi pa rin alam ng Adventurers Guild kung kalaban ang misteryosong lalaki at ang mga kasama nito. Medyo mas mabuti lang ang kanilang pakiramdam kaysa sa Ancestral Family dahil tinawag na Master ng misteryosong lalaki si Finn Doria, kahit na hindi pa malinaw ang kaugnayan ng mga ito sa binata.

Pinrotektahan nila si Finn Doria at dahil mukhang kilala ng mga misteryosong taong ito ang binata, malaki ang posibilidad na hindi sila atakihin ng lalaki, hindi ba?

Kahit na pinapakampante nila ang kanilang utak at puro positibo ang kanilang iniisip, hindi pa rin nila mapigilang hindi makaramdam ng kaba.

Wala nang nagsimula pa ng laban. Katahimikan ang namuo sa buong lugar. Kahit ang paghinga ng ilan ay pigil, hindi sila nangangahas na huminga na maaaring maglabas ng tunog. Natatakot sila. At makikita ito sa kanilang mga mukha.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon