Chapter LIX

12.6K 1K 151
                                    

Chapter LIX: Plans?

Tulala si Finn Doria. Nakatulala siya kay Ashe Vermillion na nakatingin din sa kanya. Malalim siyang nag-iisip sa kasalukuyan.

Ano nga ba si Ashe Vermillion sa kanya?

Para sa kanya, si Ashe Vermillion ay isang malapit na kaibigan.

Sa loob ng maikling panahon, marami na silang pinagdaanan. Ilang beses na nilang iniligtas ang isa't isa mula sa kamatayan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito ay nasa punto na ang binata kung saan gusto niya na si Ashe Vermillion.

Magkaibigan sila. At sa kasalukuyan, ayaw munang mabago ito ni Finn Doria. Sobra siyang nag-aalala para sa kaligtasan ni Ashe Vermillion dahil pakiramdam niya kailangan niyang protektahan ang dalaga.

Marami pa siyang responsibilidad at hindi pa ito ang tamang oras para bumuo siya ng pamilya. Hindi niya rin naman alam kung anong nararamdaman ng dalaga para sa kanya.

Makapal ang mukha niya, totoo yun. Pero hindi ibig sabihin nito ay kayang-kaya niya nang maglakas-loob na tanungin ang dalaga tungkol sa nararamdaman nito para sa kanya.

Bata pa siya. Napakarami niya pang natitirang taon sa mundong ito. Hindi niya kailangang magmadali dahil para sa kanya, hindi pa huli ang lahat upang bumuo ng pamilya sa oras na maayos na ang lahat ng nakapaligid sa kanya.

Habang tulala, nabalik sa realidad si Finn Doria nang mapagtanto niyang nasa harap niya na si Ashe Vermillion. Matalim ang tingin nito sa kanya kaya naman halos mapaatras ang binata dahil sa pagkabigla.

"Bakit ganyan ang mga titig mo sa akin? Kalaswaan na naman ba ang nasa isip mo?!" mariing tanong ni Ashe Vermillion habang nakasimangot.

Katahimikan pa rin ang bumalot sa buong silid. Nagtatanong ang ekspresyon nina Munting Poll at Eon habang ang mga nakatatanda naman doon ay gulat at hindi makapagsalita.

Umayos ng tayo si Finn Doria at mahinang umubo. Pilit siyang ngumiti kay Ashe Vermillion at marahang nagsalita, "Paano mo nasasabi ang mga ganyang salita, Binibining Ashe?"

Sandaling huminto si Finn Doria upang mag-isip at nagpatuloy, "Nasurpresa lang ako sa biglaan mong pagdating. Walang nakapag-ulat sa akin na nagising ka na pala..."

Hindi pa rin nawawala ang simangot sa labi ni Ashe Vermillion. Suminghal siya at sinabing, "Hmph. Kagigising ko lang nitong mga nakaraang araw at nabalitaan ko na ang mga nangyari... narito lang dahil sa dalawang rason."

Pagkatapos itong sabihin ni Ashe Vermillion, bumaling siya sa kinaroroonan ng pamilya ni Eon at dahan-dahang lumapit kay Leonel. Bahagya siyang yumuko at sinabing, "Lubos akong nagpapasalamat sa pagligtas niyo sa aking buhay. Sana ay masuklian ko ang kabutihang ginawa niyo, Ginoo."

Ang karaniwang ugali naman ni Leonel sa iba ay hindi niya ipinakita kay Ashe Vermillion. Matamis niya itong nginitian at tinanguhan.

"9th Level Heaven Rank... at ang iyong antas ay patuloy pa ring umaangat," nakangiting giit ni Leonel. "Hindi ako ang iyong dapat na pasalamatan, binibini. Si master ang iyong dapat pasalamatan dahil kung hindi dahil sa kanyang pag-aalala sa'yo, hindi ka namin ililigtas."

"Lahat ng taong importante kay master ay hindi namin hahayaang mapahamak... hindi namin gustong malungkot si master," dagdag pa ni Leonel.

Maliban sa tatlong mag-anak, nagulat ang lahat ng naroroon. Napatitig si Finn Doria sa pamilya ni Leonel. Nakita niyang nakangiti sa kanya ang mag-asawa habang ang kanila namang anak na si Eon ay nakasimangot pa rin habang nakaiwas ng tingin.

Nakaramdam ng saya si Finn Doria dahil sa sinabi ni Leonel. Ang harang na naglalayo sa kanya sa mag-anak ay bigla na lamang nabasag. Talagang nakuha ng tatlo ang loob ng binata nang sabihin ni Leonel ang mga salitang ito.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon