Chapter XVIII: Threatened
Tanging ihip ng hangin lamang ang maririnig sa harapan ng Treasury Hall. Tahimik ang magkabilang panig ngunit wala namang tensyon na namumuo sa pagitan nina Finn Doria at grupo ni Gregory. Pinagmamasdan lamang nila ang isa't isa na para bang sinusuri nila ang reaksyon ng bawat isa sa kanila.
Makalipas ang ilang minuto, bigla na lamang napangiti si Gregory. Pilit itong nakangiti habang nakatingin ng direkta sa mga mata ni Finn Doria.
"Kahit pa mayroon akong libo-libong lakas ng loob, hindi ko kailan man babalakin na manggulo sa Azure Wood Family." Pilit ngiting sabi ni Gregory.
Syempre, minsan nang pumasok sa isipan ni Gregory ang panggugulo at pagnanakaw sa Azure Wood Family. Pero syempre, sa isipan lang nila ito, hindi niya ito kayang ituloy dahil malinaw naman para sa kaniya na imposible siyang magtagumpay sa kaniyang babalakin. Kung talagang kakalabanin niya ang Azure Wood Family, dalawa lang ang maaari niyang kahantungan. Maaaring mamatay siya o kaya naman ay magtago na lang habang-buhay sa ibang kaharian.
Narinig ni Gregory ang mga bali-balita tungkol sa kabuuang lakas ni Finn Doria at base sa mga balitang ito, ang binata sa kaniyang harapan ay hindi dapat baliwalain. Nagawa nitong makipaglaban sa isang 3rd Level Sky Rank habang nasa 9th Level Profound Rank lamang ito, pero ngayong 2nd Level Sky Rank na ito, wala silang ideya kung gaano na ito kalakas.
Ngunit higit sa lahat, narito pa rin sina Lord Helbram at Justice Minister sa teritoryo ng Azure Wood Family. Alam nila ang relasyon sa pagitan ng dalawang angkan, at malinaw na kung sakaling kakalabanin nila ang Azure Wood Family, ang kanilang mga araw ay hindi na magiging madali.
Sa kabilang banda, walang nagbago sa reaksyon ni Finn Doria. Kalmado at taimtim pa rin niyang tinitingnan ang mga Rogue Adventurers sa kaniyang harapan.
"Kung hindi kayo nagbalik upang manggulo, anong dahilan niyo?" taimtim na tanong ni Finn Doria.
Lahat ng bagay tungkol sa kaniyang angkan at pamilya ay kahinaan ni Finn Doria. Sensitibo siya sa kaligtasan ng kaniyang buong angkan kaya naman noon, nagdadalawang-isip pa siya kung ipapaalam niya sa iba ang tungkol sa kaniyang kayamanan. Ganid ang puno't dulo ng kasakiman ng isang tao, at naranasan na ito ni Finn Doria mula sa kamay ng Crown Prince. Hindi niya na gustong maulit pa ang pangyayaring iyon pero naiipit din siya sa sitwasyon ng kaniyang angkan.
Wala siyang pagpipilian kung hindi ang kuhanin ang panig ng mga malalakas na Adventurer habang hindi pa niya kayang protektahan ang kaniyang buong angkan. Kung magkakaroon ng pabor ang mga malalakas na Adventurer na ito sa kaniya, siguradong magkakaroon siya nang sapat na oras upang magpalakas.
Huminga nang malalim si Gregory at sinulyapan ang iba pang Rogue Adventurers na nasa kaniyang likuran. Tinanguhan siya ng mga ito at nang makita ang tugon ng mga ito, muli niyang hinarap si Finn Doria.
"Sa totoo lang, nagkasundo kaming mga Rogue Adventurers sa isang bagay." Mahinahong sabi ni Gregory.
Napakunot ang noo nina Finn Doria, Lord Helbram at Justice Minister. Hindi sila nagsalita, bagkus, hinintay nilang magsalita muli si Gregory.
"Hinihiling namin ang pahintulot mo na hayaan kaming sumali sa inyong angkan bilang inyong mga Guest Elders..."
Bukod sa mga Rogue Adventurers, lahat ng naroroon sa lugar na iyon ay natigilan, maging sina Lord Helbram at Justice Minister ay hindi makapaniwala sa kanilang narinig.
Ang mga mapagmalaking Rogue Adventurers na ayaw magpatali sa kahit anong angkan at faction ay gustong maging Guest Elder ng Azure Wood Family?! Kahit ang Royal Clan ay hindi magawang pasalihin ang mga Sky Rank Rogue Adventurers sa kanilang angkan kahit na anong pilit nilang gawin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantasíaJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --