Chapter XV: I'm begging you!
Katahimikan. Ang buong ikatlong palapag ay nabalot nang katahimikan matapos kuhanin ni Finn Doria ang atensyon ng bawat panauhin. Walang kahit anong ingay ang maririnig sa ikatlong palapag dahil lahat ng naroroon ay taimtim na nakatingin sa binata.
Nasa kanilang harapan si Finn Doria habang mga miyembro naman ng Azure Wood Family at Golden Lion Family ay nasa likuran ng binata, tahimik din at nakikiramdam sa paligid.
Lumipas ang ilang sandali ngunit hindi pa rin nila inaalis ang kanilang paningin sa seryosong ekspresyon ni Finn Doria. Interesado at gusto nilang malaman kung ano ang nais sabihin sa kanila ng binata. Dahil sa kabaitang ipinakita nito sa kanila, malaki ang naging pasasalamat nila kay Finn Doria. Ito lang ang alam nilang maaaring gawing kabayaran sa binata, ang makinig sa sasabihin nito.
Hindi nila lubos na iniisip na kabayaran ang isa o dalawang Magic Crystal dahil ang mga kayamanang ipinalit sa kanila ni Finn Doria ay hindi matutumbasan ng isa o dalawang Sixth Grade Magic Crystal.
Matapos ang sandali pang paghihintay, sa wakas au ibinuka na rin ni Finn Doria ang kaniyang bibig at nagsimula nang magsalita.
"Marahil karamihan sa inyo ay alam na ang tungkol sa masamang hangarin ng Crimson Blood Kingdom sa ating Sacred Dragon Kingdom." Kalmadong bigkas ng binata. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang pangunahing rason kung bakit ko ginawa ang bagay na ginawa ko ay dahil sa nalalapit na kalamidad na maaari nating danasin sa oras na makipag digmaan ang Crimson Blood Kingdom sa ating kaharian."
Nanatili pa ring tahimik ang mga panauhin habang nakatingin sa kalmadong si Finn Doria. Bawat isa sa kanila ay seryoso at taimtim habang nakikinig sa mga sinasabi ng binata, lalong-lalo na ang dalawang nagmula sa Sacred Dragon Family, sina Minister Rio at Lord Helbram.
Ang Sacred Dragon Family ang kasalukuyang namumuno sa kahariang ito kaya naman malinaw sa kanila ang tinutukoy ni Finn Doria. Bilang namumuno, alam nila na wala silang pag-asa na manalo laban sa Crimson Blood Kingdom kung buong pwersa nito ang sasalakay sa kanila. Para silang mga daga na naghihintay lamang sa isang gutom na gutom na pusa, siguradong makakain sila nito at wala silang kalaban-laban dahil maliit at mahina lamang sila.
Mayroon ding bakas ng pag-asa sa mata nina Lord Helbram at Minister Rio. Naiintindihan na nila kung bakit ganito na lamang magbigay ang binata ng mga ganitong kayamanan. Maaaring humihingi sila nang kapalit pero ang totoo noon, hindi gaanong malaki ang kapalit na hinihingi nila.
Kayang-kaya ni Finn Doria na ipalit ang Low-tier Epic Armaments sa maraming Sixth Grade Magic Crystal sa Adventurers Guild. Pero, hindi niya ginawa. Dahil dito, mas lalong nagpapasalamat ang mga nakatanggap ng pambihirang kayamanan mula kay Finn Doria.
"Anong ibig mong sabihin, Ginoong Finn Doria? Nais mo bang hingiin ang tulong namin upang protektahan ang iyong angkan? Sa kayamamang ipinagkaloob mo, sino ba naman ako upang tanggihan ang iyong munting alok?" nakangiting singit ni Gregory.
"Tama. Para sa akin, ikaw at ang Azure Wood Family ang nagbigay sa akin ng bagay na matagal ko nang pinapangarap. Isang natupad na pangarap ang magkaroon ng Low-tier Epic Armament kaya handa akong maglingkod pansamantala sa inyong angkan." Singit naman ng isa.
Nagsisang-ayon naman ang iba pang mga Rogue Adventurers habang ang mga Faction Master at Family Head ay nananatiling tahimik. Mayroon pa silang pwersa na kailangang pamunuan kaya imposible na maging protektor sila ng Azure Wood Family. Gayunman, hindi rin naman nila maaaring direktang tanggihan ang maaaring kahilingan ni Finn Doria dahil magmumukha silang walang utang na loob. Sa makatuwid, naiipit sila sa sitwasyong ito.
Umiling naman si Finn Doria sa mga panauhin. Ngumiti siya at agad na nagsalita, "Masayang-masaya ako na nais niyong tulungan ang aking angkan na makaligtas sa kalamidad na ito. Gayunman, hindi ito ang aking kahilingan."
![](https://img.wattpad.com/cover/189387026-288-k144018.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 4: Fate]
FantastikJune 5, 2019 ~ January 12, 2020 Illustration by Maria + ART Former Bookcover by @MISTERGOODGUY --