CRAZY FOR YOUR LOVE

12.8K 539 62
                                    



            Magmula ng bumalik sa Wingstop si Jade ay napakasaya ng maghapon niya. Kahit may mga nakakainis na customer, kahit may mga kulang siyang ingredients na nakalimutan niyang bilhin kanina, kahit nag-absent ng walang paalam si Noemi ay hindi niya magawang mainis. Ang ganda-ganda ng araw niya at ayaw niyang sirain iyon dahil lang sa mga bagay na hindi niya kayang kontrolin. Kung noon, magagalit na siya agad, magwo-worry, maiinis. Pero ngayon, ang gaang ng pagtanggap niya sa lahat.

            Ang sweet ni Nik. Hindi niya akalain na ganoon ka-sweet ang lalaking iyon. Sa mga maliliit na bagay na napapansin niyang ginagawa ng lalaki. Pinagbubuksan siya ng pinto sa tuwing sasakay siya sa paborito nitong sasakyan. Kay Murky. Hindi niya mapigil ang hindi mangiti ng maalala ang sinabi ni Red noon. Ang babaeng isasakay lang daw doon ni Nik ay ang babaeng pakakasalan nito at siya, ilang beses na siyang nakasakay doon.

            Agad ding nawala ang ngiti niya sa labi ng ma-realize ang reyalidad. Ikakasal na si Nik kay Gail. Kahit paulit-ulit nitong sinasabi sa kanya na aayusin nito ng tungkol kay Gail, tingin niya ay hindi ganoon kadaling magagawan iyon ng paraan ni Nik. Kasal ang pinag-uusapan doon. Hindi relasyong kalokohan lang. Kasal ang puwede niyang sirain kapag nagkataon.

            Nakaramdam yata siya ng lungkot. Naisip niyang hindi kaya kailangan na lang niyang umiwas kay Nik? Kung bakit naman kasi naging ganito ka-kumplikado ang sa kanilang dalawa. Hindi naman niya inaasahan na mararamdaman niya ang ganito. Hindi niya inaasahan na mamahalin niya si Nik.

            Napabuga siya ng hangin at patuloy sa pagliligpit ng mga gamit sa tindahan. Konti na lang naman ang mga ligpitin doon. Matatapos na siya. Si Jay-ar ang naglilinis sa kitchen at kapag natapos ito ay pauuwiin na niya. Tiningnan niya ang telepono pero kahit isang text, isang tawag ay wala galing kay Nik. Nag-aalala din siya sa kung anong nangyari dito.

            Nang matapos ang lahat ng ligpitin ay nauna ng umuwi si Jay-ar. Siya ang naiwan na magsara ng tindahan. Pasado alas-diyes na iyon. Tahimik na ang buong paligid at lumabas na siya sa Wingstop. Napakunot ang noo niya ng mapansin ang sasakyan ni Nik na si Murky na naka-park hindi kalayuan sa tindahan. Naroon din sa loob si Nik at nakasandal lang sa kinauupuan nito. Nakapikit ang mga mata.

            Nagmamadali niyang ikinandado ang tindahan at lakad-takbo ang ginawa para lapitan ang sasakyan ng lalaki. Kinatok niya ang bintana at nagulat pa ito sa ginawa niya. Napabalikwas ng makita siya doon at dali-daling bumaba ng sasakyan.

            "Nagsara ka na?" Tanong nito sa kanya.

            Hindi siya agad nakasagot. Iba ang aura ni Nik. Hindi siya malungkot pero alam niyang mayroong dinadamdam. Halatang-halata sa mukha nito

            "May problema ba, Nik? Anong ginagawa mo dito?"

            Napakamot ito ng ulo at pilit na ngumiti.

            "I don't know where to go. I don't want to go home. I don't want to go out with my crazy cousins. I just want to see you again," ngayon ay nakatitig na sa mukha niya si Nik.

            "Pero magkasama lang tayo kanina." Natatawang sagot niya.

            "Kailangan mo na bang umuwi? Samahan mo muna ako." Nakikiusap na sabi nito.

            Saglit siyang nag-isip. Okay lang naman siguro na sumama muna siya kay Nik. Mukhang okay na naman si Jane. Ganoon naman ang kakambal niya. Sa tapang ng babaeng iyon, iiyak lang iyon saglit tapos makikita niyang parang walang nangyari na.

            "Sige. Saan tayo pupunta?" Tanong niya habang inaalalayan siya nitong makasakay kay Murky.

            "Anywhere. Kahit saan basta kasama kita." Seryosong sabi nito ng makasakay sa driver side at pinaandar paalis doon ang sasakyan.

BAD NIGHT | Bad Series 1 (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon