WHITE FLAG

11K 408 4
                                    


            Nanatiling nakatayo lang si Jade sa harap ng building ng mga Lopez. Pakiramdam niya ay libong ati-atihan ang tumatambol sa dibdib niya at talagang nagdadalawang-isip siya kung kailangan ba niyang gawin ito. Sabi nga ni Jane, siya lang daw ang nag-iisip na may problema. Pero hindi niya makakaya na may isang taong nasasaktan at naloko at isa siya sa mga dahilan noon.

            Kahit naman kung ano-anong mga masasamang salita ang sinabi sa kanya ni Nik, aminado naman siya na partly, deserve niya iyon. Sino nga ba naman ang maniniwala sa kanya na magugustuhan ng isang batang katulad niya ang tulad ni Red Lopez na halos lolo na niya. Talagang ang lahat ng tao ay iisipin na pera lang ang habol sa matanda at iyon ang nasa isip ni Nik. Lalo na nga at ang pagkakakilala nito sa kanya ay isa siyang bayarang babae. Napabuga siya ng hangin. Talagang nagsisisi siya kung bakit siya pumayag sa plano na ito. Nagsisisi siya kung bakit naging instrumento siya para saktan ang isang tao.

            Huminga siya ng malalim at pumasok sa loob ng building.  Lumapit siya sa reception at hinintay muna na matapos ang unang inaasikaso ng receptionist. Ngumiti siya dito ng siya na ang harapin nito.

            "Kay Mr. Nikolaus Keen Lopez?" Hindi siya sigurado kung haharapin siya ng lalaki pero magbabakasakali siya. Hindi nga siya sigurado kung nandito nga ang lalaki. Ilang araw na rin niya na sinusubukang tawagan ang lalaki pero tingin niya ay naka-block na ang number niya dito.

            "May appointment ka sa kanya?" Tanong nito habang tinitingnan ang nasa harapang computer.

            Pinilit niyang ngumiti at umiling. "Wala. P-pakisabi si Jade Infante." Pakiramdam niya ay namimilipit na ang tiyan niya sa sobrang kaba.

            Napa-hmm lang ang kausap at nag-angat ng telepono. Tingin niya ay secretary ang kausap nito.

            May grupo ng mga babae ang tumayo malapit sa kanya na may mga hawak na milk tea. Nagkukuwentuhan habang naghihintay ng pagdating ng lift. Paikot-ikot lang ang mata niya sa paligid habang hinihintay kung naroon nga ang lalaki.

            "Ang hot pa rin talaga ni Sir Nik 'no? Grabe, ilaw araw ng laging nakababad dito sa office. Kaya naman talaga feel na feel kong pumasok every day."

            Napatingin siya sa nagsalita at nakita niyang isang babae iyon na tingin niya ay empleyado sa building.

            "Hindi naman kumukupas ang kaguwapuhan ni Sir Nik. Naka-amerikana, mukhang madungis walang difference. Hot pa din." Sabi naman ng isa pa tapos ay humigop sa hawak na milk tea.

            "Nakasabay ko nga kanina sa elevator. Parang gusto kong himatayin kunwari tapos mapapasandal ako sa kanya. Ang bango." Tumirik pa ang mata ng isang babae tapos ay ngumiwi. "Pero hindi ko na ginawa. Ang aga parang ang init ng ulo. Sabagay, nitong nakakaraang araw lagi na lang mainit ang ulo. Alam mo bang na-award si Erika sa Purchasing."

            "Award? Anong award?" Takang tanong ng kausap nito.

            "Award. Na-sermunan. Ang sungit ni Sir. Parang may falling out kasi silang magpipinsan. Hindi uma-attend ng EXECOM si Sir Nik. Pati si Sir Red, hindi niya kinakausap kahit na nga ilang memo na ang nare-receive niya."

            Napakagat-labi si Jade. Sinasabi na nga ba niya. Lalo siyang nakunsensiya. Kahit na ba ang pamilyang iyon ang may kagagawan kung bakit sila ang nag-aaway-away, pakiramdam niya ang laki pa rin ng kasalanan niya.

            "Lagi lang pumapasok si Sir Nik pero hindi talaga sila nag-uusap-usap na pamilya. Kahit kanina, ipinatawag ni Sir Red ang lahat ng mga apo para sa breakfast meeting pero hindi pa rin sumama si Sir Nik. Ang chika pa, hindi na umuuwi sa mansion ng mga Lopez si Sir Nik. Ang taray talaga ng mga mayayamang 'yan 'no? Ang drama ng buhay." Nagtawanan pa ang mga babaeng nag-uusap at sabay na sumakay sa bumukas na elevator.

BAD NIGHT | Bad Series 1 (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon