Prologue

100K 1.3K 58
                                    


SA MGA babaeng nakikilala ng isang lalaki, tatlo lang doon ang magkakaroon ng tunay at malalim na kahulugan sa kanyang buhay. No more. No less. At least, iyon ang sabi sa libro na binasa ni Keith Rivero isang araw bago ang kasal ng matalik niyang kaibigan na si Maki St. Clair.

Kaya ngayon habang nasa wedding reception sila, hindi niya maiwasan obserbahan si Maki at lahat ng mga dati at kasalukuyang residente ng Bachelor's Pad. Sa nakaraang halos isang dekada, nakasama niya ang mga taong ito. And for the past years, he saw how each of them grew into very fine adults. Nakita niya ang bawat struggles ng mga ito sa kani-kanilang personal at professional life. Nakita rin niya kung paano binago ng pag-ibig ang pagkatao ng mga ito.

Pumihit si Keith paharap sa hardin at patalikod sa kasiyahan. Tumitig sa kadiliman, nasa mga kaibigan pa rin ang takbo ng isip. He knew the men of Bachelor's Pad like the back of his hands. Observant kasi siya, magaling mag research at higit sa lahat past time niya mangielam sa buhay ng mga ito. Kaya ngayon napapaisip siya kung pang ilan kaya sa tatlong babae na sinasabi sa librong nabasa niya ang mga girlfriend at asawa ng mga kaibigan niya? Sa kaso kasi niya, nakilala na niya ang dalawa. Isa na lang ang hindi pa dumarating. Hindi nga lang siya sigurado kung interesado talaga siyang makilala ang panghuling babae na 'yon o hindi.

"What are you doing alone out here? Getting tired of acting sociable?"

Lumingon si Keith nang marinig ang boses ni Matilda St. Clair. Umangat ang mga kilay niya, tumalikod sa hardin kung saan siya nakatitig kanina para humarap sa matandang babae. Maluwang siyang ngumiti.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

Tumaas ang isang kilay ni Matilda, lumapit at iniabot sa kanya ang isa sa dalawang kopita ng red wine na hawak. "Stop that bullshit, Keith. We know each other too well."

Nawala ang kanyang ngiti at nagkibit-balikat. Ininom niya ang red wine at tumitig sa loob ng ballroom kung saan nagkakasayahan pa rin ang mga bisita. May tumutugtog na love song at maraming pareha ang sumasayaw sa gitna ng dance floor.

Na-realize ni Keith na mga kaibigan niya ang halos lahat ng pareha. He could even see Maki and Allen through the crowd, looking like the happy couple that they were.

"So, nagamit mo na ba ang impormasyon na ibinigay ko sa 'yo?"

Ibinalik ni Keith ang tingin kay Matilda. "Hindi ko pa binubuksan ang folder."

Tumaas na naman ang isang kilay ng matandang babae. "Why?"

Huminga siya ng malalim, hinilot ang sentido, at tumitig sa madilim na bahagi ng garden. "Baka hindi ko magustuhan ang mabasa ko."

"I see. You're still a coward, Keith."

Tumiim ang kanyang mga bagang at inubos ang laman ng kopita. He couldn't argue back since it was the truth. He was a coward.

"Bilang pasasalamat ko sa maraming taong pagaalaga mo kay Maki, let me get you out of your misery. Papayuhan kita. Don't look for the woman. Find the child first. Siya naman ang mas gusto mong makita, hindi ba? That child is closer to you than you think."

Manghang napatitig si Keith sa mukha ni Matilda. Kumabog ang kanyang dibdib nang makita sa mukha ng matandang babae na nagsasabi ito ng totoo.

"W-what?"

"It's a little girl, right? Around ten years old? Kung matapang ka lang at binasa ang report, malalaman mo ang pangalan ng nawawala mong anak. Do you want to know?"

Huminga siya ng malalim. "Tell me," magaspang na sagot niya.

Masuyong ngumiti si Matilda, hinaplos ang pisngi ni Keith at bumulong, "Gusto ko ring maging masaya ka, Keith. You have suffered so much and I know how it feels. So I will tell you. Yona."

"Yona," bulong ni Keith. Kumabog ang kanyang dibdib nang tumango ang matandang babae. Narinig na niya ang pangalan na iyon. Parang minsan nang may naikuwento si Maki at nabanggit nito ang pangalang Yona.

"Yes, Keith. 'Yona' ang pangalan ng anak na hinahanap mo sa mga nakaraang taon."

So his daughter was so close to him all along. Baby pa ito nang huli niyang makita, noong puwersahan itong inilayo sa kaniya. Kaya naman pala nahirapan sila ipahanap kasi iba ang pangalan ng bata.

All this time Keith was calling her silently as Kelly. Iyon ang pangalan na ibinigay nila ng nanay nito. Paanong nangyari na Yona na ang tawag sa anak niya? Anong klaseng buhay ang kinalakihan nito habang malayo sa kaniya?

Humugot ng malalim na paghinga si Keith at mariing kinuyom ang kamao. "Pakisabi na lang kay Maki na nauna na akong umuwi."

"Saan ka pupunta?" tanong ni Matilda.

"Babasahin ko ang report na binigay mo sa 'kin," sagot ni Keith bago tuluyang umalis ng wedding reception. Bumalik siya sa kanyang unit sa Bachelor's Pad. Kinuha ang folder na ilang linggo nang nakalapag sa lamesa.

Tama si Matilda St. Clair. Isa siyang duwag. Wala siyang lakas ng loob na alalahanin ang mga bagay na nangyari sa buhay niya kasi hindi niya kaya harapin ang emosyong kasama ng mga alaala. Instead, Keith drowned himself in fictional characters and situations as he wrote international bestsellers one after the other, releasing his darkest thoughts to the world in small dosages.

Pero ngayon, habang nakatitig siya sa folder, habang nag-e-echo sa kanyang isip ang pangalan ng anak na matagal na niyang hinahanap, naging matapang si Keith. Huminga siya ng malalim, binuksan ang folder at nagsimula magbasa.

Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon