MASAYANG masaya si Sylve sa mga sumunod na araw. Mas magaan ang pakiramdam niya at ganado magtrabaho. Katunayan napapansin ng lahat ng kliyente niya na blooming daw siya. Matamis na ngiti lang palagi ang sagot niya.
Lately din hindi na niya kailangan magmadali na tapusin ang kung ano mang after lunch appointment niya kasi nagboluntaryo si Keith na ito na raw ang susundo kay Yona sa Martial Arts Studio kapag may tae kwon do lesson ang bata. Nagtetext na lang ang lalaki o kaya nagse-send ng pictures sa messenger kapag magkasama na ang mga ito. Katulad sa araw na iyon.
Nasa office si Sylve ng kanyang travel agency nang tumunog ang alert tone ng cellphone niya. Pagkabukas niya sa messenger, bumulaga sa kaniya ang nakangiting mukha nina Yona at Keith. Nasa loob ng isang ice cream parlor ang mga ito at parehong may hawak na ice cream. Mahina siyang natawa kasi naaliw siya sa pag ba-bonding ng dalawa.
Habang tumatagal din, lalo nagiging magkamukha ang mga ito. Lalo na ang kislap ng mga mata at ang kurba ng mga labi kapag nakangiti. Sigurado siya na eventually may tao nang mag po-point out sa pagkakahawig ng dalawa. Kailangan na talaga niya unti-untiing sabihin kay Yona ang totoo. Naiimagine pa lang niya ang puwede nito maging reaksiyon natatakot na siya.
Tumunog uli ang alert tone ng cellphone ni Sylve. May pinadalang bagong picture si Keith. Napanganga siya nang makitang nakasandal sa gilid ng kotse ng lalaki ang dalawa at ang background ay ang building kung nasaan ang travel agency niya. Hindi pa nakuntento, tumawag pa sa kaniya. Mangha pa ring sinagot niya iyon. "Tama ba ako nang naiisip kung nasaan kayo?"
Malutong na tawa ang naging reaksiyon ni Keith. Katulad ng dati parang kiniliti ang tainga niya dahil doon. Humagod ang sensasyon sa buong katawan niya at nagpabilis ng tibok ng puso niya. Napangiti na tuloy siya. "Ano nga?"
Imbes na ang lalaki ay ang masayang boses ni Yona ang narinig niya, "Mommy susunduin ka namin. Nood po tayo sine! Saka kain po tayo sa Jollibee."
Tumaas ang kilay ni Sylve pero lumawak naman ang ngiti. "Sinong may sabi na puwede ka manood ng sine at kumain sa labas? Weekday at may pasok bukas ah."
"Eh mommy, pumayag ka na po. Dito na kami ni tito Keith o, sasakay na po kami ng elevator."
Pagkatapos si Keith na uli ang narinig niya sa kabilang linya. "Paakyat na kami diyan. You should unwind once in a while, Sylve. Saka ilang araw na inuungot ni Yona ang animated movie na gusto niya panoorin sa sine. Don't get mad at us, okay?"
Napailing siya. "Kahit naman gusto ko hindi ko magagawang magalit sa inyong dalawa. Sige na, magaayos na ako ng gamit. I'll hang up na." Napapangiti pa rin siya nang tapusin ang tawag.
Pag-angat niya ng tingin nagulat si Sylve kasi nakatitig pala sa kaniya sina Sonia at Stella. Base sa pilya at mapanudyong ngiti ng dalawa, kanina pa nakikinig ang mga ito sa pakikipag-usap niya sa cellphone. Pinanlakihan niya ng mga mata ang dalawang babae. "Bakit?"
Biglang naghagikhikan sina Sonia at Stella. "Kasi naman ma'am Sylve, sa ilang taong pagtatrabaho namin sa'yo ngayon ka lang namin nakita kinilig ng bongga," komento ng huli.
"Oo nga, ma'am. Halatang halata na may love life ka lately. Sa wakas may lalaki ring nakakuha sa mailap mong puso," sabi naman ni Sonia.
Magre-react pa sana siya pero napunta na sa labas ng glass wall ang atensiyon niya. Nakita na kasi niya ang pagdating nina Keith at Yona na parehong ngumisi at kumaway nang makita siya. Tumayo si Sylve at binitbit ang bag. "Aalis na ako. Kayo nang bahala rito."
Napalingon din sa labas sina Sonia at Stella at sabay pang kinikilig na tumili. "Si Keith! Ma'am, puwede bang magpa-picture muna kami sa kaniya? Puwede humingi ng autograph? Sobrang fan po talaga kami. Please, ma'am Sylve."
Hindi niya napigilan matawa sa reaksiyon ng mga ito. "Bakit sa akin kayo nagpapaalam? Siya si Kelly Hart at hindi ako 'no. Sa kaniya kayo magsabi."
Bumukas ang glass door at pumasok sina Keith at Yona. "Kanino magsasabi ng ano?" tanong ng lalaki.
Lalong kinilig ang dalawang babae at para nang hihimatayin habang titig na titig kay Keith. Nanginginig pa ang mga boses habang pinapaliwanag na avid reader ang mga ito. Ngumiti ang lalaki at game na nagpapicture. Pumayag din ito pumirma ng autograph.
Hanggang makalabas silang tatlo sa opisina ng travel agency, nakasunod sa kanila ang dalawang babae. Tawa tuloy ng tawa si Sylve kahit nang nasa loob na sila ng elevator pababa sa ground floor.
Biglang nagsalita si Yona na tahimik lang na nagmamasid kanina. "Bakit po ganoon ang reaksiyon nila nang makita ka tito Keith? Bakit po sila nagpapicture at nagpapirma sa papel? Sikat ka tito?"
"Sobrang sikat," nakangiting sagot ni Sylve. "Nagsusulat siya ng books. Meron pa ngang magiging movie."
Namilog ang mga mata ni Yona at bilib na bilib na tumingala kay Keith. "Wow. Ang galing niyo naman po!"
Tumawa ang lalaki at ginulo ang buhok ni Yona. Nang sulyapan niya ang mukha nito nakita niyang namumula ito at halatang na-touch sa reaksiyon ng bata. Matamis na napangiti si Sylve. Hindi talaga siya magsasawa panoorin ang interaction ng mag ama kahit kailan.
Mag ama. Ang sarap isipin. Hopefully, masabi na niya iyon ng malakas nang walang takot at pag-aalinlangan. Iyon ang nasa isip niya nang mapasulyap sa kaniya si Keith. Nang magtama ang mga paningin nila narealize niyang alam nito kung ano ang iniisip niya. Masuyo siya nitong nginitian. Pagkatapos pasimple nitong inabot ang kamay niya at pinisil iyon. Hindi na sila bumitaw pa sa isa't isa hanggang makalabas sila ng elevator at maglakad papunta sa kotse nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomanceNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...