"SAAN KA GALING? Kanina ka pa namin hinihintay," sabi ni Trick Alfonso pagdating na pagdating ni Keith sa common area ng Bachelor's Pad. Nakaupo ito sa mahabang sofa at may nakabukas na laptop sa kandungan, mukhang nagtatrabaho habang wala siya. Naroon din si Maki na nakasuot pa ng itim na business suit, ibig sabihin galing ito ng trabaho bago nagpunta roon.
"Diyan lang. Bakit nandito kayo ng alanganing oras?" tanong ni Keith na hindi naitago ang frustration. Paano naman kasi, balak pa niya sumama kay Sylve sa pagsundo kay Yona sa school pero hindi na natuloy dahil ayaw tumigil sa kakatawag sa cellphone niya ang dalawang lalaki. Napilitan tuloy siya magpaalam sa babae na halatang nakahinga ng maluwag nang malamang aalis na siya.
Tumaas ang mga kilay ni Trick at kahit si Maki nag-iba ang tingin sa kaniya.
"O bakit?" defensive na tanong ni Keith.
Tumayo si Maki at namulsa. "You're not wearing your cheerful face today."
"He must have been with a woman at naistorbo natin siya kaya masama ang mood niya," sabi naman ni Trick na halatang inaalaska siya.
Umiling si Keith, itinago ang totoong emosyon at ngumisi na parang walang problema sa buhay. Katulad ng dati. "Kung alam niyo naman pala sana hindi na kayo nangulit sa kakatawag."
"Ngayon lang kasi puwede ang isa sa mga magiging bagong residente ng Bachelor's Pad," sabi ni Maki sabay turo sa isang parte ng common area. Napalingon siya at noon lang napansin ang malaking lalaki na seryosong iniinspeksiyon ang bawat cctv camera na nakakabit sa paligid. Bigla itong humarap sa kanila, halatang alerto at narinig ang pinag-uusapan nila.
"Keith, you're late," pormal na pagbati ni Giovanni St. Clair, panganay sa mga ampon ng nanay ni Maki. Katunayan mas matanda ito kay Maki ng dalawang taon. Bago niya ito puntahan sa Amerika para pauwiin sa Pilipinas alinsunod sa utos ni Matilda St. Clair, limang taong nawalan sila ng balita kung nasaan at ano ang ginagawa ng lalaki.
Napailing siya at tiningnan sina Maki at Trick. "Boys, hindi dahil writer ako at hawak ko ang oras ko, palagi akong available kapag kailangan niyo ako. Magpasabi kayo at least one day before."
"Kahapon pa ako tumatawag sa'yo pero hindi mo sinasagot. Bigla ka na lang nawalang parang bula pagkatapos mo sumama sa amin sa Martial Arts Studio," dahilan ni Maki.
Hinarap ni Keith si Giovanni at masiglang ngumiti. "So, anong agenda nang pagpunta mo ngayon?" tanong niya kaysa maungkat pa kung anong pinagkakaabalahan niya mula kahapon.
"I want to see the penthouse. Pumayag na si Maki na ako na ang titira doon. Magiging busy ako sa mga susunod na araw dahil sa dami ng trabahong itinatambak sa akin ni mama. So I want to check it now."
"He's trying to change the subject," bulong ni Trick kay Maki pero nagkunwari siyang hindi iyon narinig. Kay Giovanni lang nakatingin si Keith.
"Tamang tama. Last week pa naitawag sa akin ni Matilda na balak niya iparenovate ang buong Bachelor's Pad para umayon sa panlasa ninyong magkakapatid. Pumayag din si Maki since siya ang may-ari ng building na ito kasi halos wala naman nang nakatira rito ngayon. Nag-asawa na silang lahat maliban dito kay Trick at kay Ross na engaged naman na pareho at plano na rin lumipat sa mga dream house nila."
"That's good. Let's go up now," tipid na sagot ni Giovanni na nagsimula na humakbang palabas ng common area.
Nilingon ni Keith sina Trick at Maki. "Diyan lang kayo. Kami na lang ang aakyat."
"Sinusubukan mo lang umiwas sa amin. Akala mo ba hindi ka namin kilalang kilala? We know that there is something going on with you lately. Kailangan mo rin mag open up sa amin eventually. Kung hindi sasama ang loob namin sa'yo," sabi ni Trick.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomanceNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...