Part 45

23.7K 674 14
                                    

NAGDESISYON si Sylve na kinabukasan na magpunta sa ospital. Ayaw na niya patagalin kasi hindi rin naman siya mapapakali. Katulad nang napag-usapan nila ni Keith, isinama nila si Yona. Nang magtanong ang bata kung saan sila pupunta sinabi lang nila na may dadalawin silang kaibigan. Hindi pa kasi siya ready ipakilala ang anak sa kanyang ina.

Pagpasok nila sa ospital sinalubong agad sila ng isang guwapong lalaki na nakasuot ng puting coat. Nanlaki ang mga mata ni Sylve nang makilala ito. Si Apolinario Montes, ang asawa ni Sheila. Kinasal ang mga ito kailan lang kaso hindi siya nakapunta kasi nagkataong may sakit si Yona noon at hindi niya kaya iwanan. Pero nakita niya ito sa wedding pictures at video na pinanood sa kaniya ng kaibigan.

Ngumiti si Apolinario at sandaling nakipagtapikan ng balikat kay Keith bago bumaling sa kaniya. "You must be Sylve. I know about you pero ito ang unang beses na personal tayong nagkakilala. Palagi ka nakukuwento ni Sheila at recently, pati nitong si Keith. I'm glad to finally meet you."

Inilahad nito ang kamay na mabilis naman niyang tinanggap. "Ako rin. Palagi kang bukambibig ni Sheila kapag magkasama kami. Ito ang anak ko, si Yona."

Niyuko ni Apolinario ang bata at lumawak ang ngiti. "Hello, Yona. Kaibigan ako ng daddy mo."

Sumikdo ang puso ni Sylve sa sinabi ng lalaki at napasulyap kay Keith. Nginitian lang siya nito at tipid na tumango. Wala talaga itong itinago sa mga kaibigan. Narelax siya at ibinalik ang tingin kay Yona na umaliwalas ang mukha at matamis na ngumiti. "Hello po."

Tumalungko sa harap nito si Apolinario. "Gusto mo bang makita kung saan ako nag wo-work?" Sunod-sunod na tumango ang bata. Ngumiti ang lalaki, tumayo at inilahad ang kamay. "Sumama ka muna sa akin ha? May pupuntahan lang ang mommy at daddy mo. Babalik sila agad."

Tumingala kay Sylve ang anak niya, humihingi ng permiso. Nginitian niya ito at hinaplos ang buhok. "Sumama ka muna kay tito ha?"

"Okay po." Pagkatapos inabot ni Yona ang kamay ni Apolinario.

Bumaling sa kanila ang lalaki. "Nasabi ko na sa reception ang tungkol sa inyo. May nurse na sasama sa inyo sa charity ward. At kung may iba pa kayong kailangan, sabihin niyo lang sa akin. I'm willing to help in anyway."

Nagpasalamat si Sylve kay Apolinario at nagpaalam kay Yona bago sila nagpunta ni Keith sa reception area. Nilapitan agad sila ng isang nurse at nakangiti silang sinabihan na sumunod. Naglakad sila ng naglakad at kahit tensiyonado at kabado siyang makita ang kanyang ina ay hindi niya naiwasang igala ang tingin sa paligid.

Narinig pa lang niya ang pangalan ng ospital mula sa ate niya, alam na niyang pribado at pangmayaman iyon. Kaya nga nagtaka siya kung bakit doon daw naka confine ang nanay nila. Kagabi, sinabi sa kaniya ni Keith na may charity ward nga raw doon bilang parte ng Foundation na itinayo ng mga may-ari ng ospital na iyon na ang aim ay tumulong sa mga mahihirap na may malalang sakit. Maganda raw ang facility doon para sa mga pasyenteng may kidney diseases.

"Dito po ang charity ward namin. Nasa dulong room po ang pasyente ninyo. Puwede pong mauna na kayo roon at dadaanan ko muna sa nurse station ang in charge sa pasyente," magalang na sabi ng nurse na kasama nila.

Napatingin si Sylve kay Keith na agad hinawakan ang isang kamay niya. "Let's go?"

Huminga siya ng malalim, pinisil ang kamay nito at tumango. Pagkatapos naglakad na sila papunta sa itinuro ng nurse. Nakabukas ang pinto kaya sa labas pa lang nakita na niya ang mga pasyenteng nakahiga sa hile-hilerang hospital bed. Kaso kahit nang nasa loob na sila ng charity ward nahirapan siya makita kung nasaan ang nanay niya. At nang sa wakas makita niya ito, nanlamig siya at hindi nakagalaw. Kaya naman pala hindi niya ito agad nakita kasi ibang iba na ang hitsura nito kaysa sa natatandaan niya.

"Sylve? Nakita mo na siya?" tanong ni Keith.

Napahinga siya ng malalim at kumapit sa braso ng lalaki. Natigilan ito at nilingon ang tinitingnan niya. Narinig niya ang paghugot nito ng hangin. Pagkatapos inakbayan siya nito at isiniksik siya sa tagiliran nito. "Let's go, honey," bulong ni Keith.

Nanginig ang mga labi ni Sylve at kahit nanlalambot ang mga tuhod ay humakbang palapit sa pinakadulong hospital bed kung saan nakahiga ang kanyang ina. Maputlang maputla ito at ubod ng payat, halos buto-buto na lang. May suot itong oxygen mask, may nakasuksok na tubo sa bandang leeg at may nakatusok sa braso na nakakonekta sa dextrose. Nakapikit ito at mukhang natutulog. For a moment she had a scary thought that her mother is not breathing.

"She looks worse than I thought," bulong ni Keith.

Napakapit siya sa baywang ng lalaki kasi feeling niya bibigay na talaga ang mga tuhod niya. Parang may lumalamutak sa puso niya ngayong nakita niya ang tunay na sitwasyon ng nanay niya.

"Kayo ho ba ang pamilya ng pasyente?" biglang tanong ng nurse na nakalapit na pala sa kanila. May kasama itong doktor na may dalang clipboard na mukhang naglalaman ng medical record ng kanyang ina.

Saka lang nagawang magsalita ni Sylve. "Akala ko ho ba puwede na siya lumabas ng ospital? Bakit naka oxygen mask siya? At bakit may tubo sa leeg niya?"

"Calm down, ma'am. Talagang okay na ang lagay niya pero naging unstable ang vital signs niya kaninang madaling araw," sagot ng doktor. "Malala na ang lagay niya bago nadala sa ospital. Makakasama lang sa kaniya kung isasailalim sa operasyon. Katulad nang naipayo ko na sa asawa at anak niyang nagpunta kahapon, mas makakabuti kung iuuwi niyo na lang siya at sisiguruhing nagpapa-dialysis siya twice a week. That way, she can still live for a few years more."

Marami pang sinabi ang doktor na pilit mang intindihin ni Sylve, hindi niya magawa. Lutang ang pakiramdam niya. Kahit nang maiwan na lang sila ni Keith doon, wala pa rin sa huwisyong nakatitig lang siya sa ina. Inakbayan siya ng lalaki, hinila payakap at magaan na hinalikan sa sentido. His sweet and assuring gesture made her eyes teary. Bakit siya naiiyak? Bakit ganito ang nararamdaman niya para sa taong never umaktong magulang para sa kaniya? Bakit may nararamdaman pa rin siyang attachment dito pagkatapos ng lahat ng ginawa at hindi nito ginawa para sa kanila?

Biglang gumalaw ang nanay niya at umungol. Tumalon ang puso niya at napaatras nang dahan-dahan itong dumilat at mapatingin sa kaniya. Kahit nanghihina at hindi masyado makagalaw, halatang nagulat ito na makita si Sylve. Pero sandali pa namasa na ang mga mata nito. Parang nilamutak ang sikmura niya nang magsimula itong umiyak na para bang tuwang tuwa itong makita siya. Pagkatapos bumuka ang bibig ng kanyang ina at kahit mahina naintindihan niya ang paulit-ulit nitong sinasabi, "Anak... anak ko... iuwi niyo na ako."

May bumikig sa lalamunan ni Sylve. She was overwhelmed with contrasting emotions. Nahirapan siya huminga at pakiramdam niya babaligtad ang kanyang sikmura. Tumalikod siya at halos tumakbo papunta sa entrada ng charity ward. Tinawag siya ni Keith pero hindi siya lumingon. Paghakbang niya palabas ng ward nagkagulatan sila ng kanyang ate Abby na mukhang papunta naman sa loob.

"Sylve! Nagpunta ka," masayang sabi nito. "Nakita ka ba ni nanay? Nagkausap ba kayo? Sigurado akong masaya siya kasi palagi ka niya hinahanap kahapon."

Nakita ni Sylve ang tatay niya na naglalakad palapit sa kanila. Nagpunta rin pala ito. "Anong itinatayo mo diyan? Pumasok ka uli sa loob."

Hindi na naman siya makahinga nang mapatitig sa dalawa. She hates the relieved and hopeful look in their eyes. She hates herself the most, for feeling too much when she saw her mother.

Nagulat siya nang sa isang iglap nasa tabi na niya si Keith. Sumunod pala ito sa kaniya. Mukhang nagulat din ang lalaki na makita ang pamilya niya pero nakabawi rin agad. Magalang itong bumati sa ate at tatay niya. "Pasensiya na ho pero mauuna na muna kami. Kailangan ni Sylve magpahangin." Pagkatapos hinawakan nito ang kamay niya at pinisil. Napatingala siya rito at nagtama ang kanilang mga mata. "Let's go."

Tumango siya. Hinila siya ni Keith palayo sa charity ward at walang pagaalinlangan siyang sumama rito.

Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon