DALAWANG LINGGO ang matuling lumipas. Unti-unti nang nasasanay si Sylve sa araw-araw na pagpapakita ni Keith sa kanila ni Yona. Iyon nga lang may mga sandaling napapraning pa rin siya lalo at hindi nila napaguusapan kung ano ba talaga ang plano ng lalaki para sa bata. Kapag kasi bumibisita ito sa kanila para bang masaya na ito na nakakabonding nito si Yona. Nakakampante tuloy siya at napapaniwala na normal lang ang sitwasyon nila.
Madalas din may mga residente ng apartment building ang nakakakita na kasama nilang mag-ina si Keith. Mayroon nang mga nagtatanong kung sino ito. May iba pa nga tahasan kung magparinig na sa wakas daw magkakaroon na ng 'tatay' si Yona. Meron ding malisyosa ang mga komento. Mabuti na lang sa tuwing sinasabi iyon ng mga tao wala ang anak niya kung hindi mapapaaway talaga si Sylve.
Kung pinag-uusapan na sila, ibig sabihin sumosobra na ang ginagawang pagbisita ni Keith. Kaya isang araw, kinausap na niya ito ng masinsinan. Hinila niya ang lalaki sa kusina habang nasa sala si Yona at gumagawa ng assignment.
"Hindi mo kailangan magpunta rito araw-araw. Napag-uusapan na tayo ng mga kapitbahay. Kumakalat na sa buong building namin na may lalaki ako kasi palagi ka nila nakikita na kasama kami."
"Ayaw mo 'non? Iisipin nila na may admirer kang patay na patay sa 'yo. Saka sa tingin mo ba hindi ka rin nila pinag-uusapan dati na wala kang boyfriend? Kahit ano naman gawin mo may masasabi at masasabi ang ibang tao kaya huwag mo na lang sila pansinin."
Namaywang si Sylve. "Alam ko naman 'yan. Siguro kung ako lang mag-isa kaya ko balewalain ang sinasabi ng mga tao. Pero ayokong may marinig si Yona na hindi maganda. Ayoko na kapag lumalabas siya may magbubulungan at titingnan siya ng kakaiba dahil sa akin. Ayokong magaya siya sa akin noong bata pa ako –"
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marealize na may nasabi siyang hindi dapat malaman ni Keith. Nanlamig ang mga kamay ni Sylve nang makitang nag-iba ang tingin nito sa kaniya, patunay na hindi nakaligtas dito ang kanyang sinabi.
Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin. "Anyway, huwag ka na bumisita araw-araw. Makakahalata rin ang anak ko at magtataka siya kung palagi kang nandito. Matalino si Yona at mabilis siya makaramdam. Hindi pa ako ready sabihin sa kaniya ang totoo."
Naramdaman niyang naging matiim ang titig ni Keith sa mukha niya bago ito bumuntong hininga. Napasulyap siya rito nang magaan nitong tapikin ang braso niya. Nginitian siya ni Keith. "I get it. Stop making that expression. I don't want you to feel uncomfortable."
Huminga ng malalim si Sylve at marahang tumango. "Mabuti naman nagkakaintindihan na tayo. Simulan mo na ngayon. Palagi ka kasi gabi na umuuwi kaya akala siguro ng mga tao may ginagawa tayong kababalaghan. Mula ngayon hanggang alas sais ka lang ng gabi."
Napanganga si Keith at halatang gusto magreklamo. Pero bago pa ito makapagsalita bigla nang tumakbo palapit sa kanila si Yona, may hawak na papel na parang isang poster ng kung anong event.
"Mommy! Gusto po ako iregister nila Mr. Kim sa tae kwon do competition na 'to. Sabi po nila ipaalam ko raw po sa inyo. Sali ako, mommy. Please?"
Hinarap ni Sylve ang anak, sandaling binasa ang poster at saka nginitian ito. "Kaya mo manalo?"
"Siyempre naman po."
Tumango siya at hinaplos ang buhok nito. "Then you should join the competition. Kakausapin ko bukas sila Mr. Kim para maparegister ka nila."
"Yehey! Thank you mommy." Pagkatapos tiningala ni Yona ang lalaking nakatayo pa rin sa tabi niya. May lumamutak sa sikmura ni Sylve nang makitang naging matamis ang ngiti ng kanyang anak. "Panoorin mo po ako, tito Keith, ha?"
Tito Keith...Hanggang ngayon tumatalon ang puso niya kapag naririnig niya ang tawag ni Yona sa lalaki. Ni hindi niya namalayan kung kailan naging 'tito' ang 'mister'. Basta nagulat na lang siya na sobrang close na si Keith at Yona.
"Oo naman. Papanoorin kita. Ngayon pa lang, iki-clear ko na ang schedule ko sa araw ng competition mo."
"Thank you, tito Keith!" masayang sabi ni Yona sabay takbo uli palayo sa kanila at naging busy na uli sa pagbuklat ng mga notebook at librong nakakalat sa sahig.
Tumaas ang isang kilay ni Sylve nang silang dalawa na lang uli ang nasa kusina. "Parang palagi namang clear ang schedule mo kasi araw-araw ka nandito."
Nilingon siya ni Keith at pilyong ngumiti. "Busy akong tao, Sylve. Palagi lang talaga ako naglalaan ng oras sa bawat araw ko para makita kayo."
Gumanti siya ng ironic na ngiti. "Na babaguhin mo na mula ngayon, 'di ba? Hindi ka na araw-araw magkakaroon ng oras para bumisita. Napag-usapan na natin, 'di ba?"
Tumawa si Keith, malutong at totoong totoo. "That's cute." At para bang hindi nakatiis na bigla nitong pinisil ang baba niya. Nagulat siya at nanigas ang buong katawan. Lalo lang ito natawa nang makita ang reaksiyon niya. "What? Hindi ka sanay sinasabihan ng cute?"
Sumimangot si Sylve at hinawi ang kamay ng lalaki nang akmang hahawakan na naman ang baba niya. "Hindi ako komportableng hinahawakan."
Lalo lang mukhang naaliw si Keith sa sinabi niya. "Kulang ka talaga sa lambing. Hindi ka sanay sa physical contact at sa opposite sex. Should I help you get used to it?"
Nanlaki ang mga mata ni Sylve. Ilang segundo bago niya narealize na binibiro lang siya nito. Inis na hinampas niya ang tiyan nito. "Umuwi ka na nga."
Ngumiti si Keith. Uminit ang pakiramdam niya kasi naging iba ang titig nito sa kaniya, parang naging... affectionate. Tumikhim siya at hinampas uli ang tiyan nito, mas mahina na nga lang. "Sige na, uwi na."
Hinuli nito ang kamay ni Sylve nang hindi inaalis ang tingin sa kanyang mukha. "Oo na. Aalis na ako. Magiging busy din naman ako sa mga darating na araw kasi malapit na ang deadline ko kaya talagang hindi ako makakapunta araw-araw. Pero tatawag ako. Okay lang ba?"
Tumango siya. Ngumiti uli si Keith at pinisil ang kamay niyang hawak pa rin pala nito. Saka lang ito lumayo sa kaniya para naman magpaalam kay Yona. Pagkatapos umalis na ang lalaki.
Sa mga sumunod na oras hanggang sa pagtulog, ilang beses na napatitig si Sylve sa kanyang palad. She could still feel his hands against hers, long after he was gone.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomansaNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...