HIGH SCHOOL classmates sina Sylve at William pero noong nag-aaral pa sila magkabarkada lang ang trato nila sa isa't isa. Wala kasi siyang interes sa romance nang mga panahong iyon. She was too busy trying to survive when she was young. Wala siyang oras para sa mga bagay na nararanasan ng mga normal na teenager.
Galing siya sa isang broken family. Forty years old na ang tatay niya nang makilala ang nanay niya na twenty five years old lang that time. May kaya sa buhay ang kanyang ama noon habang waitress sa isang KTV bar ang mama niya. Marami ang nagtaas ng kilay nang ikasal ang dalawa pero hindi nagpatinag ang tatay niya. Nagkaroon ng dalawang anak ang mga ito, sila ni ate Abby.
Pero five years old pa lang si Sylve, biglang nag alsabalutan ang kanyang ina at walang pagdadalawang isip na iniwan sila. Hindi basta paglalayas ang ginawa nito kasi nilimas din nito lahat ng pera ng tatay niya. Sinimot nito ang laman ng savings account ng asawa at sumama sa ibang lalaki.
Doon nagsimula ang sunod-sunod na trahedya ng pamilya nila Sylve. Dahil sa sama ng loob, nagkasakit ang tatay niya at hindi na kinaya pa maghanapbuhay. Dahil pareho pa silang bata ng ate Abby niya at hindi kaya buhayin at alagaan ng kanyang ama, pinaghiwalay silang magkapatid. Pinaampon sila sa malalayong kamag-anak na nagmagandang loob tulungan sila. Ang tatay niya, tiniis pagkasyahin ang kakarampot na monthly disability pension para pambili ng pagkain at mantainance medicine. Sa buwanang sulat na lang sila nagkakabalita sa isa't isa.
Iyon ang dahilan kaya maagang nag mature si Sylve. Wala kasing araw na hindi pinapamukha ng kamag-anak na kumupkop sa kaniya ang 'utang na loob' niya sa mga ito. Buong elementary years siyang ginawang utusan bilang kapalit sa pagpapakain at pagpapaaral sa kaniya.
Ten years old siya nang umuwi siya sa tatay niya kasi summer vacation. Isang umaga, habang nag-aalmusal sila ng kape at pandesal, biglang sumulpot sa bahay ang kanyang ina. Nag-away ang mga ito at nagkasumbatan. Pagkatapos nagbato ng gamit ang nanay niya hanggang may kapitbahay na tumawag ng barangay para awatin sila. Kaya pala sumulpot ito kasi gustong kunin si Sylve. Ayaw pumayag ng tatay niya at nauwi na naman sa mainit na bangayan ang usapan hanggang tumaas ang presyon ng kanyang ama at muntikan pang atakehin.
Natakot si Sylve para sa kalusugan nito kaya siya na ang kusang pumayag na sumama sa kanyang ina. Sa isip niya, hindi rin naman maganda ang sitwasyon niya sa kamag-anak nila. Oo at wala siyang natatandaang naging mabait sa kaniya noon ang nanay niya. Pero naisip niya mas maganda nang sa poder nito tumira kaysa sa iba.
Narealize niya na nagkamali siya ng desisyon pagtapak pa lang sa bahay ng ina sa Maynila. Noon lang kasi nalaman ni Sylve na may kinakasama na pala itong ibang lalaki. Iyon pala ang dahilan kaya lumayas ang babae bitbit ang lahat ng pera ng asawa.
Pinag-aral man siya ng nanay niya noong high school, sobrang higpit naman nito sa kaniya. Walking distance lang ang public school na pinapasukan niya at himala na kung aabutan siya nito ng bente pesos na baon sa isang araw. Madalas sampung piso lang. Pagkatapos gusto pa nito deretso uwi na siya agad sa bahay pagkatapos ng klase at hindi siya nito pinapalabas kung walang pasok.
Iyon ang dahilan kaya hindi naging close sa mga kaklase si Sylve. Hindi kasi siya nakakasama sa mga lakaran. Si William lang ang mahilig kumausap sa kaniya at hindi nagsasawang ayain siya sumama kapag may lakad ang section nila. Sa loob ng apat na taong pagiging magkaklase nila, ang binatilyo lang ang matatawag niyang high school friend. Kaso pagkatapos ng graduation, nawalan na siya ng balita rito. Nilayasan kasi niya ang kanyang ina.
Napadpad siya sa Cainta, pumasok sa kung anu-anong trabaho para makapagipon nang pang tuition at one year later nag-enroll sa isang state university. Maraming naging part-time job si Sylve kahit nag-aaral kaya katulad noong high school, hindi rin siya nagkaroon ng time para sa social life. Saka karamihan ng mga naging blockmates niya, sosyal at may kaya sa buhay. Hindi niya kakayanin makipagsabayan kasi wala naman siyang extra money.
Second year college siya nang makilala si Emerald San Mateo. Nag shift ito sa course niya at nagkataong naging seatmate sa first subject sa simula ng semester. Freshman pa lang, popular na si Emerald kasi nanalo itong Miss State U. Lahat ng mga lalaki gusto itong maging girlfriend habang karamihan naman sa mga babae gusto itong maging bestfriend.
Kaya nagtaka si Sylve noong una kung bakit sa dinami-rami ng mga kaklase nila, siya ang napili nitong kaibiganin. Pagtataka na agad ding nawala nang maging close na sila. Complete opposite sila sa maraming bagay pero magkasundong magkasundo sila. Siguro kasi nako-compliment nila ang ugali ng isa't isa. Emerald had a habit of pushing her out of her comfort zone. Naging everyday goal nito ang lagyan ng excitement ang buhay niya. Siya naman ang naging taga-pigil nito kapag sa tingin niya sumosobra na ang pagiging reckless at party girl nito. Their friendship lasted long after they graduated from College. Katunayan, dahil kay Emerald kaya nagkita uli sila ni William pagkatapos ng apat na taon.
Twenty years old si Sylve nang isama siya ng bestfriend sa birthday party ng high school friend nito. Nasa party na iyon si William na kaibigan pala ng kuya ng celebrant. Nagkagulatan pa sila nang magkita roon. Ibang iba na kasi ang hitsura nito. Hindi na boyish at lalong hindi na payat. Maganda na ang pangangatawan ni William, deretso ang tindig at lalaking lalaki na ang facial features. Iyon pala, sa PMA ito pumasok pagkagraduate ng high school at isa nang aktibong sundalo.
Nakita ni Emerald na magkakilala pala sila ng binata at ang pilya niyang kaibigan, nakipagsosyalan sa mga bisita na hindi niya kilala. Ang nangyari tuloy, si William ang hindi umalis sa tabi ni Sylve.
Nang gabing iyon nalaman niya na sa loob daw ng apat na taon regular na nag re-reunion ang klase nila. Na sa bawat reunion, siya raw ang gusto nitong makita pero hindi siya dumarating. Na high school pa lang daw sila, gusto na raw ni William maging close sa kaniya kaso masyado raw siya mailap. Siguro dahil naimpluwensiyahan na siya ni Emerald na palaging sinasabi ang naiisip at nararamdaman, natagpuan ni Sylve ang sarili na sinasabi ang tunay na family situation niya noon. Pati ang paglalayas niya at pagbuhay sa sarili hanggang makagraduate ng College.
Tahimik lang nakinig sa kaniya si William at nang matapos siya magsalita akala niya kakaawaan siya nito o kaya magiging ilag na sa kaniya. Pero iba ang ginawa ng lalaki. Sincere itong ngumiti, tinapik ang ulo niya sabay sabing, "You're a strong person, Sylve. Because all the things you've been through didn't bring you down. Kahit sa future, kapag may dumating na mga pagsubok sa buhay mo sigurado akong makakaya mo. Kasi gagawin mo lang aral ang lahat ng mararanasan mo para mas maging mabuti at matapang na tao. Magiging mabuting asawa ka at magiging mabuting ina kasi naranasan mo na kung ano ang pakiramdam na maging anak ng isang taong iresponsable. I really have an amazing taste."
Bago matapos ang gabi na iyon nagkapalitan na sila ng cellphone number. Two days later tumawag ito sa kaniya, nangamusta at nag-aya lumabas. Mula noon, sa loob ng isang buwan na off duty si William palagi sila magkasama. Sa unang pagkakataon sa buhay ni Sylve, naranasan niya ma in love. Kaya nang bago ito bumalik sa trabaho at aminin nitong mahal siya nito at gusto siya maging girlfriend, pumayag siya.
Ang mga sumunod na taon ang naging pinakamasayang part ng buhay niya. Nagkaroon ng kakaibang kulay ang kanyang mundo at nagkaroon siya ng energy na gumising kada umaga. Kahit na madalas hindi sila magkasama ni William lalo na kapag nakadestino ito sa kung saang lugar, araw-araw naman sila nagkakausap sa cellphone.
Years later, nasiguro ni Sylve na ito na talaga ang lalaking gusto niya makasama habambuhay. Kaya nang mag propose sa kaniya si William noong twenty three years old sila, oo agad ang naging sagot niya. Excited siya na planuhin ang kasal nila. Ni hindi siya makatulog sa gabi kakaimagine nang magiging buhay nila na magkasama. That's how much she was looking forward to marrying him.
Sa sobrang busy niya sa kakaimagine, napikon si Emerald kasi hindi na raw siya sumasama sa mga gimik nito. Bigla ito sumulpot sa maliit na studio apartment na inuupahan niya noon, pinagbihis at pinag make-up. Pagkatapos hinila na siya nito papunta sa dance club kasama ang iba pa nitong friends. Sa gabing iyon nakilala nilang magkaibigan si Keith Rivero.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomansaNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...