"TATAY, matanda na si Sylve. Tama naman din si Keith na matalino 'yang bunso mo kaya alam niya ang ginagawa niya. Huwag mo na sila kulitin sa set up nila o sa kung ano mang meron sa kanila. Iba ang dahilan kaya tayo nagpunta dito ngayon, 'di ba?" basag ni ate Abby sa tensiyonadong katahimikan pagkatapos muntik nang mapaiyak ng kanyang ama si Yona.
"Paano pa natin masasabi sa kapatid mo kung may outsider dito sa bahay niya?" inis na sagot ng matandang lalaki.
Kumunot ang noo ni Sylve at tumayo. "Tay, palagi niyo sinasabi sa akin noong lumalaki ako na huwag ako maging bastos sa ibang tao. Hindi ko naisip na maririnig kitang magsalita ng ganiyan."
Namula ang mukha ng tatay niya pero matalim pa rin siyang tiningnan. Gumanti siya ng matapang na tingin kasi kahit anong pagunawa ang gawin niya ito talaga ang mali sa kanilang dalawa. Biglang humakbang si ate Abby para pumagitna sa kanila.
"Tama na. Sylve, medyo sensitive talaga ang gusto namin sabihin sa 'yo. Actually, hindi ko rin sana gusto marinig ni Yona ang pag-uusapan natin. Hindi rin ako komportable marinig ito ng ibang tao," malumanay na paliwanag ng kapatid niya sabay sulyap kay Keith na nakaluhod pa rin sa sahig.
Biglang tumayo si Keith na karga ang bata. Ayaw pa rin kasi bumitaw ng anak niya sa leeg nito at mukhang takot pa rin. "Ilalabas ko muna siya habang nag-uusap kayo."
"Sige. Salamat. Tatawagan kita kapag okay na," mabilis na sagot ni Sylve kasi mukhang may balak na naman sabihin ang kanyang ama. Hinalikan niya ang pisngi ni Yona at binulungan ito, "Sama ka muna sa daddy mo ha?" Tumango ang bata. Nginitian niya ito at hinaplos ang buhok. Pagkatapos si Keith naman ang tiningan niya. Sandali lang nagtama ang mga mata nila pero nagkaintindihan na sila. Mayamaya pa, pagkatapos magalang na magpaalam sa pamilya niya lumabas na ang lalaki karga pa rin si Yona.
Napabuga ng hangin si Sylve pagkasara ng pinto at nanunumbat na tiningnan ang ama. "Hindi niyo kailangan umakto ng ganoon, 'tay."
Matalim na tingin ang sagot ng matandang lalaki. "Hindi ko gusto ang hitsura ng lalaking 'yon. Mukhang manloloko."
She rolled her eyes. "Guwapo lang, manloloko agad? Hindi po ganoon si Keith, 'tay. Mabait siya. Most of all he's good with Yona."
"Bakit masyado mo siya pinagtatanggol?" Nagdududang tinitigan siya ng kanyang ama. "Hindi ko rin gusto ang palitan niyo ng tingin. Nakikipagmabutihan ka ba sa lalaking 'yon? Binabalaan kita Sylve, huwag mo tangkain. Tanggap ko si Yona pero hindi ako papayag na pati lalaking itinapon ng kaibigan mo, sasaluhin mo pa rin."
Napanganga siya at sobrang nasaktan sa sinabi nito. Kumuyom ang mga kamao ni Sylve. "Ang sakit mo naman magsalita, 'tay," puno nang hinanakit na sagot niya.
"Alam niyo ba kung bakit hindi nag work ang relasyon ni Keith kay Emerald noon? Kasi matapobre ang pamilya nila. Nang malaman ko 'yon alam niyo ba kung ano ang una ko naisip? Na ang suwerte ko kasi hindi ganoong tao ang tatay ko. Na sigurado ako na tatanggapin mo kahit sinong lalaki na mapipili kong makasama kasi may tiwala ka sa judgement ko. Pero mukhang mali yata ako."
Hindi nakapagsalita ang kanyang ama at bigla siyang tinalikuran. "Sabihin mo sa kapatid mo ang kailangan niya malaman para makaalis na tayo."
Bumuntong hininga si ate Abby bago lumapit sa kaniya. Hinawakan nito ang mga kamay niya at hinila siya paupo sa sofa. Sinulyapan ni Sylve ang tatay nila na umupo sa isang silya na nasa kusina, nakatalikod pa rin sa kanila.
Bumalik ang tingin niya sa kanyang kapatid nang pisilin nito ang mga kamay niya. "Huwag na kayo mag away ni tatay. Magkakaintindihan din kayo kapag kalmado na siya," bulong nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomanceNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...