LUMABAS mula sa office sina Jesilyn, Sheila at Lyn pagpasok pa lang niya sa Happy Mart convenience store. Para bang nakaramdam na dumating si Sylve kasi ngumisi ang mga ito nang makita siya.
"Sabi ko na nga ba parating ka na eh," sabi ni Sheila.
"Dala mo na ang brochures ng bagong products mo?" excited namang tanong ni Jesilyn. Kapag kasi may bagong produkto ang Fiona Collections, ang kaibigan niyang ito ang unang umoorder sa kaniya. Katunayan marami siyang products na binebenta sa Beauty and Hygiene section ng mga Happy Mart convenience store.
"Dala ko na lahat para makapili ka nang maayos. May ilang oras pa naman bago ako bibisita sa travel agency."
Binuksan ni Sylve ang malaking bag na dala at kukunin na sana ang mga brochure nang marinig niyang bumukas sara uli ang glass door ng Happy Mart. Napansin niyang lumampas sa kaniya ang tingin ng tatlong babae. Ngumiti ang mga ito na parang may nakitang kakilala.
"Paanong napadpad ka rito? Malayo 'to sa inyo ah!" masayang bati ni Lyn.
Natigilan si Sylve kasi naramdaman niya ang pamilyar na presensiya sa likuran niya bago pa man ito magsalita. "Napadaan lang ako."
Mabilis siyang lumingon at nanlaki ang mga mata nang masalubong ang tingin ni Keith na ngiting ngiti. Napanganga siya. "Akala ko umalis ka na?"
"Huh? Sylve, magkakilala kayo ni Keith?" tanong ni Jesilyn.
Gulat na nilingon niya ang kanyang mga kaibigan at itinuro ang lalaking nakatayo na ngayon sa tabi niya. "What? Kilala niyo siya?"
"Oo naman. Kaibigan siya ng mga asawa namin. Siya ang tumatayong manager sa Bachelor's Pad na madalas namin ikuwento sa 'yo," sagot ni Sheila.
Lalong nagulat si Sylve. Tiningala niya uli si Keith na nakatingin din sa kaniya. Mukhang kahit ito namamangha sa connection na hindi nila alam na mayroon pala sila.
"You really are closer than I thought, huh," mahinang komento ng lalaki. Lumunok siya. Alam niya si Yona ang tinutukoy nito pero kinabahan pa rin siya at hindi nagawang alisin ang tingin sa mukha nito.
"Are you two an item?"
Kumurap si Sylve at mabilis na nilingon ang mga kaibigan nang marinig ang tanong na iyon ni Jesilyn. Paano rinig niya ang excitement at panunudyo sa tono nito na nakumpirma niya nang makita ang pilyang ngiti ng tatlong babae. Kumunot ang noo niya at sumagot nang, "Hindi 'no."
"Eh bakit ang intense niyo magtitigan?" pang-aasar ni Sheila.
She rolled her eyes. "Imagination niyo lang 'yan. Kayo talaga. Kahit sino yatang lalaki na makita niyong kausap ko gagawan niyo agad ng issue. Nagiging obsession niyo na 'yan mula nang magkaasawa kayo, alam niyo ba?"
Tumawa ang tatlong babae, patunay na tama siya. Napailing si Sylve at wala sa loob na sinulyapan si Keith. Nakatitig pa rin ito sa kaniya na para bang kinikilala siya na ewan. Napaiwas tuloy siya ng tingin at binalewala ang bahagyang paghalukay sa kanyang sikmura. Kinumbinsi niya ang sarili na ganoon lang ito kasi gusto nito malaman kung anong klaseng tao ang nagpalaki kay Yona.
"Seryoso na. Magkakilala talaga kayo? Kailan pa?" tanong ni Sheila nang makarecover sa pagtawa.
"Ex siya ng college bestfriend ko pero kailan lang kami uli nagkita," sagot ni Sylve. Kasi mas okay iyon sabihin kaysa sa, tatay siya ng anak ko. Mahal niya ang tatlong babae na ito pero hindi talaga siya ang tipong kaya magsabi ng life secrets sa ibang tao. Bukod sa may palagay siyang hindi rin gugustuhin ni Keith na sabihin niya sa iba na anak nito ang bata.
"Really? Grabe naman pala ang coincidence na may common friends na naman kayo," sabi ni Jesilyn.
Nagkibit balikat si Sylve at tuluyan nang inilabas sa bag ang brochures. Pagkatapos masigla siyang ngumiti. "So, mag me-meeting na ba tayo?"
Nagkatinginan ang tatlong babae, mukhang nakahalata rin sa wakas na gusto na niya ibahin ang usapan.
"Sige na. Don't let me disturb you. May bibilhin lang ako tapos lalabas na ako," nakangiting sabi ni Keith na kumilos para humakbang palayo sa kanila. Pero bago ito tuluyang makalayo naramdaman muna ni Sylve ang magaan na pagtapik nito sa likod niya. Hindi niya alam kung para saan iyon at ayaw niyang pakaisipin pa. Ni hindi na nga niya ito tiningnan.
"Let's go." nakangiti pa ring aya niya kina Jesilyn. Mabuti na lang hindi na nangulit ang mga ito. Pumasok na sila sa office para sa kanilang meeting. Hopefully wala na si Keith paglabas niya mamaya.
HE WAS STILL THERE. Napabuntong hininga si Sylve paglabas niya sa Happy Mart two hours later. Nakapark pa rin kasi ang kotse ni Keith sa gilid ng kalsada at nakikita niya itong nakaupo sa driver's seat. May nakapatong na parang notepad sa manibela. Seryoso at may kakaibang intensidad sa facial expression habang nagsusulat doon. Mukhang wala nga itong napapansin at para bang may sariling mundo.
Good. Makakaalis ako nang hindi niya napapansin. Pero aalisin pa lang sana niya ang tingin kay Keith nang bigla itong nag-angat ng mukha at mapatingin sa kaniya. Huminto ito sa pagsusulat at malawak na ngumiti. Pagkatapos binuksan nito ang pinto sa tabi ng driver's seat at inilabas ang ulo mula roon. "Sylve! Get in."
Kumunot ang noo niya. "No thanks."
"Come on. Sylve!"
Nanlaki ang mga mata niya kasi lumakas ang boses nito, parang sinasadyang iparinig sa mga tao. Lumingon siya sa Happy Mart at nakita niyang napapasilip na sa glass door ang dalawang store staff.
"Sylve!" Napangiwi siya at masamang tiningnan si Keith na ngiting ngiti pa rin, halatang natutuwa na hindi siya komportable sa ginagawa nito. "Gusto mo bang maabutan pa nila tayo dito sa labas? Aasarin ka na naman nila, gusto mo ba 'yon?"
"Siyempre ayoko!" inis na sagot niya kasabay nang mabilis na paglalakad palapit sa sasakyan. Ngumisi ito at nakabalik sa loob in time para buksan ang pinto ng passenger's seat para sa kaniya. Nakataas ang isang kilay na sumakay si Sylve. "Ano bang problema mo? Akala ko ba aalis ka na?"
"Wala akong sinabing aalis na ako. Ang sabi ko lang, lalabas ako ng Happy Mart," kaswal na sagot ni Keith. Napansin niyang itinago nito ang notepad at ballpen bago binuhay ang makina ng kotse.
"Anong sinusulat mo kanina?" tanong ni Sylve na ayaw sana magbukas ng topic kaso tinalo ng curiosity.
Sinulyapan siya nito at naging pilyo ang ngiti. "Interesado ka na rin sa 'kin?"
She rolled her eyes. "Iba ang curiosity sa interested."
"Oo nga. Pero sa curiosity nagsisimula ang lahat," pakindat pang komento ni Keith.
Napailing si Sylve at nagsuot na lang ng seatbelt. "Forget it. Dahil makulit ka, ihatid mo na lang ako tapos umuwi ka na."
Pinaandar ng lalaki ang kotse. Ilang minutong tahimik lang sila pareho nang bigla itong magsalita sa mas seryoso nang tinig, "I was writing notes for a story plot I'm working on. Hindi ko alam kung bakit pero mula kagabi na nagkausap tayo sa labas ng apartment niyo, ang dami kong naiisip na ideya na gusto ko isulat."
Napalingon si Sylve rito. Sumulyap ito sa kaniya at tipid na ngumiti. "I write books." Napanganga siya at hindi naiwasan maimpress. She loves books. Kahit noong nagaaral pa lang siya hanggang ngayon. Stress reliever niya ang pagbabasa ng English at Tagalog novels. Katunayan built-in bookshelf ang isang pader ng kuwarto nila ni Yona na pinasadya talaga niya. Kaya iba ang respeto at paghanga niya sa mga manunulat.
Lumawak ang ngiti ni Keith. "You're a reader, aren't you? Ganiyan ang reaksiyon ng mga taong mahilig magbasa kapag nalalaman ang propesyon ko."
Tumikhim siya at pinakatitigan ito. "Iyong totoo, bakit mo ba 'to ginagawa? Gets ko na gusto mo mapalapit kay Yona dahil anak mo siya. Pero bakit nag e-effort ka rin maging friendly sa akin?"
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomanceNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...