Explaining Miracles of Kismet

3.6K 63 9
                                    

"Ang galing ng apo ko. Top of the class na naman," rinig kong sabi ni lola kay ate pagkauwi niya galing school.

"Eh, kanino ba magmamana? Syempre sa akin," sabi ni Papa.

Gusto ko ring mag-aral kaso hindi daw pwede. Na-iinggit ako kay ate kasi mahal na mahal siya ng lahat ng tao sa bahay namin pati na rin sa labas.

"Ipagpatuloy mo lang 'yan apo," sabi ni lola at niyakap si ate.

"Gusto ko rin pong mag-school," sabi ko at nagpakita sa kanila.

Nagulat sila pero kaagad napalitan ng galit ang emosyon nila. "Anong sinabi ko sa iyong bata ka? Hindi ba't ibinilin ko sa iyo na sa kwarto ka lang," galit na sabi ni lola.

"Lola, maghapon na po ako sa kwarto, gusto ko lang naman pong batiin si ate," sabi ko.

"Katherine, makinig ka sa lola mo. Bakit gusto mo laging napapagalitan?! Rizza, ihatid mo na nga sa kwarto niya si Katherine," sabi ni papa. Lumapit ang kasambahay at hinawakan ang wheelchair ko.

"Gusto ko rin pong mag-aral, bakit hindi po pwede?" tanong ko.

"Nakikita mo ba ang sitwasyon mo? Hindi tinatanggap sa paaralan ang hindi nakakalakad!" sigaw ni lola kaya natahimik ako.

"Mama, gusto ko pong mag-aral," sabi ko sa aking ina pero hindi nya ako pinansin.

Namuo ang luha sa mga mata ko. Bakit hindi pwede? Kaya ko namang magsulat kahit hindi ako nakakalakad.

"Pwede naman kitang turuan. 'Wag kang mag-alala," sabi ni ate nang pumunta siya sa kwarto ko.

"Talaga?" Kumurap ako.

"Oo naman. Madali lang naman ang tinuturo sa school. Kayang-kaya mo iyon." Ngumiti siya at nag-thumbs-up sa akin.

Masaya ako at may kapatid akong mabait. Ate Klarissa is my best friend and my savior. Kabaliktaran ang turing niya sa akin kumpara sa kung paano ako itrato ng mga magulang namin at ni lola. They are mean to me, they don't like me. Kahit hindi nila sabihin ay nakikita at nararamdaman ko iyon.

Nang umalis si ate dahil may kailangan pa raw siyang gawin ay siya namang pagpasok ni mama.

"Mama!" sabi ko at inilapit ang wheelchair ko sa kanya upang mayakap siya.

Kaagad niyang kinalas ang yakap kaya napatingin ako sa kanya. Kumunot ang noo ko.

"Bakit mama? Galit ka po?" tanong ko.

"Pwede ba, Katherine? 'Wag mo na akong bigyan ng problema. Maayos na kami ng lola mo pero nag-away na naman kami dahil sa iyo. Bakit hindi ka na lang maging masunurin kagaya ni Klarissa? Pasalamat ka at binuhay pa kita. Dapat noon pa lang ay itinapon na kita," sabi niya at tumalikod na.

Hindi ko masyadong maintindihan ang sinabi niya pero alam kong may kasalanan ako.

"Sorry, Mama," sabi ko bago siya tuluyang makaalis. Napahinto siya nang sandali bago tuluyang umalis.

Sinubukan kong mag-aral ng ibang bagay dahil hindi naman ako makapunta ng school. I tried everything na hindi na kailangang maglakad and I found something that I am good at.

"Lola, hindi ko pa kayang mag-stitch at knit," sabi ni ate ng sinubukan siyang turuan ni lola.

"Hay, naku, apo. Sige maglaro ka na doon." Binaba ni lola ang mga gamit na hawak.

Nang umalis sila ay lumabas ako at kinuha ang yarn at ibang gamit. Hindi naman siguro magagalit si lola kung hihiramin ko ito sandali.

"Ate Rizza, gusto kong matuto ng ganito."  Pinakita ko sa kanya ang mga yarn.

"Naku, Ma'am Kath. Mahirap 'yan." Napailing siya at tinawanan ang sarili.

Mahirap nga pero pinagtutunan ko dahil gusto kong ipakita kay lola na magaling din ako. Na kaya ko ring gumawa ng mga bagay kagaya ni ate. Hindi lang ako basta nakaupo sa wheelchair.

"Ang ganda naman n'yan, ma'am Kath. Matutuwa ang lola niyo kapag nakita niya iyan," sabi ni ate Rizza.

"Talaga po?"

Pero iba ang naging reaksyon ni lola ng ibigay ko sa kanya ito. Nagalit siya at itinapon ang gawa ko. Bakit laging galit sa akin si lola, si mama at si papa? Lagi ko naman na silang sinusunod, lagi na akong mabait.

Masama ba ako? Lagi bang mali ang ginagawa ko?

Umiyak ako sa kwarto ako. Hanggang sa lumaki ako ay unti-unti kong naintindihan ang lahat. Hindi ako tanggap sa pamilyang ito. Kahit anong gawin ko ay hindi ko sila mapapasaya.

Kahit gawin ko lahat ng mga magagandang bagay sa mundo, kahit maging mabuting anak ko, hindi nila ako matatanggap. Kung magkakaroon lang ng milagrong makalakad ako. Baka sakaling mahalin rin nila ako. Baka sakaling ipagmalaki nila ako bilang isang anak at apo.

Ang sakit lang na sa paglaki ko ay hindi ko naramdaman ang pagmamahal nila.

"Mama, papa. Magde-debut na po ako. Magkakaroon po ba ng handaan? Gusto ko po iyong katulad ng kay ate."

Alam kong hindi papayag si lola pero malay niyo ay sa wakas ay pagbigyan nila ako.

Hindi sila kumibo.

"Mama, papa. Okay lang po kahit hindi na ako mag-birthday party basta po batiin niyo lang po ako."

Pero nang dumating ang birthday ko ay wala sila dahil graduation ni ate sa high school.

"Happy Birthday, Kath," sabi ng mga kasambahay namin at may hinanda pa silang maliit na cake.

Kahit paano ay naibsan ang kalungkutan ko. "Salamat po," sabi ko at pinunasan ang luha.

Kaya masisi niyo ba ako kung maghanap ako ng pagmamahal sa ibang tao?Pagmamahal na hindi kayang ibigay ng sarili kong pamilya?

Explaining Miracles Of Kismet (EX Series 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon