Chapter 15 - Sacrifices
"...Please, let me go."
~♡♡♡♡♡♡♡~
NAKAPAMULSA na naglalakad si Jerson habang sinusundan ng tingin si Yannie sa likuran nito. Ilang metro ang kababata mula sa kanya kaya hindi nito pansin na sinusundan niya ito. Nag-aalala kasi siya—at nasasaktan. Katatapos lang ng dismissal nila at oras na ng uwian. Mabuti na lang at may scheduled checkup si Yuri kaya hindi nito iyon kasama.
"Yannie..." Bulong niya habang nakatingin sa kababatang alam niyang nakararamdam din ng sakit na kagaya ng sa kanya. "Minahal mo rin ba ako?"
Natuklasan niya kasi ang mga pangyayari kagabi. Nasa gilid siya sa labas ng bahay ni Yannie nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Kinuha niya ang kanyang payong at nanatili pa ring naghintay kay Yannie na siyang hindi pa umuuwi. Sinabihan siya ng ina nito na pumasok na sa loob pero nagpumilit siya na hintayin ang kababata sa labas at salubungin ito.
Simula noong isang araw na nasa library sila at hiningi nito ang number ni Ren ay halos pigil siya na yakapin si Yannie sa sobrang pagka-miss dito. Sa kabilang bahagi niya ay tila pinipigilan din siya dahil sa isang responsibilidad na sa una pa lang ay ayaw niya nang panagutan. Ngunit nangyari na, at kailangan siya ni Yuri, at wala siyang ibang sisisihin kung hindi ang sarili niya. Bigla ay naalala niya ang nangyari matapos ang alitan nila Yannie at Yuri.
"Umamin ka, Yuri. Anong nangyari?" Tanong niya nang maihatid niya si Yuri sa tapat ng bahay nito. "Kilala ko si Yannie. Hindi siya basta lang nananakit."
"Kinakampihan mo ba siya? Ako ang nobya mo 'di ba? Sabi mo mahal mo ako."
Mariin na napapikit si Jerson sa sinabing iyon ni Yuri. Hindi niya na kaya. Gusto niyang magpumiglas at ipilit ang katotohanang ayaw tanggapin ng nobya. "Yuri... all this time, alam mo kung sino talaga ang mahal ko."
Kinabahan siya nang bigyan siya nito ng isang matalim na tingin. Sunod-sunod na luha ang pumatak sa mga mata nito. Hinubad nito ang bag at saka ibinato iyon sa kanya. Galit na galit ito at mas lalo siyang kinabahan nang makita niyang nanginginig ito. "Ako ang mahal mo! 'Di ba sinabi mo 'yon!? Ako lang, Jerson, ako lang!!" Sigaw nito at saka bumagsak sa sahig. Inalalayan niya ito ngunit tinutulak siya nito palayo.
"Yuri... please..."
"Umalis ka! Umalis ka!"
"Anong nangyayari dito?" Napatingin si Jerson sa dalawang taong lumabas mula sa gate—ang mga magulang ni Yuri. "Yuri, anak..." Nag-aalalang sambit ng ina ni Yuri at saka nilapitan si Yuri.
"Ma, 'di ba mahal ako ni Jerson? Sinabi niya 'yon eh." Umiiyak na sabi ni Yuri sa ina.
"Sshhh. Yes, dear. Mahal ka ni Jerson. Halika na at pumasok na tayo sa loob, okay?" Marahang sabi ng ina habang hinahagod ang likod ni Yuri.
"Pero sabi niya..." Sabi ni Yuri sa gitna ng hikbi nito at saka ito tumingin kay Jerson. "Jerson... sabi mo..."
"Anong sinabi mo sa kanya, Jerson?" Tanong ng ama ni Yuri at saka binigyan si Jerson ng isang makahulugang tingin.
Tila ay nabasa ni Jerson ang tingin na 'yon at nakita rin niya ang authority sa mga mata nito. Alam niyang nag-aalala lamang ito para sa anak. "N-na m-mahal ko po... siya."
BINABASA MO ANG
Taking A Step Towards You | ✔
Teen FictionLanguage: Filipino-English Mahal niya na... ngunit ayaw siyang mahalin. Nagsimula ang lahat sa hopeless na pag-ibig ni Yannie sa kanyang kababata na siya namang nagdulot sa kanya na makita at mahulog sa bagong kaibigan nila sa kolehiyo. At oo, nahuh...